BAHAGI ng sensiridad sa pagmamalasakit sa kapakanan ng mga iskuwater o pinagandang termino sa salitang INFORMAL SETTLER FAMILIES (ISFs) ay preparadong makipaggiyerahan na ang PRESIDENTIAL COMMISSION FOR THE URBAN POOR (PCUP) sa pamumuno ni CHAIRPERSON at CEO, UNDERSECSECRETARY ALVIN FELICIANO laban sa LOCAL GOVERNMENT UNITS (LGUs) na walang pakialam o anumang asiste sa kanilang mga nasasakupan sa panahon ng mga indulto tulad ng mga demolisyon.
Kaya naman sa isyu ng mga kabi-kabilang kaso ng demolisyon at ebiksyon na nagaganap sa METRO MANILA at iba pang panig ng bansa kahit sa panahon ng pandemya ay nagbabala si USEC FELICIANO sa LGUs na hindi nagbibigay ng relokasyon o financial assistance sa ISFs na apektado ng demolisyon ay mga kaso sa korte ang kanilang mga kakaharapin.
Binigyang diin ng naturang USEC. na ang hindi pagbibigay ng relokasyon o financial assistance ng mga LGUs sa mga naapektuhang pamilya ng demolisyon at ebiskyon ay taliwas sa isinasaad ng Section 28 ng Republic Act 7279 o mas kilala bilang URBAN DEVELOPMENT AND HOUSING ACT (UDHA) ng 1992 para sa isang makatao at makatarungang demolisyon.
Malinaw na nakasaad sa naturang batas na kung ang mga umuukupa sa isang lote o lupa ay isang “underprivileged and homeless” na kailangang mademolish o papaalisin, nararapat lamang na bigyan muna ang mga maaapektuhang pamilya ng relokasyon ng LGU na sumasakop nito o di kaya’y ang pagkakaloob sa mga ito ng tulong pinansyal upang makapagsimulang muli…, ngunit sa kabila ng mga probisyong ito ay may mga makukulit at pasaway pa ring LGUs ang hindi sumusunod sa itinakda ng batas.
Kaya naman.., handa na raw ang PCUP na magsampa ng kaso laban sa mga lokal na pamahalaan ng lungsod at munisipalidad hindi lamang sa bahagi ng Kamaynilaan kundi maging sa buong panig ng bansa bilang babala na rin o warning sa mga ito sa hindi pagsunod sa atas ng UDHA.
Ipinunto ni USEC. FELICIANO ang nakasaad sa Executive Order No. 152 na may kaugnayan sa Section 45 ng UDHA bilang bahagi ng mga gampanin ng PCUP na may kakahayan itong magsampa ng kaso laban sa sinumang lalabag o lumabag sa mga probisyong isinasaad sa Section 28 ng UDHA.
“Tututukan po ng PCUP at sasampahan ng nararapat na kaso ang mga LGUs na hindi nagbibigay ng relokasyon o financial assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng demolisyon at ebiskyon na kanilang sakop. Sa panahon ng pandemya, lubhang kaawa-awa ang sitwasyon ng mga pamilyang nawalan ng bahay at tirahan, kaya pakiusap namin sa mga lokal na pamahalaan, ibigay natin ang tulong at subsidy na kailangan ng mga nabiktima ng demolisyon at ebiksyon,” saad ni FELICIANO.
Isa sa pinatutungkulan ni FELICIANO ay ang kaganapan nitong June 9 na walang habas na pinagde-demolish ang mga kabahayan ng mga naninirahan sa SITIO KAWAD, STA. ROSA, LAGUNA…, na ang masaklap dito ay wala man lang relokasyon na ibinigay ang kanilang LGU.
Sa pangyayaring iyon ay agad na umaksyon ang PCUP at dali-daling lumiham sa SHERIFF at sa PHILIPPINE NATIONAL POLICE (PNP) upang paalalahanan ang mga ito na may paglabag sa batas ang naganap na demolisyon.
Ayon sa ulat ng mga PCUP AREA COORDINATORS na nakasaksi sa insidente ay mahigit 100 mga kabahayan ang naapektuhan ng demolisyon samantalang 62 lamang na pamilya ang nakadalo sa isinagawang PDC ng PCUP at nabigyan ng PDC Certificate noong pang 2019 na noo’y “wala pang pandemya”.
Hanggang ngayon ay patuloy ang pakikipag-ugnayan ng PCUP sa lokal na pamahalaan ng STA. ROSA, LAGUNA upang igiit ang pagbibigay ng relokasyon o financial assistance sa mga pamilyang nawalan ng tirahan ngayong panahon ng pandemya.
Bunsod nito ay higit na pinaigting ngayon ng PCUP ang pagmomonitor sa lahat ng mga aktibidad ng demolisyon at ebiksyon sa bansa bilang pagtiyak na nakasusunod ang mga LGUs sa mga itinakdang probisyon ng batas para sa isang makatarungan at makataong demolisyon.
Sumasaludo ang ARYA sa dedikasyon ni USEC. FELICIANO sa pagmamalasakit sa sektor ng ISFs…, pero, kakayanin kaya niyang banggain ang mga maiimpluwensiyang personalidad na nagmamaniobra ng mga demolisyon at walang pakialam sa mga dinidemolis kasapakat ng ilang LGU EXECUTIVES?
***
Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.
The post PCUP manggigiyera na sa LGU’s! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: