TATLONG panahon ang nararanasan sa ating bansa: tag-araw, tag-ulan at ang panahon ng halalan. Pinaghahandaan ang bawat panahon dahil sa kaakibat na kapahamakan sa kabuhayan. Ibat-ibang paghahanda ang ginagawa gaya; sa tag-araw nariyan ang payong at abaniko upang labanan ang init ng panahon. Ang madalas na pag-inom ng tubig at pamatid uhaw ang madalas na ginagawa ni Mang Juan.
Sa panahon ng tag-ulan, ang pagkukumpuni ng bahay upang maging handa sa pagdating ng malakas na ulan at hangin. Maaga pa lang itinatali na ang kabahayan upang hindi tangayin ng baha at hangin. At kung ulan lang nariyan ang payong o kapote bilang pananggalang upang ‘di mabasa. Sa mga panahong ito malinaw na naghahanda si Mang Juan upang hindi maging mapaminsala ang mga panahon na nabanggit.
Bago natin pag-usapan ang panahon ng halalan, may mga paghahanda bang ginagawa o may panahon ba si Mang Juan upang pag-aralan ang halalan?
Sa tatlong panahon na nabanggit, ang panahon ng halalan ang pinakahihintay ni Mang Juan. Ito ang panahon na ibig niyang magkaroon ng pagbabago sa kalagayan pangkabuhayan. Taal na si Mang Juan sa bansang ito, iba’t-ibang klase ng halalan ang hinarap nito mula sa pang barangay tungo sa pambansang halalan. Sa lokal na halalan nariyan ang paghalal sa gobernador, mayor at representante sa Kongreso. Sa pambansa, nariyan inihahalal ang mga senador, bise-presidente at presidente ng bansa. Subalit masasagot ba ang mga katanungan sa itaas?
Sa panahon ng halalan, ang mga politiko ang naghahanda. Isang taon o sa mismong pagkahalal pa lang ay naghahanda na ito para sa susunod na halalan. Ganoon kaaga maghanda ang mga politiko lalo’t hindi malayo ang lamang nito sa kalabang politiko. Ilan sa mga paghahanda nito’y ang pagsama sa ibang lapian upang mapataas ang tara este tsansa sa susunod na halalan. Nariyan din na naglalagay ng kanilang mga tao na nag-iikot upang ipaalam ang mga programa ng opisyal.
Madalas ding makita sa mga pagtitipon na nagbibigay mensahe o talumpating ibinida ang sariling mga gawa kahit ito ang responsibilidad bilang halal ng bayan. Nariyan na laging nasa TV, radio, at mga pahayagan upang masabi na talagang abala si Sir o si Mam. Subalit ano ba ang tunay na kalagayan ni Mang Juan? Umunlad ba? O’ pareho pa rin, pag pinalad isang kahig isang tuka, at kapag malas sampung kahig walang tuka. Lahat ito’y balewala sa politikong sariling layon ang isinusulong.
Sa totoo lang ang halalan ang panahon ng politiko na nagnanais maglingkod sa bayan. Narito na makikita sila na sumasayaw, kumakanta, kumakaway, nagpapahalik at kumakarga ng mga bata na kasama ng ina. Walang sini-sino, gusgusin o sipunin basta’t madaan tiyak na lalapitan at kakamayan. Nariyan ang mga house to house campaign na talagang pipilitin na makamayan upang maalala sa panahon ng botohan. Nariyan ang mahabang motorcade na nagpapakita ng lakas ng suporta sa mga may kayang mag-ambag.
Nariyan na namimigay ng mga t-shirt, baller, pamaypay na may larawan at pangalan, at marami pang iba. Handang gawin ang ano mang gimik upang makilala ni Mang Juan. Subalit iba ang usapan kung nanalo na. Iba ang usapan pag nasa pwesto na. Iba ang usapan kung may opisina na. At iba ang usapan kung may kailangan ka. Magkaiba ang usapan sa halalan at ang usapan kung nakaupo na sa pwesto. At dito lumalabas ang totoong pagkatao ng pulitiko ‘di ba TK na maraming nakasakay sa Jetski mo, hehehe.
Silipin ang paghahanda sa parating na pambansang halalan. Nakita natin kung paano magsipaan ang mga politiko sa iisang partido. Nagpatunay na walang permanenteng kakampi o kaibigan sa usaping politika. Nagpatawag ng isang pambansang pagpupulong ang isang partido kung saan mismong si Totoy Kulambo ang may basbas. Kahit wala ang mga bigating kasapi at mga opisyal nito, naganap ang pagpupulong ng makuha ang tinatawag na quorum.
Sa pagpupulong na ito, pinili si TK bilang kandidato ng partido sa bwisit-presidente. Wow, naunang pinili ang bwisit-presidente at hinayaang makapili ito ng katambal na magiging pangulo. Sa pangyayaring ito, na etsapwera ang isang senador na boksingero na nagnanais na tumakbo sa mataas na pwesto. Na sa kasalukuyan, nagsasanay ang senador na sa nalalapit na laban sa Vegas. Ang kaso na TKO ito ng kapartido. Sorry, may rotating brownout at nadale ka ng left-hook. At tutuloy ba sa laban?
Sa kabilang banda, alumpihit na magsabi ng balakin ang pambato ng kalabang partido kung tatakbo ito sa pambansang halalan o sa lokal. Hirap si Mang Juan basahin ang kilos nito subalit umaasa na darating ang oras na “oo” ito kahit gahol sa paghahanda. Ang kagandahan, nagpahayag ang isang dating senador ng kahandaan na pumalaot sa halalang pangpanguluhan kung sakaling magpasya ang pinakamalakas na pambato nito na sa lokal na pamahalaan ang nais takbuhan.
Subalit sa panahong magpasya itong tangapin ang responsibilidad na pamunuan ang oposisyon bilang kandidato sa panguluhan, handang magparaya ang butihing dating senador upang pag-isahin ang pwersa ng demokratiko at maipagpatuloy ang paghahanda.
Sa takbo ng usapin, tila walang kasiguruhan kung masasagot ang tanong sa itaas at nasa kamay ni Mang Juan ang paghahanda sa panahon ng halalan. Walang mabibigay na pag-aaral maging ng panuntunan ng dapat ihalal. Ang karanasan at kasaysayan ang gagawing guro upang makapili ng tamang kandidato na sa tingin ni Mang Juan ang dapat mamuno sa bansa.
Ang karanasan ang guro ni Mang Juan, babalikan ang kaganapan sa pagpapasya upang hindi sumala. Maraming sugat at hirap itong hinarap, ang sariling pagkatuto ang sandata sa kinabukasan ng pamillya at ng bayan. Hindi kukunin sa mga institusyong politiko ang kaalaman dahil batid nito na pansarili ang layon ng mga ito. Sa sariling karanasan natuto si Mang Juan, ang dinanas na kahirapan sa kamay ng walang kwentang si Totoy Kulambo ang nagmulat na kailangan ng pagbabago na nagmumula sa kanila.
Ang panggogoyo ni Totoy Kulambo’y hindi lang nakatanim sa isip kundi sa puso. At ibig na ibig ni Mang Juan na tumakbo si Totoy Kulambo upang ipakita ang ngitngit ng bayan na dadamputin ito hindi lang sa kangkungan kundi sa piitan….
Maraming Salamat po!!!
The post Halalan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: