PERSONAL na sinalubong nina Manila Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang pagdating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ng biniling 400,000 doses vaccines ng pamahalaang lungsod mula sa Sinovac Life Sciences, Co., Ltd. . Ang Maynila ang kaunahang local government unit (LGU) sa buong mundo na nakabili ng sarili nitong bakuna.
Sina Moreno at Lacuna ay sinamaham nina Manila City Council Majority Floorleader Atty. Joel Chua, assistant secretary to the mayor Letlet Zarcal at Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan. Sinabi ng alkalde na ang P298.5 million na halaga ng bakuna ang kanyang regalo sa mamamayan ng Maynila sa pagdiriwang ng ika-450 taon ng ‘Araw ng Maynila’ nitong June 24. Ang bakuna ay dumating pasado alas-7 ng umaga sakay ng Cebu Pacific flight 5J-671 sa Bay 49 ng NAIA Terminal 2.
Nito ring June 24, pinangunahan nina Moreno at Lacuna ang pagpapasinaya ng Manila COVID-19 Field Hospital kung saan ang operasyon ay magsisimula sa June 25, 2021.
Ang nasabing ospital ay tatanggap ng pasyenteng may mild hanggang moderate na kaso ng COVID mula sa mga city-run hospitals upang makapag-concentrate ang mga ito sa pag-aalaga ng mga regular na pasyenteng may mga ibang sakit.
Sinabi ni Moreno na ang pamahalaang lungsod na patuloy na gumagawa ng record-breaking record sa mabilis at dami ng naituturok na bakuna mula sa national government, ay muling paiigtingin ang kampanya sa pagbabakuna sa pamamagitan ng 400K doses ng Sinovac na nasa kamay na ng pamahalaang lungsod at ito ay sapat para sa 200,000 katao.
“Excited kami but with the help of the national government’s effort in providing vaccines to the LGUs, in the next two weeks, we will try to finish this set at the rate we are going,” sabi ni Moreno.
Sa kasalukuyan ang Maynila ay nakapagbabakuna nang mahigit na 35,000 indibidwal sa loob ng isang araw sa may 22 vaccination sites na nakakalat sa buong lungsod at nag-o-operate mula alas-6 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi kada isang araw. Ang vaccination program ay pinangangasiwaan nina Lacuna at Pangan.
Pinasalamatan ni Moreno sina Health Secretary Francisco Duque at Carlito Galvez, Jr., chief implementer ng National Task Force against COVID-19, na ayon sa kanya ay agad na inaprubahan ang mga dokumentong kailangan upang makabili ang Manila LGU ng sarili nitong Sinovac doses. Naroon din sina Duque at Galvez at sinalubong ang may 1.6 million doses ng Sinovac na kasabay na dumating ng inorder na bakuna ni Moreno.
Nagpasalamat din si Moreno sa Ambassador of China to the Philippines Huang Xilian at sa Beijing government para sa tulong na makuha ang contract of acquisition.
“We were able to complete the agreement in less than two months at nagpapasalamat kami sa tulong nina Secretary Duque at Secretary Galvez, hindi tumagal ng isang araw ang papel. Magandang regalo ito para sa mga Batang Maynila,” ayon pa sa alkalde.
Maliban sa Sinovac doses, bumili din ang Maynila noon pang isang taon ng 800,000 doses ng Astra Zeneca na maaaring dumating ngayong buwan ng September.
Ayon pa kay Moreno, ang mga nasabing hakbang na ginagawa lungsod ng Maynila ay tugma sa direksyong tinatahak ng pambansang pamahalaan na makamit ang herd immunity. (ANDI GARCIA)
The post Biniling 400K na doses ng Sinovac ng Maynila sinalubong ni Isko at Honey appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: