Dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 sa Capiz, paggawad ng red hat kay Cardinal Advincula ipinagpaliban
SA pangalawang pagkakataon ay ipinagpaliban ang paggagawad ng biretta o red hat kay Archdiocese of Manila Archbishop-elect Cardinal Jose Advincula.
Ayon kay Cardinal Advincula, nagpasya silang ipagpaliban ang ‘bestowal of red hat’ sa kanya dulot nang pagtaas ng mga kaso ng mga nahawahan ng COVID-19 sa Capiz.
Pag-uusapan pa kung kailan ito matutuloy at kung saan ito isasagawa.
“I still have to talk about when and where the bestowal of the insignia be with the Nuncio who is now in Tarlac. I was able to inform Msgr (Julien) Kabore about the cancellation,” aniya pa, sa isang text message sa church-run Radio Veritas.
Unang itinakda ang bestowal ng red hat at singsing sa Cardinal nitong Mayo 28 ngunit hindi ito natuloy makaraang sumailalim sa 14-day mandatory quarantine si Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown nang makabalik sa bansa mula New York City.
Si Brown ang magkakaloob ng red hat at cardinal’s ring kay Advincula.
Muli itong itinakda sa Hunyo 8 ngunit naipagpalibang muli dahil sa pagdami ng COVID-19 cases.
Nabatid na sa kasalukuyang tala ng Capiz Provincial Health Office, umabot na sa mahigit 3,000 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa lalawigan.
Nasa 21,000 naman ang nabakunahan laban sa virus kabilang na si Cardinal Advincula o katumbas sa 4% sa kabuuang target na mahigit kalahating milyong mamamayan sa lalawigan.
Samantala, ang instalasyon naman ni Cardinal Advincula bilang ika-33 na Arsobispo ng Archdiocese of Manila ay idaraos sa Hunyo 24, 2021. (ANDI GARCIA)
The post Dahil sa mataas na kaso ng COVID-19 sa Capiz, paggawad ng red hat kay Cardinal Advincula ipinagpaliban appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: