LABIS na pinuri ni Senator Christopher “Bong” Go si Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-apruba na payagan ang National Task Force Against COVID-19 na magamit ang Contingent Fund ng Chief Executive upang pambayad sa tinatayang 4 milyong doses ng bakuna at logistical costs nito para sa June 2021 deliveries.
“Nagpapasalamat po tayo kay Pangulong Duterte dahil pinayagan n’ya na magamit muna ang kanyang Contingent Fund upang pondohan muna ang mga bakuna na darating ngayong buwan at para hindi maalintala ang vaccine rollout sa bansa,“ ayon kay Go.
Sinabi ni Go na dahil dito, makasisiguro nang hindi mawawalan ng supply ng COVID-19 vaccines.
Tiyak din aniyang ang vaccine manufacturers ay mababayaran para sa buwan ng Hunyo, isang napakahalagang hakbang upang ang vaccine allocation ng bansa ay hindi mabitin at magtuloy-tuloy ang rollout ng national vaccination program.
“Masisiguro po nito na tuluy-tuloy ang pagdating at pag-rollout natin ng COVID-19 vaccines sa buwan na ito, lalo na at inaasahan natin ang expansion ng programa upang mabakunahan na rin ang mga A4 at A5 groups,” idiniin ni Go.
Noong Hunyo, na-validate ng World Health Organization ang Sinovac vaccines “for emergency use”, na sadyang kailangan upang maabot ng bansa ang Vaccine Eligibility Criteria na itinakda ng Asian Development Bank at ng Asian Infrastructure Investment Bank habang ipinoproseso ng mga ito ang loan financing sa pagbili ng bakuna.
Kaya naman sa pamamagitan ng Department of Health, hiniling ni Vaccine czar Carlito Galvez, Jr., na magkaroon ng access sa Contingent Fund ng Pangulo, batay sa ilalim ng Republic Act No. 11518 o ng General Appropriations Act.
Nakasaad sa batas na ang pondo, “shall cover the funding requirements of new or urgent activities or projects of national government agencies, GOCCs, and LGUs that need to be implemented or paid during the year.”
“Gawin po natin ang lahat upang masiguro na tuluy-tuloy ang pagbabakuna at walang masayang na oras dahil buhay ng ating mga kababayan ang nakataya rito,” ani Go.
“Mahalaga rin po na hindi maantala ang ating pagbabakuna upang unti-unti na nating mabuksan ang ating ekonomiya,” idinagdag niya.
“Ang atin dito, ilagay natin ang tiwala ng tao sa bakuna. Kapag marami ang naeengganyo, marami ang magpapabakuna. Ang iba kasi nag-aantayan ‘yan … Huwag kayo matakot sa bakuna, magtiwala kayo dahil ito ang solusyon sa pandemyang ‘to,” sabi pa ng senador. (PFT Team)
The post Bong Go: Pondo ni PRRD, ibabayad sa bakuna appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: