PURSIGIDO ang Pambansang Kamao na naging politiko, Senador Manny Pacquiao, na pamunuan ang Pilipinas simula sa 2022.
Pero bago iyon, kailangan niya munang tumulay sa alambre para makapasok ng Palasyo sa Malakanyang.
Kailangan niyang talunin ang mga posibleng makakabangga sa halalan na sina Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, Manila City Mayor Isko Moreno, dating Senador Bongbong Marcos, Sen. Grace Poe at Vice President Leni Robredo na pawang malalakas sa surveys.
Sa panayam kay Pacquiao ng batikang brodkaster na si Ted Failon sa One PH ng TV5 nitong Martes, bumuwelta ito sa mga nanlalait sa kanya at nagsabing mag-aral muna siya.
Kung matatandaan, sinabihan ni Pangulong Rody Duterte si Pacquiao na mag-aral muna tungkol sa foreign policy. Ito’y matapos magpahayag ang senador ng kanyang damdamin tungkol sa isyu sa West Philippines Sea na inaangkin ng Tsina.
Ang Tsina kasi ay pinababayaan nalang ni Duterte na lantarang magnakaw ng yamang-dagat at magtayo ng mga istraktura sa WPS.
“Ang tao naman kasi tumitingin sa panlabas, hindi sa panloob. Sabi ko nga, huwag muna nilang husgahan ang pagkatao ko…
Maybe before, naive ako, but not anymore. I keep learning everyday in my life, studying,” diin ng Senador at tanging boksingero sa mundo na nagawang magkam-peon sa walong weight divisions.
Bagama’t wala pang opisyal na pahayag para sa kanyang plano sa darating na halalan, mababasa sa kanyang mga pahayag na ito’y kakasa na sa Presidential derby sa 2022.
Tulad ng pahayag niyang kapag siya’y nahalal na Presidente, magdedeklara agad siya ng giyera laban sa korapsyon. “Systematic” aniya ang korapsyon sa bansa.
“Kung sakaling dumating ‘yung time na makapagdesisyon ako… maniwala ka sa akin, ‘yan ang advocacy ko, ‘yung declaring war against corruption.
I think declaring war against corruption is bigger than illegal drugs.”
Bukod dito, nagpahayag din si Pacquiao na kapag na-ging presidente siya, sa loob ng apat hanggang limang taon ay wala nang squatter sa Pilipinas. Magpapatayo siya ng mga condo at pabahay para sa mga squatter ng walang babayaran, libre!
Si Duterte noong kasagsagan ng kampanya sa 2016 election ay nangako rin sa mga Pinoy na wawakasan niya ang illegal drugs sa loob ng “3 to 6 months”, at lilinisin ang gobierno sa korapsyon. Pero matatapos na sa sunod na taon ang anim na taon na termino ng pangulo ay namamayagpag parin ang sindikato ng mga iligal na droga, bumabaha parin sa merkado ang shabu at marijuana, at lalong naging talamak ang korapsyon sa pamahalaan kahit may pandemya ng Covid-19.
Pero in fairness kay Pacquiao, sa mga tatakbong presidente, siya ang talagang nanggaling sa hirap, isang kahig, isang tuka ika nga. Mas pobre pa siya kay Isko noon. Hindi siya nakatapos ng regular na pag-aaral sa high school dahil naghiwalay ang kanyang mga magulang. Sa murang edad, nagkargador siya, pinasok ang brutal na sports ng boksing para kumita at makakain. Sa madali’t salita, ramdam ni Pacquiao ang buhay-mahirap, buhay-probinsiya, at sakit ng katawan para magkapera. ‘Yan ngayon ang pi-naghuhugutan niya ng kanyang mga pangarap sa mahihirap at sa bansa sa kabuuan. Dahil dito, posibleng makuha ni Pacquiao ang damdamin ng masa at mahalal siyang Pangulo ng bansa sa 2022. Araguyy!!!
The post Desidido si Pacquiao appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: