Facebook

Endo na rin ba ng yellow tagging?

Pagkamatay ni dating Pangulong Benigno Simeon Aquion III o PNoy ang laman ng mga balita at usapan ngayon at malamang, hanggang sa susunod na ilang araw. Araw ngayon ng mga tinaguriang “delawan”.

Hindi maiiwasan na ang malungkot na okasyong ito ay malagyan ulit ng kulay dahil ang sentimyentong pro o anti dilaw ay naratibo na epektibong nagamit noong 2016 at 2019 elections.

Tinawag ko na ito dati na “yellow tagging”, kahawig o kahalintulad sa nangyayaring “red tagging” ngayon. “Dilawan” ka kapag ikaw ay nasa linyada ng mga Aquino o ng Liberal Party (LP). “Pulahan” ka kapag ikaw ay naidikit kay Joma Sison o sa Communist Party of the Philippines (CPP).

Pinansin ko ang sistemang ito ng color coding o “tagging” sa paglikha ng naratibo dahil sa ganitong paraan napapasimple ang mensahe ng pwersa na nais gibain ang imahe ng kanyang kaaway o kalaban. Ang Mein Kampf ni Hitler noong 1920s ay punong-puno ng ganitong linyada – na ang lahing Aryan ang “genius”, kasalungat ng mga Jew na tinawag niyang “parasites”. Ganundin ang kampanyang McCarthyism noong 1950s kung saan binabansagang komunista ang sinuman na pinaghihinalaang may koneksyon sa mga progresibong organisasyon, maging sa trade unions at kooperatiba.

Sa paraang “tagging” ay napapasimple ang lahat. Noong nakaraang 2016 elections ay napakasimple ng ganitong naratibo na sa pagtingin ko, ay pinag-isipang mabuti ng propaganda machine ng kampong Duterte. Hinubog ito sa ganitong linya: Palpak ang 30 years of Edsa at ang dahilan nito ay ang mga dilawan.

Madaling ipaliwanag dahil kay PNoy nag-ending ang 30 years of Edsa na nagsimula kay Cory Aquino noong 1986. Madali siyang kulayan (yellow tag) dahil madaling ipinta na ang 30 years of Edsa ay paghaharing dilaw. Ang ganitong linya ay madaling naibenta sa masa dahil madaling ipaliwanag na walang nangyari sa nakalipas na 30 taon. Laganap ang kahirapan, korapsyon, endo, at higit sa lahat ang droga. At lahat ito ay gawang dilaw, kahit na sa totoong bilang, 18 years ng 30 years ng Edsa ay hindi Aquino o LP kundi FVR, Erap, at Gloria.

Pero dahil napakahirap ipagtanggol ang 30 years of palpak na Edsa sa harap ng combo ng Marcos revisionism at ang messiah mula Davao, ang yellow tagging ay naging simple at epektibong propaganda laban sa ruling LP. Extended pa nga ang linyang ito hanggang noong 2019 senatorial elections kaya’t lampaso ang Otso Derecho.

Maging ang progresibong kaliwa ay masalimuot ang relasyon sa mga dilawan dahil sa sariling konteksto nito mula pa noong panahon ng kilusang anti-diktadura, snap election, Edsa people power, at ang naglahong hegemonya ng kaliwa matapos ang Edsa. At kung gaano kabagabag ng problema ng survival ang mga dilawan, ganundin ang mga pulahan kung saan nakatutok ngayon ang mas malupit na kampanyang red-tagging ng kasalukuyang administrasyon.

Ngayon. Sa pagkamatay ba ni PNoy ay matatapos na rin ang yellow-tagging na ginagawa ng kampo ni Duterte dahil sa wala nang banta ng mga Aquino? Sa palagay ko ay hindi. Dahil ito pa rin ang mas simpleng linya. Kailangan ng DDS camp ng punching bag para palakasin ang kanyang naratibo ng continuity. Noong 2016, sila ang mga dilawan, druglords, at mga korap. Panis na ang anti-drugs at anti-corruption na linya. Si Gloria, Tanda, Sexy, at Pogi na ipinakulong ni PNoy sa panahon niya, ngayon ay malaya na. Mas problema ngayon ay ekonomiya, pandemya at ang higit na lumalalalang kahirapan na responsibilidad na ngayon ni Duterte at hindi ng dilaw.

Ngunit gagamitin at gagamitin pa rin ang yellow tagging o kombinasyon ng yellow at red tagging na ito dahil ang playbook ng mga strongman ay lumikha o magpinta ng nakakatakot o kaya ay mahinang klaseng kalaban. Sa layuning pagtakpan ang sariling kapalpakan.

Maging epektib pa rin kaya ang linyang ito? Dito na ako duda. Dahil kung madali nilang naipresenta ang 30 Years of palpak na Edsa noon, madali din sana sa panig ng oposisyon ngayon na maipresenta ang kapalpakan ng 3 – 6 months.

The post Endo na rin ba ng yellow tagging? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Endo na rin ba ng yellow tagging? Endo na rin ba ng yellow tagging? Reviewed by misfitgympal on Hunyo 24, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.