Facebook

Bong Go sa publiko: Kumpletuhin ang bakuna

NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa mga Filipino na kumpletuhin ang pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19 para masigurong protektado ang bawat isa kontra virus.

Sa panayam sa senador matapos pangunahan ang pagbubukas ng ika-117 Malasakit Center sa Philippine Orthopedic Center sa Quezon City, hiniling din ni Go sa mga kinauukulan na pag-ibayuhin ang education campaign para sa kaalaman, pagsunod at kumpiyansa ng mga Filipino sa national COVID-19 vaccine roadmap.

Bilang tagapangulo ng Senate Committee on Health, ipinaalala ni Go sa mga Filipino ang kahalagahang makumpleto ang kanilang COVID-19 doses kasunod ng mga ulat mula sa pandemic task force na 1 milyon lamang sa 2.1 milyon na nabigyan ng first dose ang bumalik para sa kanilang second dose.

Sinabi ni Go na tinalakay na niya ang isyung ito kay Pangulong Rodrigo Duterte at mismong ang Chief Executive ay nagsabing dapat maisagawa ang maigting na information campaign hinggil sa kahalagahan ng bakuna para maengganyo ang mga naunang nagpabakuna na kumpletuhin nila ito.

“Napag-usapan po namin ni Pangulong Duterte kagabi po mismo ‘yan po. Sabi ko, ‘Mr. President, mga isang milyon pa po ang hindi bumabalik, nagpapabakuna.’ Sabi niya education campaign, information na magtiwala sa bakuna,” ani Go.

“Baka akala nila isang dose tapos na. ‘Wag kayo maging kumpiyansa. Bumalik kayo. Dapat nga dalawang doses po para talagang protektado kayo. Bagama’t hindi tayo nagsisiguradong, ‘di kayo mahawa pero mape-prevent po ang severe cases po. Ang nakakatakot dito, severe cases,” idinagdag ng senador.

Ipinaliwanag ng Department of Health na ang nasabing bilang ay base sa independent assessments ng mga eksperto pero hindi nangangahulugang nagre-reflect sa sitwasyon.

Sinabi ng DOH na sa aktuwal na bilang, nasa 113,000 indibidwal o 9% lamang ng mga nabakunahan ang hindi bumalik para sa kanilang second dose.

Ang mga karaniwang dahilan ng mga hindi na bumalik para sa second dose ay pagkakaroon ng sakit, na-exposed sa COVID-19 at sumailalim sa quarantine.

Samantala, patuloy na ipinaalala ni Go sa publiko na mahigpit na sumunod sa health protocols habang nirere-evaluate ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases ang guidelines nito gaya ng face shield-wearing policy.

“Hintayin lang po natin. Pinapa-evaluate na po ni Pangulong Duterte sa IATF, sa health experts kung nararapat na bang tanggalin ang face shield,” ani Go.

Tiwala si Go sa anumang rekomendasyon ng health experts kaugnay ng nasabing usapin.

“Ako naman po ay sumasang-ayon sa ating health experts kung ano ang magiging rekomendasyon nila. Kaya nandiyan sila, sila po ang eksperto dito. Ibig sabihin, eksperto po sa larangan ng kalusugan. So, sila ang nakakaalam. Hintayin natin kung ano ang magiging rekomendasyon nila,” ani Go.

“Mga kababayan ko, ‘wag kayong maging kumpyansa. ‘Di porke’t bakunado na ang tabi mo, kumpiyansa na kayo, mask pa rin habang meron pang isang kaso ng COVID-19. ‘Wag kayong maging kumpiyansa dahil maaaring ang isang kaso na ‘yan, kakalat po ‘yan at marami ang madadamay. Kaya habang patuloy tayong nagbabakuna, mask muna tayo at social distancing,” ang mahigpit niyang tagubilin. (PFT Team)

The post Bong Go sa publiko: Kumpletuhin ang bakuna appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa publiko: Kumpletuhin ang bakuna Bong Go sa publiko: Kumpletuhin ang bakuna Reviewed by misfitgympal on Hunyo 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.