INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go na ipinauubaya niya sa Diyos ang kanyang kapalaran at ang paglilingkod sa bayan sa pagsasabing wala sa interes niya ang pagtakbo sa mas mataas na posisyon sa 2022 national elections.
Ayon sa senador, nananatili ang kanyang pokus sa kanyang tungkulin na pagsilbihan ang mga Filipino bilang isang public servant.
“I leave my fate to God, to the Dutertes, and to the Filipino people, to whom I owe the privilege of serving this nation as a public servant,” ani Go na nagsabing wala siya sa kasalukuyang posisyon kung hindi sa suporta ng taumbayan.
“Ulitin ko lang po, pinapaubaya ko na po sa Diyos, pinapaubaya ko na po sa mga Duterte, at sa mga kapatid ko pong Filipino na nagbigay po ng pagkakataon na makapagserbisyo po ako sa kanila. Kaya hindi ko po sasayangin itong pagkakataong ito,ibabalik ko po sa inyo ang serbisyo,” idinagdag ni Go.
Ani Go, lubos siyang naniniwala sa liderato ng pamilya Duterte at kung ano ang kanilang magiging desisyon ay patuloy siyang nakasuporta.
“Ako po ay naniniwala sa pamilya, sa kanilang liderato, kung ano po ang kanilang magiging desisyon ay susuportahan ko po ang kanilang magiging desisyon. Iisa lang naman po ang aming layunin, ang pagserbisyuhan ang aming kapwa Filipino at kabutihan lang po ng bawat isa,” ayon kay Go.
Muling iginiit ni Go sa kanyang mga kapartido at tagasuporta na ikonsidera siya bilang panghuli sa listahan ng mga pagpipilian para maging “manok” sa darating na presidential elections, katambal ni Pangulong Duterte, na itinutulak ng PDP-Laban bilang bise-presidente.
“Nasagot ko na ho ‘yan noon, I’m not interested in that position po. Hindi po ako interesadong tumakbo sa posisyon na alam kong napakahirap po na trabaho,” ani Go.
Ipinagpapasalamat ni Go ang tiwala at suporta sa kanya at sa Duterte administration ng taongbayan at kapartido sa pagsasabing, “Maraming salamat po sa inyong tiwala, sa mga party mates ko… at kahit sa mga hindi kapartido… Maraming salamat po sa inyong lahat — sa inyong tiwala. (But) I am not interested po.”
“Sa totoo lang po, kung pagod na pagod ang Pangulo… Pagod na pagod na rin po ako sa trabaho namin. Pero kayo po ang nagbibigay-lakas loob sa amin na makapagserbisyo pa po para malampasan natin (ang pagsubok na ito),” idinagdag ng mambabatas.
Sinabi ni Go na ang nais niyang mangyari sa ngayon ay malampasan ng bansa ang krisis at wala nang iba.
“Ako naman po’y senador na, na binigyan n’yo po ng pagkakataon na maging senador, na binigyan po ng Panginoon… mga probinsyano lang po kami na binigyan po ng pagkakataon. Hindi po namin sasayangin ito,” idiniin ni Go. (PFT Team)
The post Bong Go sa 2022 presidential elections: Ipinauubaya ko na sa Diyos appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: