APRUBADO ni Manila City Mayor Isko Moreno ang kahilingan ng apat pang unibersidad sa lungsod na makapagdaos na rin ng limitadong face-to-face classes.
Ito ay bilang tugon sa pangangailangan ng bansa sa mga karagdagang doktor, nurses at iba pang medical professionals ngayong panahon ng pandemya.
Kabilang dito ang University of the Philippines (UP)-Manila, National University (NU), Emilio Aguinaldo College (EAC) at St. Jude College (SJC).
Dahil dito, umaabot na ngayon sa 10 ang mga unibersidad sa lungsod na pinahintulutang magkaroon ng pisikal na klase sa paaralan para sa kanilang mga kursong may kinalaman sa medisina.
Una nang inaprubahan ni Moreno ang kahilingan ng University of Santo Tomas, Centro Escolar University, Chinese General Hospital Colleges, Manila Theological College – College of Medicine, Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) College of Medicine at Metropolitan Medical Center College of Arts and Sciences, para makapagsagawa ng face-to-face classes at clinical training o internship.
Nabatid na pinahintulutan ng alkalde ang kahilingan ng mga naturang unibersidad sa isang pulong sa Manila City Hall, dahil na rin sa mahalagang papel ng mga nasa medical profession at allied healthcare services ngayong kasalukuyang may health emergency situation ang bansa.
Inialok ni Moreno sa mga magsasagawa ng face-to-face class na i-avail ang libreng swab testing na ipinagkakaloob ng city government sa mga nangangailangan nito.
Hiniling din niya sa mga kinatawan ng mga paaralan na hikayatin ang kanilang mga faculty members at mga estudyante na magpabakuna na para magkaroon sila ng karagdagang proteksiyon laban sa COVID-19.
Sinabi ng alkalde, inaasahan niyang magiging responsable ang mga school authorities at maging ang mga estudyante, na magiging future medical practitioners, upang tiyaking masusunod ang lahat ng safety protocols upang maiwasan ang posibleng hawahan ng virus sa pagbabalik nila sa eskwela.
Ang pag-apruba ng alkalde ay in full compliance sa Joint Memorandum Circular No. 2021-001 na inisyu ng Commission on Higher Education (CHEd) at ng Department of Health (DOH). (ANDI GARCIA)
The post Hiling na limited face-to-face class ng 4 na pamantasan sa Maynila, aprubado ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: