Facebook

National Press Freedom Day

IKINALULUGOD ng ating Presidential Task Force on Media Security ( PTFoMS) ang pagsasabatas ng National Press Freedom (NPF) Day na naipasa ng Kongreso, nito lamang nakaraang linggo upang taunan nang ipagdiwang at gunitain kada August 30.

Sa pamamagitan ng panukalang batas o House Bill No. 9182 ipinagtibay ng House of Representatives ang NPF Day dahil na rin sa kabayanihan ni Marcelo H. Del Pilar na kinikilala ng bansa bilang “Ama ng Pamamahayag” sa bansa o’ “Father of Philippine Journalism”.

Ang petsa din kasi na August 30 ay kapanganakan din ng nasabing bayani na isinilang noong August 30, 1850.

Ito ay napakagandang balita di lamang para sa mga mamamahayag ng Pinas ngunit pati na sa buong sambayanan. Kada taon kasi ay sa isang maliit na bayan lang sa Bulacan ipinagdidiwang ang Press Freedom Day para sa karangalan ni Gat Plaridel kung saan mayroon din siyang imahe sa nasabing bayan.

Layunin din ng batas na mapalakas ang kaalaman ng marami sa kahalagahan ng pamamahayag, ang mga karapatan at responsibilidad nito at maging mga karahasang dinadanas ng mga mamamahayag sa bansa.

Wala itong kaugnayan sa problema ng prangkisa ng ABS-CBN dahil naisumite na ito sa plenaryo , bago pa naisara ang TV Station. Hindi dapat inuugnay ang malayang pamamahayag sa pagpapasara sa istasyon dahil napakarami pang mga media outfit sa bansa mapa-dyaryo o telebisyon at radyo, bukod pa sa nagsulputan sa mga social media.

Katunayan noon pang 2014, nang tayo pa ang pangulo ng National Press Club (NPC) ay sumulat na tayo kay dating Pangulong Noynoy Aquino na iproklama ang nasabing araw ng pagdiriwang, ngunit hindi ito naisakatuparan. Kaparehong pagtatangka ang isinulong natin sa administrasyong Duterte, ngunit sa liham ni Executive Secretary Salvador Medaldea iminungkahi nito na isabay na lamang ang NPF Day sa World Press Freedom Day kada May 3 para di magkalituhan.

Tanging si Rep. Jonathan Sy-Alvarado ang nagdesisyon na isulong ito sa pamamagitan ng pagsasabatas na siya namang naisakatuparan matapos ang mahabang diskusyon sa plenaryo ng Kongreso.

Kaya dapat nating ipagbunyi ang desisyong ito ng Kamara lalo na sa sektor ng pamamahayag dahil ang ating bayani na ito, bukod sa pagiging abogado, ay manunulat din at mamamahayag noong siya’y nabubuhay pa, at ginagamit ang alias na Plaridel bilang patnugot ng dyaryong La Solidaridad na naging susi rin ng pagbabago sa bansa noong tayo ay nasa ilalim pa ng pananakop ng mga kastila.

The post National Press Freedom Day appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
National Press Freedom Day National Press Freedom Day Reviewed by misfitgympal on Hunyo 07, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.