SA mga kababaihang nagbabalak na mag-aral ng pagmamaheho sa alinmang licensed driving school lalo na sa Batangas City, pakasuriin muna ng libong beses at baka posibleng bumagsak kayo sa hayok sa laman na driving instructor!
Ganito ang masaklap na sinapit ng isang 21-anyos na dalaga ng naturang lungsod sa kamay ng driving instructor na kinilalang si Gregorio A. Guno, ng Brgy. Alangilan ng nasabi ring siyudad.
Kung di naging buo ang loob at nakapanlaban ang biktima ay tiyak na napagparausan ni Guno ang murang hiyas ng biktima sa loob mismo ng behikulong gamit ng driving school sa pagtuturo ni Guno.
Mahigpit na rekisitos ng Land Transportation Offices (LTO) na sumailalim muna ng pagsasanay sa isang lisensyadong driving school bilang mga student driver ang sinumang mamamayan na naghahangad na makakuha ng lisensya sa LTO upang makapagmaneho ng sasakyang panglupa.
Kaya nga lamang maraming butas o loop holes ang di nasusunod ng management ng maraming driving school sa bansa upang matiyak ang seguridad at kaligtasan ng kanilang mga student driver, kabilang na nga ang tulad ng dalagang naging biktima ni Guno.
Ang masaklap, nakatakas si Guno matapos ang insidente noong June 1, 2021 bandang alas 9:00 ng umaga sa Bypass Road ng Brgy. Tingga Itaas, Batangas City.
Ang hindi katanggap-tanggap sa biktima at sa pamilya nito, pinagtatakpan pa ng management ng nasabing driver school si Guno pagkat tumanggi ang mga ito na isalin sa pulisya ang kopya ng CCTV footages na nakakabit sa loob ng sasakyang ginamit ni Guno sa krimen.
Kailangang gamitin ng Batangas City Police lalo na ng officer-on- case at ng hepe nito ang kamay na bakal para makipagtulungan ang driving school management upang mapanagot sa batas si Guno at di na ito pamarisan.
Kung paninindigan ng magement ng nasabing driving school ang pagtatakip kay Guno, kasuhan na dapat ang mga ito ng karampatang usaping saklaw ng Kodigo Penal.
Iyon naman ay kung alam ng women desk investigator ang dapat nilang isampang kaso at kung talagang gagawin nga ng tanggapan ng Women and Children Desk ng Batangas CPS ang kanilang trabaho.
Bagsak ang rating ng Women and Children Desk ng Batangas City Police kung ang inyong lingkod ang tatanungin ng ating kaibigang PNP Director General, Guillermo T. Eleazar.
Batay sa nakalap nating ulat ay nakapagsampa na ang biktima ng kasong Act of Lasciviousness sa Tanggapan ng Batangas City Prosecutors Office laban kay Guno noon pang June 7, 2021.
Walang pang kaso namang naisasampa ang pulisya laban sa management ng naturang driving school.
Sang-ayon sa nakalap pang datos, habang isinasagawa ng biktima ang kanyang practical lesson sa paggabay ni Guno ay sinabi nito sa dalaga na kailangan muna nilang pansamantalang huminto upang magpahinga sa gilid ng Bypass Road sa Brgy. Tingga Itaas.
Nang nakaparada na ang kanilang sasakyan ay ipinaliwanag ni Guno sa dalaga na isa itong reflexologist at kinakailangan ng dalagang kliyente ng masahe sa kamay at likod.
Labis na natakot ang biktima pagkat kasunod niyon ay agad na umandar ang malikot na kamay ni Guno. Ipinasok nito ang kanyang kamay sa loob ng T-shirt at bra ng biktima saka hinimas pa ang dibdib nito.
Nagpumiglas at nanlaban ang biktima kayat naunsyami naman ang kalibugan ni Guno.
Nang hilingin naman ng police investigator sa management ng di pa pinangalanang driving school ang kopya ng CCTV footages sa loob ng nasabing sasakyan ay mahigpit na tumanggi ang mga itong makipagtulungan sa biktima at mga pulis.
Kaya hamon pa natin sa pulisya ng Batangas City, balaan nito ang mga mamamayan na huwag nang mag-enroll sa nabanggit na driving school pagkat malamang na hindi lamang iisa ang Gregorio A. Guno sa kanilang tanggapan!
Dapat ding irekomenda sa LTO na kanselahin ang accreditation ng nasabing driving school.
Sa panig naman ng Batangas City LGU, kanselahin na dapat ni Batangas City Mayor Beverly Rose Dimacuha ang Business Permit to Operate ng naturang driving school.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com
The post Mag-ingat: Manyakis na driving instructor! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: