PINARANGALAN at pinasalamatan ni Senator Christopher “Bong’ Go ang overseas Filipino workers sa kanilang patuloy na pagsasakripisyo para may maipambuhay sa kani-kanilang pamilya sa bansa.
Ipinagdiriwang ng bansa ang National Day of Migrant Workers tuwing ika-7 ng Hunyo.
Nangako si Go na patuloy niyang isusulong ang pangako na maipasa ang itinutulak niyang panukalang batas na lilikha ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos.
Sa kanyang mensahe, kinilala ni Go ang sakripisyo ng OFWs’ sa ibayong dagat para lamang maipagkaloob ang pangangailangan ng kanilang pamilya at mabigyan sila ng komportableng buhay.
Ayon kay Go, sadyang hindi madali na maging mapag-isa sa ibang bansa at malayo sa mga mahal sa buhay sa mahabang panahon. Itinuturing niya ito bilang pagpapakita ng “unconditional love” sa pamilya upang magkaroon sila ng kasaganahan.
“Yet, I am sure those sacrifices will not be in vain as you will see the fruits of your labor through the smiles and warmth of your loved ones from here to wherever you are in the world,” ani Go.
“Ang inyong pagmamahal sa pamilya ay isa sa aking mga inspirasyon kung bakit patuloy kong isinusulong ang pagtatayo ng Department of Migrant Workers and Overseas Filipinos,” anang senador.
Ayon kay Go, ipinaglalaban niya ang nasabing batas dahil para sa kanya ay matagal na itong “overdue” para sa ating mga kababayan na nasa ibang bansa na nagsasakripisyo po.
Anang senador, kailangan ng OFWs na magkaroon ng sariling departamento na siyang kikilos o titingin sa kanilang kapakanan lalo sa panahon ng krisis.
“Kayo po ang mga modern-day heroes, kaya po dapat mayroon pong isang departamentong nakatutok po para sa inyong lahat.”
“Naniniwala ako na kung pag-iisahin na lang ang mga serbisyo ng gobyerno at ibibigay ang tungkulin sa iisang departamento, mas matutukan natin at mabibigyang pansin ang mga solusyon at iba’t ibang pamamaraan para sa proteksyon ng mga Pilipino saan man kayo naroroon sa mundo,” ani Go.
Kung maipapasa, ang Senate Bill No. 2234 ay layong maitatag ang DMWOF. Inakda mismo ni Go, ang nasabing bill ay consolidated version ng nauna niyang panukala na lilikha sa Department of Overseas Filipinos.
Ang DMWOF ang magiging responsable sa pagtugon sa social at welfare services, kabilang ang insurance, social work assistance at legal assistance ng overseas Filipinos.
“Asahan ninyo na gagamitin ko ang pagkakataon bilang mambabatas para mabigyan kayo ng nararapat, mabilis at epektibong serbisyo para hindi na madagdagan pa ang paghihirap at sakripisyo ninyo sa ibang bansa.”
“Kami po ni Pangulong Duterte ay handang magserbisyo po sa inyo sa abot ng aming makakaya. Maraming salamat. Again, Happy Migrant Workers’ Day to all. Mag-ingat po tayong lahat,” ayon sa mambabatas. (PFT Team)
The post Filipino migrant workers, pinarangalan ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: