TILA kakatiting ang kaalaman sa batas trapiko nitong atorni na dating opisyal ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Bakit ‘ika nyo?
E nag-aalimpuyo sa galit ang isang transport at commuter group na PASADA dahil labag sa ordinansa ng mga lungsod maging ng batas sa public transport ang panukala ni dating QC Traffic Management Head Atty. Ariel Inton na ayon sa kanya, dapat managot ang mga kawawang taxi drivers sa mga multa bilang paglabag sa batas trapiko at hindi ang mga mayayamang taxi operators.
“Hindi sang-ayon sa batas ang panukala ni Inton sapagkat ang mga taxi drivers ay mga ahente lamang ng mga operators at ang mga operators ang siyang rehistradong nagmamay-ari ng mga taxi units,” paliwanag ni Pat Mangubat, tagapagsalita ng PASADA.
“Siguro naman pinag-aralan ni Inton ang batas sa transportasyon, bilang dating kasapi ng LTFRB. Batid niyang kapag pinagmaneho ng operator ang isang drayber, nagiging ahente nya ito at anumang gawin nito sa panahong nagmamaneho siya ng sasakyan ay kargo ito ng operator. Basic yan sa law of agency,” sabi pa ni Mangubat.
Kung sa mga aksidente sa kalsada taxi drivers ang halimbawang may pagkakasala, sinasagot ito ng mga taxi operators, gayundin ang sistema kung lumabag naman sila sa batas trapiko, dagdag ni Mangubat.
“Inaayos ng mga operator ang multa sa pamamagitan ng iligal na paraan. Pero ngayon, wala silang lusot sa no contact apprehension program o NCAP dahil direkta sa local government units ang bayaran ng multa.
“Ngayong isinaayos ng mga LGU’s ang sistema ng pagmumulta sa mga lumalabag sa batas trapiko, ngayon umaaray si Atty Inton?” patawang sinabi ni Mangubat.
Nakikita ng transport group na gustong pahirapan ni Inton ang mga taxi drivers na apektado ngayon ng pandemya at pino-protektahan nito ang mga taxi operators para makaligtas sa pagbabayad ng mga multa mula sa no contact apprehension program na ipinatutupad sa Maynila, Paranaque at Valenzuela.
Ilan sa mga taxi operators ngayon ang nais takasan ang mga responsabilidad nila sa pagbabayad ng multa mula sa paglabag sa batas trapiko.
Kaayusan ang dala ng NCAP at mabuti ito sa pangkalahatan, di lamang sa commuters. Naiiwasan ang “ayusan” at “lagayan.” Kung talagang para sa kaayusan si Atty. Inton, dapat sumunod siya sa mga ordinansa dahil pinag-aralang mabuti yang sistema,” dagdag ni Mangubat.
“Kung nagbasa lamang ng ordinansa si Inton at hindi nagmadaling pumutak sa media para protektahan ang mga kaibigan niyang mga taxi operators, hindi sana mangyayari ito.” sabi ni Mangubat.
Hindi na raw kataka-taka bakit sinipa ni Quezon City Mayor Joy Belmonte si Inton bunga na rin ng kanyang limitadong kaalaman sa batas trapiko at nang matuklasang gumamit pala ito ng isang tow trucking services na nakabase sa Pasig City para hulihin diumano ang mga illegal parking sa Quezon City.
“Malinaw sa batas, maging sa public transport law na ang operators ang may pananagutan sa mga gawaing isinasagawa ng taxi drivers sa sandaling gamitin nito ang taxi units ng operators. Ang operator ang nakarehistrong nagma-may-ari ng oto kaya dapat may pananagutan sila sa sandaling lumabag sa batas trapiko ang kani-kanilang mga drayber dahil agente nga nila ang mga ito,” ayon kay Mangubat.
Gustong baliktarin ni Inton ang batas para maprotektahan ang mga operators na nais namang makalusot sa mga multang ipinatutupad ng NCAP.
Mali rin aniyang sabihing walang basehan sa batas ang pagpapatupad ng NCAP dahil nakasalalay sa mga ordinansya ng mga lungsod ang nasabing programa.
***
Regla: bobo vs puso
SA 2022 presidential and local elections, maraming pangalan ang lumulutang pero ilan lamang sa kanila ang lantarang nagpahayag ng kagustuhang maging pangulo ng bansa.
Naalala ko ‘yung sinabi ng dating senador na “regla” bobo-puso simula sa panahon ng mga dating Pangulo Diosdado Macapagal, Ferdinand Marcos, Cory Aquino, Fidel Ramos, Joseph Estrada, Gloria Macapagal-Arroyo, Noynoy Aquino at ang huli, si Rodrigo Duterte.
Umpisahan natin sa bobo. Ang sabi ng dating senador sa kanyang regla, si Macapagal, bobo, si Marcos, matalino. Si Cory Aquino, bobo, si Ramos matalino. Si Erap Estrada, bobo, si Gloria Macapagal-Arroyo, matalino. Si Noynoy Aquino, bobo, si Duterte matalino.
Sa puso naman. Si Macapagal may puso, si Marcos wala. Si Cory may puso, si Ramos wala. Si Erap may puso, si GMA, wala. Si Noynoy may puso, si Duterte, wala.
Ngayon ang tanong, kanino ka sa mga pangalang lumutang ngayon na intresadong maging susunod na pangulo ng bansa, sa bobo o sa puso?
So far sa aking natatandaan, tatlo pa lamang ang nagpahayag ng kanilang kagustuhang tumakbo sa pagka-pangulo, sina dating Senador Bongbong Marcos, dating House Speaker Alan Peter Cayetano at Senador Manny Pacquiao.
Inuulot pa lang na tumakbo sina Davao City Mayor Sarah Duterte at Manila Mayor Isko Moreno.
Kanino ka ngayon, sa bobo o sa puso?
The post Si atorni katiting ang kaalaman sa batas trapiko? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: