KUNG TOTOO, hindi nagloloko lang, si Pangulong Rody “Digong” Duterte sa kanyang tinuran na magreretiro na siya sa politika at ayaw niya mag-presidente ang kanyang anak na si Davao City Mayor Inday Sara, ang bola ay nasa pagitan nalang nina Senador Bong Go at dating Senador Bongbong Marcos.
Oo! Kung magrererito na nga si Digong pagkatapos ng kanyang termino sa Hunyo 30, 2022, meaning hindi na siya tatakbo sa anumang mababang position sa politika, at pakinggan siya ni Sara na huwag nang ituloy ang pagkasa sa Presidential Derby sa Mayo, ang posibleng iendorso niya ay ang kanyang longtime aid na si Sen. Go o ang kaalyadong si Marcos. Maari ring mabuo ang Go-Marcos o Marcos-Go.
Sa interview kay Duterte ni Pastor Apollo Quiboloy, ang taong nagproklama sa sarili na hinirang ng Diyos at minsang nagyabang na pinatigil niya ang malakas na lindol, sa TV program ng huli, si Go ang tinutukoy ni Digong na “aspiring President” na bagama’t wala pang sapat na karanasan sa public service at bago palang sa politika pero nagtatrabaho.
Sa interview naman sa kapatid ni Bongbong na si Sen. Imee, sinabi ng huli na tatakbo nga si Bongbong sa national position. Pero hindi niya binanggit kung sa pagka-Presidente o Bise.
Ang magkapatid na Marcos ay personal nang nagsadya sa Davao City, nakipagmiting kay Inday Sara. Sinabi ni Imee na wala ngang desisyon si Sara kung kakasa sa pagka-pangulo. Pero ang sigurado ay tatakbo si Bongbong sa nasyunal, surely hindi sa pagka-Senador dahil nasa Senado na si Imee. Posible sa pagka-Presidente o Bise.
Si Bongbong ay natalo ng higit 200,000 votes kay Vice Pres. Leni Robredo noong 2016.
Kung Go-Marcos o Marcos-Go nga ang tiket ng PDP-Laban, out na nga sa tiket si Sen. Manny Pacquiao na matagal nang may ambisyon pamunuan ang Pilipinas.
Kung kayo ang tatanungin, mga pare’t mare, sino kina Go, Marcos at Pacquiao ang gusto ninyo maging Presidente sa 2022-2028?
***
Naguguluhan ako rito sa mga statement ng gobyerno tungkol sa pagbili ng bakuna kontra Covid-19.
Paulit-ulit nilang inaanunsyo noon, mula pa Nobyembre 2020 hanggang Marso 2021, na nakabili na sila ng 140 million doses ng Covid-19 vaccines para sa minimum target na 70 milyong Pinoy na mababakunahan, sa pamamagitan ng pag-utang sa mga bangko sa loob at labas ng bansa. Pero bakit hanggang ngayon ay sinasabi ni Vaccine czar Sec. Carlito Galvez at ni Pangulong Duterte mismo na kailangan nang gamitin ang P2.5 billion na pondo ng opisina ni Duterte at nag-allocate pa ng ilang bilyong piso sa ‘Bayanihan 3’ para pambili ng bakuna? Ano na ba ang nangyari sa ilang trilyong inutang pambili ng bakuna? Bakit karamihan ng bakuna na dumating sa bansa ay donasyon parin? Bumabaha na ang mga bakuna sa ibang bansa, bakit hindi parin tayo nakakabili ng milyon milyong doses, puros tingi-tingi lang? Ano ba talaga ang totoo, mga bossing?
***
Malalaman na natin bukas kung sino-sino ang nominees ng coalition ng 1Sambayan para ilaban sa manok ni Duterte sa Presidential Derby sa 2022.
Ang mag-aanunsyo ay ang mga respetadong retired Supreme Court Justices Antonio Carpio at Conchita Morales. Abangan!
The post Go-Marcos or Marcos-Go? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: