DAHIL sa pinaiiral na ang polisiyang ‘no walk-in clients’ sa vaccination program sa Maynila, naging matumal ang pagbabakuna sa mga vaccination sites sa Maynila nitong Lunes.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno base sa ulat na ipinadala sa kanya ni Vice Mayor Honey Lacuna na siyang pangkalahatang nangangasiwa ng vaccination program ng lungsod.Dati ay tumatanggap ng walk-in vaccinees ang lungsod upang mapabilis ang pagbabakuna.
Sinabi ni Lacuna na sa 28,000 na indibidwal na tinext para magpunta sa vaccination site ay wala pang isanlibo ang sumipot.
Nitong Lunes, itinakda ang pagbabakuna para sa mga miyembro ng A2 at A4 priority groups sa apat na mall sites na kinabibilangan ng SM Manila, SM San Lazaro, Robinsons Place Ermita at Lucky China Town, na pinaglaanan ng tig- 2,500 doses.
Samantala, ang mga miyembro naman ng A1, A2, A3 at A5 priority groups ay maaaring tumanggap ng COVID-19 vaccines sa 18 community sites na pinaglaanan ng tig-1,000 doses ng bakuna.
Dahil sa bagong polisiya ay tumumal ang pagbabakuna sa lungsod dahil kakaunti ang dumating sa vaccination sites, partikular na sa malls.
Nabatid na hanggang 12:00 ng tanghali nitong Lunes, nasa 176 vaccines pa lang ang nabakunahan sa Lucky Chinatown Mall, 219 naman sa Robinsons Place Manila, 289 sa SM City Manila at 340 naman sa SM San Lazaro.
Maigsi rin naman ang pila sa iba pang vaccination sites. (ANDI GARCIA)
The post Dahil sa ‘no walk-in client’, pagbabakuna sa Maynila naging matumal appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: