HINIKAYAT ni Manila Mayor Isko Moreno ang lahat ng miyembro ng media na magpabakuna na, kasabay ng pagsisimula ng bakuna sa mga kabilang sa A4 category. Kaugnay nito ay muling ipinagpatuloy ng pamahalaang lungsod ang pamumudmod ng buwanang food boxes para sa lahat ng pamilya sa lungsod.
Ayon kay Moreno ang pagtuturok ng first dose para sa A4 priority group na kinabibilangan ng mga regular na manggagawa o yung mga tinatawag na ‘economic drivers,’ ay sabay-sabay na isinagawa sa apat na malalaking shopping malls tulad ng Robinson’s Place sa Ermita, Lucky Chinatown sa Binondo, SM Manila sa Ermita at SM San Lazaro sa Sta. Cruz. Dahil sa limitadong supply ay 750 doses lamang ang binigay sa bawat isang venue.
Ang mass vaccination program ng lungsod para sa A4 category ay kinabibilangan ng drivers, vendors, office workers, janitors at regular employes at ito ay personal na pinangangasiwaan ni Vice Mayor Honey Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan.
Ang mga kabilang sa A4 group ay mga manggagawang may “high levels of interaction with or exposure to the public” at iyong mga kabilang sa mga sektor na tinatawag na “needed to ensure security, consumer and worker safety and those working in priority government projects.”
Ang mga miyembro ng media, ayon kay Moreno, ay nasa frontlines din at madalas na nabibilad sa COVID-19 infection dahil sa kanilang patuloy na paghahanap ng balita upang maipaalam sa publiko ang kaganapan tungkol sa umiiral na pandemya.
Maliban pa dito, ang mga kabilang sa A1, A2 at A3 categories o mga health frontliners, senior citizens at mga edad 18 hanggang 59 na may comorbidities na nabakunahan noong May 18 na nasa 186 katao ay tumanggap ng kanilang second dose ng Pfizer sa Sta. Ana Hospital at 900 naman sa Prince Hotel, habang ang mga bedridden na binakunahan noong May 11 ay tumanggap rin ng kanilang second dose ng Sinovac.
Hanggang June 7, sinabi ni Moreno na ang kabuuang bilang ng bakuna na naipamigay na sa mga residente ay 292,511. Sa nasabing bilang, 208,765 ay first dose habang 83,746 naman ang second dose.
Ang bagong tala naman ng bagong kaso ng COVID-19 hanggang June 7 ay 111, habang nasa 121,124 naman ang kabuuan ng mga na-swabbed.
Samantala ay muling ibinabalik ng pamahalaang lungsod ang food security program (FSP) kung saan tuloy ang pamamahagi ng food boxes sa mahigit 700,000 pamilya sa lungsod.
Ayon sa alkalde sa kanyang live broadcast, ang mga food boxes ay paparating na sa mga barangay sa tulong ng mga kawani ng city engineer’s office sa pamumuno ni Armand Andres, Manila Traffic and Parking Bureau sa ilalim ni chief Dennis Viaje at ng department of public services (DPS) sa pamumuno ni Kenneth Amurao.
Ito ang panglimang buwan na pamamahagi ng food box ng pamahalaang lungsod upang makatulong sa gastusin ng bawat tahanan sa gitna ng dinaranas na pandemya, alinsunod sa Ordinance 8739 kung saan naglaan ng budget na mahigit P4 billion para dito.
Ang FSP kung saan ang mga food boxes ay dini-deliver sa mga residente buwan-buwan ay nagsimula noong February at base sa budget allocation, inaasahan ito na magpapatuloy hanggang buwan ng Hulyo. (ANDI GARCIA)
The post Taga-media, hinikayat ni Isko na magpabakuna na appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: