INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases na agad ikalat ang bakuna sa mga critical at high risk area bunsod ng report na pagtaas muli ng COVID-19 cases.
“Kagabi po nakausap namin ni Pangulong Duterte ang some members of the IATF. Sabi ni Pangulong Duterte, i-deploy na agad ang mga bakuna, lalo na sa critical areas, high risk areas. Halimbawa na lang po tumaas ang cases sa Zamboanga del Norte, Zamboanga del Sur, mga ganung areas po,” sabi ni Go.
Binanggit ng senador ang kasalukuyang sitwasyon sa Metro Manila bilang halimbawa na epektibo ang COVID-19 vaccines.
“Kita n’yo, Metro Manila, tumaas noong Marso pero nung dumating ang mga bakuna, nag-stabilize na po. Ngayon po, health workers natin, nakakatuwa 85% po ng healthworkers natin dito sa Children’s Hospital ang nagpabakuna. Ibig sabihin, tumataas na po ang tiwala ng mga kababayan natin (sa bakuna),” ani Go.
“Ang gusto po ni Pangulong Duterte, i-deploy po sa pinakasulok po na mga lugar dito sa ating bansa dahil based on experience kapag naka-deploy na ang bakuna, medyo na-stabilize na tayo. Halimbawa, NCR (National Capital Region) nakita n’yo ‘di na masyadong napupuno ang mga ospital,” idinagdag niya.
Tinukoy niya ang paglobong muli ng kaso sa ilang bahagi ng Visayas at Mindanao, sinabi ni Go na dapat agapan ng mga lokal na opisyal ang kanilang healthcare systems para hindi magkolapso.
“Doon naman po sa probinsya sa Visayas at Mindanao, nandun naman nagkakaroon ng full capacity at ‘di natin ma-afford na bumagsak ang healthcare system doon.”
“Ganito po kasi, halimbawa, ang Dipolog (City), sila ang sentro. Ang mga kapit-munisipyo po, marami ang tumatakbo doon sa DOH (Department of Health) hospital at provincial hospital nila, nagkakapunuan po. Ganun po ang nangyayari sa ngayon. ‘Yun ang ayaw nating mangyari kaya sabi ni Pangulo, i-deploy agad ang mga bakuna sa mga lugar aside from deploying the healthcare workers at ‘yung kapasidad nila na ‘di mapuno ang mga ospital,” paliwanag ng mambabatas.
Sinabi ni Go na ang istriktong health protocols sa bansa na iniuutos ni Pangulong Duterte ay magkakaroon ng positibong resulta kalaunan sa pagsasabing lagi nilang inuuna ng Pangulo ang kapakanan ng kalusugan ng mga Filipino.
“Kaya tayo mas istrikto, si Pangulong Duterte gusto n’ya mas istrikto dahil importante sa amin ni Pangulong Duterte ang buhay ng bawat Pilipino. Uulitin ko, ang pera ay kikitain natin pero ang perang kikitain natin ay ‘di mabibili ang buhay,” ani Go.
Samantala, muling ipinaalala ng senador sa mga nabakunahan na kumpletuhin ang COVID-19 doses.
“Alam n’yo ‘di ko maintindihan bakit ‘di kayo bumabalik sa second dose, eh, nakalista naman po ‘yun kelan kayo babalik.”
“‘Wag n’yo po sayangin ang second dose kesa po mag-expire ‘yun, masira, ‘wag n’yo po sayangin ‘yun. I’m sure ‘yung gobyerno naman po kapag malapit na mag-expire ibibigay naman nila sa iba ‘yan. Sa lahat po ng naka-first dose na po, nakikiusap po ako sa inyo kulang po ang first dose. Marami pong mga requirement po na dapat pasok kayo sa second dose,” anang mambabatas. (PFT Team)
The post Bong Go: Pagpapakalat ng bakuna sa critical areas, iniutos ni PRRD appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: