OBVIOUS na obvious ang laro ng mga naghaharing uri. Ayaw ni Sara Duterte na maidikit ang kanyang pangalan sa ama na tila nasiraan ng isip. Hanggang maaari, naglalayag siya ng mag-isa sa pulitika. Hindi nakakapagtaka nang imbitahan niya kamakailan si Gibo Teodoro sa Davao City upang doon magpabakuna ng Pfizer.
Hindi aktibo sa pulitika si Gibo sa nakalipas na 11 taon. Hindi siya tumakbo sa anumang puwesto. Nang alukin ni Duterte na maging kalihim ng tanggulang bansa, tila may makapangyarihan na tinig na narinig siya at hindi niya tinanggap. Hindi nais ni Sara na ang ama ang kanyang maging ka-tandem. “Mukhang tiket na galing sa impiyerno”, ayon sa kaututang dila, Maricar Bautista.
Mukhang may ibang kumpas. Hindi epektib ang mga sinasabi ni Sal Panelo, ang mala-butiking payaso sa Palasyo. Hindi Duterte-Duterte at kahit si Sara ay nasusuka sa kumbinasyong ipinagmamagaling ng payaso. Hindi kami kumporme sa tambalang Sara-Gibo. Ano ang kanilang iaalay sa sambayanang Filipino? Hindi aktibo si Gibo ng 11 taon sa pulitika. Retirado na.
Samantala, nakakagulat na sa hanay ni Rodrigo Duterte manggaling ang ibang kandidato tila ba ipinahihiwatig na sila ang magsisilbing oposisyon kung tatakbo si Sara bilang pangulo. Si Sara Duterte na ayaw makilala bilang isang Duterte at ang mga kandidatong gustong maging oposisyon. Sabi ng aming kaibigan Ba Ipe, hindi oposisyon sina Mane, Isko, Catetano, Dick at Ping. Pumoposisyon lang kung saan sila komportable.
Pare-pareho silang bahagi ng madilim na gobyerno ni Duterte. Hindi sila tumayo upang tutulan ang madugo ngunit bigong digmaan kontra droga ni Duterte. Pare-pareho nilang sinang-ayunan ang mga EJKs at binigyan ng matwid upang ituloy sa bansa. Resulta: Libo-libo ang namatay at hindi binigyan ng tamang proseso sa hustisya.
Paano magiging oposisyon si Isko kung kahit minsan sa kanyang political career ay hindi siya naging oposisyon. Palagi siya sa lapian na nasa poder sapagkat ito ang kanyang paraan upang makakuha ng biyaya. Hindi siya kumokontra sapagkat hindi kaya ng kanyang utak ang maging oposisyon. “Swing and sway” politics ang sa kanya.
Mas lalo na hindi magiging oposisyon si Mane dahil sa isang bagay: Mas marami siyang absent kesa present sa sesyon ng Senado. Hindi aktibo nakisangkot si Mane sa sesyon ng Senado. Mahilig ang magpanggap pero wala masyadong alam tulad ni Isko. Pareho silang pupulutin sa basurahan ng kasaysayan.
Wala kaming natatandaan na anumang matino na nagawa si Alan Peter Cayetano. Noong siya ang kalihim ng DFA, buong karangalan niyan siniraan ang bansa at sinasabi sa isang pandaigdigang pulong na may pitong milyong adik ang Filipinas. Walang batayan ang kanyang tinuran sa pulong. Pinagtawan si Cayetano sapagkat hindi totoo.
Matindi ang galit ni Cayetano kay Duterte sapagkat hindi siya ang pinili ng ama sa kanyang away kay Lord Alan Velasco sa pagiging ispiker ng Kamara de Representante. Atat na atat siya manatili sa puwesto kahit hindi tuparin ang usapan.
Wala kaming masabi na matino kay Dick at Ping. Parehong matatabil ang mga dila pero hindi bumibitiw ng suntok. Maigi na lang sa ibang araw na lang sila talakayin kapag malinaw na ang kanilang mga plano.
***
Hindi namin alam kung ano ang hangarin ni Sara na dumistansiya sa ama. Mukhang alam niya na aabutin niya ang bigat ng kampanya sa sandaling makilatis siya na siya ang kandidato ni Rodrigo. Hihingan siya ng mga paliwanag sa bawat isyu: pandemya, EJKs, West Philippine Sea, korapsyon, at ang patakarang panlabas ng Fiipinas. Hindi madali para sa kanya na ipaliwanag ang mga usaping iyan. Hindi siya sanay magpaliwanag sa mga isyu. Siya ang senyorita ng Davao City, sa maikli.
Hindi siya mangahas na akuin ang lahat ng kapalpakan ni Duterte. Walang tutulong sa kanya. Hindi niya puedeng asahan si Sal Panelo at Harry Roque na parehong pipitsugin at patapon. Wala siyang maasahan sa labas ng naghaharing koalisyon. Hindi sila bilib sa kanya. Malamang mapunta sa tunay na oposisyon.
Mahirap ang ginagawa niya, sa totoo lang. Para siyang tumutulay sa alambreng bakal. Walang matwid para magtagumpay sa 2022. “Nakakalito,” ani netizen Heaer Vergara. Hindi lang nakakalito – nakakahilo pa.
***
Email:bootsfra@yahoo.com
The post Laro sa masa appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: