DALAWA katao ang nasawi nang pagbabarilin ng riding-in-tandem criminals sa Barangay Mariana, Quezon City, Miyerkules ng gabi.
Ayon kay Quezon City Police District director Brig. Gen. Antonio Yarra, hindi pa kilala ang mga biktima na maaring mag-asawa.
Sa ulat, 7:00 ng gabi nang mangyari ang insidente sa Broadway Avenue corner 6th Street, Barangay Mariana.
Sakay ng kotse ang mga biktima nang tambangan ng mga salarin na tinatayang nasa anim katao at pawang sakay ng motorsiklo, ayon sa pulisya.
Ayon sa mga nakasaksi sa pangyayari, inilabas pa ng mga salarin sa sasakyan ang babae, habang sa loob ng kotse pinagbabaril ang kasama nitong lalaki na nagsisilbing driver.
Nagawa pa ng babaeng makahingi ng tulong bago binawian ng buhay.
Ayon sa report, mga basyo ng assault rifle ang natagpuan sa crime scene, at mga pinamili mula sa appliance store ang nakita sa loob ng sasakyan ng mga biktima.
Sinabi ni Yarra na kasalukuyang tinungo narin ng kanilang mga imbestigador ang dalawa pang address ng mga biktima sa Caloocan at Malabon.
Magkakaiba, aniya, ang mga pangalan at address sa IDs ng mga biktima na natagpuan ng mga awtoridad.
Ilalabas, aniya, sa publiko ang mga larawan ng mga biktima para mas mapabilis ang pagkakakilanlan sa mga ito.
Sa ngayon, wala pa silang matibay na ebidensiya na magtutukoy sa posibleng motibo sa krimen.
“But when we reviewed the CCTV, makikita natin na sila ay sinundan coming from their last destination na pinuntahan. Ito ay isang appliance store, hindi pa natin ilalabas ngayon kung saan ito at nag-iimbestiga narin tayo dito sa area na ito para malaman natin kung sila ay merong kinatagpo or talagang namili lang at on their way back to their destination sila ay natambangan,” sabi ng Heneral.
Beneberipika narin sa Land Transportation Office ang plaka ng sasakyang ginamit ng mga biktima.
Patuloy pang ang nag-iimbestiga ang QCPD sa krimen.
The post Babae hinatak palabas ng kotse ng riding in tandem at binaril; driver tinodas din appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: