IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa local government units, partikular sa Visayas at Mindanao, na gumawa ng mga kakaibang ideya o diskarte upang mapalakas at mapabilis ang kanilang vaccination efforts para marami pang mga kababayan natin ang mabakunahan.
Sa panayam, hiniling din ni Go sa LGUs at sa mga kinauukulang namamahala sa vaccine rollout na ang mga bakunang nasa kanilang posesyon ay agad na maikalat at magamit sa mga taong mahalagang agad na maturukan.
“Sa mga LGUs, paigtingin pa natin ang pagbabakuna. Dapat ‘di magtagal ang stocks sa inyo. Marami na ang gustong magpabakuna pero naghihintay. Pabilisin natin ang sistema sa pag-distribute ng bakuna,” ani Go.
“Dapat po hindi ma-stock nang matagal sa storage n’yo. Dapat maging creative ang LGU. Kung kailangan suyurin ang mga pamamahay, gawin n’yo na po. Mga senior citizen na ‘di makalabas, baka pwede suyurin n’yo, bahay bahay,” idinagdag niya.
Hinimok din niya ang mga kabilang sa vaccination priority groups, partikular ang senior citizens, na magpabakuna na upang magtuloy-tuloy ang expansion ng national vaccination program.
“Ako naman po ay nananawagan sa mga senior citizens. Dapat po protektado kayo at paano kayo makakalabas kung ‘di kayo protektado,” ayon sa senador.
“Kayong senior citizens ang vulnerable sa sakit na ito. Sila po ang madaling matamaan. Dapat protektado kayo kaya nasa priority list kayo. ‘Yun po ang sadya natin dito na talaga pong protektahan ang senior citizen,” idinagdag ng mambabatas.
Binanggit ni Go na sinisimulan na ang vaccination program sa mga kabilang sa A4 priority groups kaya sinabi niyang dapat nang mabakunahan ang mga nasa edad 40 hanggang 59, lalo kung vulnerable na sa mga sakit.
“Paigtingin pa natin ang education campaign na dapat silang bumalik. Hindi ibig sabihin tapos na first dose, ‘di na babalik. Ibig sabihin, baka meron silang nararamdaman na ‘di muna sila sang-ayon sa second dose,” ayon sa senador.
Habang nananatili ang banta ng COVID-19, tiwala si Go sa progreso ng pagtugon ng bansa sa pandemya, kagaya ng vaccination efforts.
Tiniyak ng senador sa mga Filipino na “mayroong liwanag sa dulo ng tunnel”
“Tignan n’yo po sa ibang bansa, bagamat tumaas ang kanilang numero, halimbawa na lang po ay ang Estados Unidos, nakita n’yo sobrang taas ang numero nila. Tayo mas istrikto tayo sa kanila, tayo naka-mask at face shield. Tingnan mo sila ngayon, ang iba hindi pa nga nagpe-face mask, ‘wag natin sila gayahin.”
“Ang importante po dito, nakikita natin ang light at the end of the tunnel. May pag-asa. Makikita n’yo sa Estados Unidos, ang basketball, meron na silang audience kahit konti pero nakakatuwa po na nakikita n’yo naglalaro sila ng NBA. Meron na pong fans,” pahabol ng senador.
Sa isang seremonya sa Pasay City nitong Lunes, pormal nang binuksan ang pagbabakuna sa eligible economic frontliners na kabilang sa A4 priority group.
“I commend the National Task Force Against COVID-19 and [Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases] for accelerating the government’s vaccine roll-out and opening up the vaccination for the A4 priority group.”
“I also supported the expansion of the inclusion criteria … Importante ito para mas marami na ang mabakunahan at makabangon muli ang ating ekonomiya,” ani Go.
Sa naturang seremonya, nagsagawa ng symbolic vaccinations sa may 50 indibidwal mula sa business process outsourcing, food service, mass media, tourism at transportation sectors and industries.
Sisimulan na ang pagbabakuna sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Rizal, Laguna, Pampanga, Batangas, Cebu at Davao hanggang sa makarating sa marami pang komunidad. (PFT Team)
The post Bong Go sa LGUs: Maging madiskarte sa pagbabakuna appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: