LAGUNA – Tatlong tao ang nasawi at apat ang nasagip nang tumaob ang sinasakyan nilang banca de motor sa Lawa ng Laguna sa bahagi ng Talim Island nitong Sabado, Mayo 1, ganap na 4:45 ng hapon.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, nakilala ang mga nasawi na sina Renato Gaylon, 48 anyos, branch manager ng Cebuana Lhuiller; anak niyang si King Richard, 20; at kaanak na si John Lourence Escala, 15, estudyante, pawang residente ng Barangay Timugan, Los Banos.
Mapalad namang nakaligtas ang apat nilang kasamahan na sina Joel Maranan, bangkero; kinakasamang si Zenny Maranan ng Bgy. Bayog; Mark Christian Gaylon, 17, estudyante; at kapatid na si Ruiz Gaylon, 15, estudyante, ng Bgy. Timugan.
Ang mga biktima ay nahanap at na-rescue ng pinagsanib na mga kagawad ng Los Banos Coastguard, Municipal Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO), Bay at Taguig Rescue Team matapos makatanggap ng ulat na may bangkang dumaob sa Lawa.
Linggo na ng 5:00 ng umaga nang magkakasunod na narekober ng mga awtoridad ang tatlong bangkay sa bahagi ng Talim Island, Binangonan, Rizal.
Nabatid na pabalik na ang mga biktima mula sa Talim Island makaraang dumalo sa kapistahan sa lugar nang tumaob ang sinasakyan nilang banca de motor.
Ang trahedya ay nasaksihan ng isang SK chairman at mga kasamahan kaya kaagad nasagip ang mag-asawang Maranan at magkapatid na Gaylon, habang ang mag-amang Renato at King Richard at kamag-anak nilang si Escala ay inanod ng malakas na alon at umaga na natagpuan na mga bangkay na.(Dick Garay. Koi Laura)
The post Trahedya matapos mamiyesta: 3 patay, 4 nasagip sa tumaob na bangka sa Laguna Lake appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: