Facebook

Bong Go: Senior citizens, suyurin para mabakunahan

NANAWAGAN si Senator Christopher “Bong” Go sa local government units at sa mga namamahala ng vaccination program na direkta nang dalhin ang bakuna sa eligible members ng vaccine priority list, kinabibilangan ng senior citizens, para sila’y maturukan kung hindi sila makarating sa vaccination sites.

Sa panayam matapos pangunahan ang pagbubukas ng ika-118 Malasakit Center sa Bukidnon Provincial Hospital-Maramag sa Maramag, Bukidnon, iginiit ni Go sa LGUs na gawin ang lahat ng posible, gaya ng house-to-house operations sa vaccinate priority groups, partikular sa senior citizens na hirap nang makalabas ng kanilang mga tahanan.

“Ang panawagan ko po sa mga LGUs na suyurin po. Kasi ‘yung mga senior citizens natin hindi nakakalabas, takot pong lumabas, takot mag-travel po papunta sa vaccination center,” ayon kay Go.

“Dapat po, pwede bang maaari ibahay-bahay n’yo na po, puntahan ng LGUs ‘yung pamamahay ng mga senior citizens na gustong magpabakuna,” idinagdag ng senador.

Sinabi ni Go na dapat nang mabakunahan ang priority groups upang ang vaccination program ay magtuloy-tuloy at makarating na sa iba pang grupo.

“Remember, 18 million ang senior citizens natin. Marami pa tayong backlog, kaunti pa ‘yung supply ng bakuna natin,” ani Go.

Muling inulit ni Go ang kanyang panawagan sa priority groups na huwag matakot sa bakuna sa pagsasabing ang virus ang dapat na katakutan.

“Nananawagan po ako sa mga kababayan natin na magtiwala ho kayo sa bakuna, huwag ho kayong matakot sa bakuna. Sa mga senior citizens po magpabakuna na kayo, part po kayo ng priority list. Marami pa pong dapat balikan ang ating gobyerno, lalung lalo na po sa senior citizen,” sabi ni Go.

Bukod sa top priority groups, hinimok din ni Go ang essential workers na magpabakuna na lalo’t sinimulan na ng gobyerno ang pagbabakuna sa A4 priority group sa mga critical area.

“Kakabukas lang po ng A4, ‘yung mga essential workers, economic frontliners. Magpabakuna na po kayo, para po ito sa ating ekonomiya.”

“Para unti-unti na tayong makabalik sa ating normal na pamumuhay katulad noon, mabuksan na po ang ating ekonomiya,” ayon sa senador. (PFT Team)

The post Bong Go: Senior citizens, suyurin para mabakunahan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go: Senior citizens, suyurin para mabakunahan Bong Go: Senior citizens, suyurin para mabakunahan Reviewed by misfitgympal on Hunyo 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.