TATLONG constitutional offices ang nagsisilbing sandigan ng demokrasya ng bansa: Commission on Elections (Comelec); Commission on Audit (CoA); at Office of the Ombudsman. Hindi lamang diwa ng demokrasya ang kanilang kinakatawan kundi ang mahusay na paninilbihan sa sambayanan.
Nasa pamamahala ng Comelec ang pagdaraos ng malinis, maayos, at matapat na halalan. Kung walang halalan, hindi mapipili ng sambayanan ang mga taong uugit sa gobyerno. Kung walang halalan, wala ang mga taong tatayo bilang mga lider sa ating demokrasya.
Sinisiguro ng CoA ang maayos na pamamalakad at paggasta ng salapi ng bayan. Kung walang CoA, hindi magiging maayos ang paggamit ng mga buwis at iba pang kita ng gobyerno. Walang maayos na kuwenta o pagtatasa sa mga gastusin.
Trabaho ng Office of the Ombudsman na bawasan ang korapsyon sa gobyerno kung saan ginagamit ang poder upang magkamal ng salapi ng bayan ang mga lingkod-bayan. Hinahabol ng opisinang ito ang mga salarin upang madala at humarap sa hustisya.
Hindi madali ang trabaho ng tatlong sangay ng gobyerno sa pangangalaga ng demokrasya. Kinokontrol sila hanggang maaari ng mga mapanuwag na lider upang maging diktador at magawa ang kanilang nais kahit mapasama at mamatay ang demokrasya sa kanilang mga bansa.
Sa kanilang tanyag na aklat “How Democracies Die,” ginalugad ng dalawang may-akda, Steven Levitsky at Daniel Ziblatt, parehong iskolar mula sa Harvard University, kung paano kinontrol na mga populist leader ang mga ganitong institusyon sa kanilang mga bansa upang maghari ang kadiliman at nasadlak ang kanilang bansa sa diktadurya. Hindi kudeta ang paraan ng mga populist leader upang makontrol ang kanilang mga bansa kundi ang gamitin ang mismong sistemang demokratiko sa kanila.
Kapag nahalal, ginagamit ng mga populist leader ang sistemang demokratiko, kasama ang mga istruktura at proseso, upang sirain ang demokrasya na naghatid sa kanila sa tagumpay at poder upang manatili sa kapangyarihan, ayon sa aklat ni Levitsky at Ziblatt. Sila ang nangunguna para wasakin at hindi palakasin ang kanilang demokrasya, anila.
Sa Filipinas, maraming tanong kung ang pagkakahalal ni Rodrigo Duterte noong 2016 ay nagpapalakas sa ating demokrasya. May mga tanong may kakayahan ang tila bangag na si Duterte na palalakasin ang demokrasya ng bansa. Matatapos ang anim na taon na termino ni Duterte sa susunod na taon ngunit nanatili ang tanong kung mananatiling maayos ang ating demokrasya.
Isang matinding tanong kung kaya na pangasiwaan ng Comelec ang halalan ng 2022. Matindi ang duda na magkakaroon ng dayaan dahil kilala ang Comelec bilang isang mandarayang institusyon. Hanggang ngayon, may mga mamamayan ang nagsasabi ng senaryo na No-El (no elections), o walang eleksyon. Hindi matutuloy umano ang halalan kahit hindi malaman kung ano ang dahilan.
Hindi nabago ang reputasyon ng Comelec bilang mandaraya sa halalan sa mga nagdaang panahon.
Nakakaduda kung may isasagawang pagtatasa, o audit, ang CoA sa mga inilaang budget na P275 bilyon sa ilalim ng Bayanihan to Heal as One Act 1 at P145 bilyon sa Bayanihan to Heal as One Act 2. Sila ang dalawang batas na ipinasa ng Kongreso bilang tugon sa pandemya. May mga kahilingan na tasain ang mga pondo ng dalawang batas dahil sa alegasyon na nawala ang pondo kontra pandemya. May mga panawagan na tasain ang pondo ng PhilHealth dahil sa pagkawala ng P15 bilyon.
Sinasabi na ginagamit ang poder ng CoA upang apihin ng isang diktador ang kanyang mga kalaban at hindi ng estado. Kasama ang poder ng CoA na gumawa ng special audit, o piling pagtatasa sa ilang sangay ng pamahalaan. Maaari rin hindi kumilos ang Coa upang makalusot ang mga tiwali.
Ginagamit ang Office of the Ombudsman upang usigin ang mga taong pinaniniwalaang kaaway ng estado kahit hindi totoo. Ginagamit ang opisina na ito upang gipitin ang mga taong gustong gipitin. May mga pagkakataon na opisina ng pang-abuso ang Office of the Ombudsman at hindi ng katarungan.
***
BIGLANG sikat si Antonio Carpio, ang retiradong mahistrado na pinag-iinitan ni Rodrigo Duterte dahil sa kanyang mga isinulat tungkol sa teoryang Nine-Dash Line na batayan ng China upang ariin na kanila ang halos kabuuan ng South China Sea at kamkamin ang teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea. Dahil sa mga isinulat, bumubula ang bibig ni Duterte sag alit kay Carpio dahil napasama ang China at nanalo ang Filipinas noong 2016 sa kanyang sakdal na iniharap noong 2013 sa Permanent Arbitration Commission ng UNCLOS.
Nasira ang China dahil sa panalo ng Filipinas sa sakdal sa UNCLOS. Hindi pinatawad ni Duterte si Carpio dahil sa siya ang nagbigay ng mga datos sa koponang legal ng Filipinas upang manalo sa sakdal. Labis na sinasamba ni Duterte ang China at hindi siya nasasaktan kahit tawagin siyang taksil sa bayan, o traydor. Matindi ang paniniwala ng sambayanan na ipinagkanulo ni Duterte ang Filipinas sa China.
May mga netizen na nagsusulong kay Carpio bilang kandidato ng oposisyon at demokratikong puwersa sa 2022. Ngunit itinanggi ni Carpio ang pagsusulong sa kanyang kandidatura. Siya ang namumuno sa 1Sambayanan upang piliin kung sino ang ihaharap ng oposisyon sa 2022. Koalisyon ng mga puwersang demokratiko sa bansa ang 1Sambayanan. May sumisibol na Tony Carpio for President Movement.
***
GINULAT kami ng pahayag ng Bise Presidente Leni Robredo kontra kay Duterte at sa China. Sa programa na “Biserbisyong Leni” sa dzXL, sinagot ng Bise Presidente ang mga tanong ni radio host Ely Saludar at sinabing hindi dapat talikuran ang dalawang pahayag ni Duterte hinggil sa usapin ng pagpasok ng China at pangangamkam sa teritoryo ng Filipinas sa West Philippine Sea. May epekto ang sinabi ni Duterte sa pangmahabang panahon kahit wala na kami sa poder, ayon sa Bise President.
Hindi totoong “isang kapirasong papel” ang desisyon na hindi pag-aari ng China ang South China Sea, ayon sa Bise Presidente. Nakabatay sa desisyon na iyan ang kalayaan at soberanya ng Filipinas bilang isang bansa, aniya. Hindi totoo na pag-aari ng China ang West Philippine Sea tulad ng kanyang sinabi sa telebisyon, aniya. Sa atin ang West Philippine Sea, aniya biglang paglilinaw sa baluktot na paniniwala ni Duterte. Klaro ang paninindigan ng Bise Presidente sa usapin.
Hindi pa tapos ang isyu sa programa. Bilang ganti sa mga kasinulangan na iabinando ng dalawa laban sa kanya, tinawanan ni Leni si Harry Roque at Sal Panelo. Nabasa niya ang mga nakakasukang pahayag ng dalawang abogado sa social media. Ayon sa kanya, hindi maalis ang matawa sa kanilang magkakahiwalay na pahayag dahil nagmukha na si Tony Carpio ang naghamon ng debate kay Duterte. Nakalimutan ng dalawa na si Duterte ang naghamon, aniya.
Sinabi ng Bise Presidente na maganda sana kung natuloy ang debate dahil hindi ganap na nauunawaan ng maraming tao ang isyu. Magandang ipaliwanag ang isyu sa sambayanan, aniya. Ngunit umurong ang naghamon ng debate sa laban, aniya. Kulang na lang sabihin niya na duwag si Duterte. Ito ang hatol na maraming mamamayan sa tila bangag na lider.
The post Sandigan ng demokrasya appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: