Facebook

Hindi pag-aalok ng insentibo sa Maynila para magpabakuna, ikinatuwa ni Isko

LABIS na ikinatuwa ni Manila Mayor Isko Moreno ang hindi pag-aalok ng insentibo sa mamamayan ng lungsod para magpabakuna.

Ayon sa alkalde, ang mahabang pila sa bawat vaccination sites ay sapat ng patunay na dumarami ang mga Manileño na gustong magpabakuna at tanging ang kakulangan lang ng steady supply ng bakuna ang siyang kulang sa kasalukuyan.

“Kaya naman ipinagmamalaki ko ang mga taga-Maynila dahil nakikinig sila sa lagi naming sinasabi na ang pinakamabisang bakuna ay ang bakunang nasa braso mo,” sabi ni Moreno.

Samantala ay binanggit ni Moreno ang ulat mula kay Vice Mayor Honey Lacuna na may mga taong nahuling may dalang pekeng medical certificates para magamit sa pagpapabakuna. Ang nasabing dokumento ay kailangan para mapabilang sa A3 category o mga edad 18 hanggang 59 na may comorbidities.

Si Lacuna, na siyang pinakapinuno ng mass vaccination program ng lungsod na isa ring doktor ay sinamahan ng teams mula Manila Health Department sa ilalim ni chief, Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan sa pag-aasikaso sa mga operasyon ng vaccination sites.

Ayon kay Moreno, ang paggawa ng iba’t-ibang paraan ng mga tao tulad ng pamemeke ng medical certificates upang maunang maturukan bakuna ay nagpapatunay ng kanilang labis na kagustuhan na mabakunahan.

Ito, ayon sa alkalde ay indikasyon na hindi na nila mahintay ang kanilang tamang oras ng pagpapabakuna kung kaya gumagawa na sila ng paraan para makapagpabakuna sa ilalim ng A3 category.

Sinabi pa ni Lacuna na may grupo ng mga residente na nahuling dala-dala ang parehong uri ng prescription, habang ang iba naman ay hindi nagtutugma ang prescription drugs sa kanilang inilagay na sakit.

Ito ayon kaya Lacuna ang dahilan kung bakit may mga kawani ng lungsod at barangay na nagtsitsek ng mga dalang dokumento sa pilahan pa lang ng vaccination sites.

Alas 2 o alas 3 pa lamang ng madaling araw ay may pumipila na sa vaccination sites na nagsisimula ng alas-6 o alas 8 ng umaga, depende sa supply ng bakuna.

Ayon kay Lacuna ang mga may dalang kaduda-dudang dokumento ay umaalis din ng kanilang pila kapag nasiyasat ang mga dalang medical documents at nalamang peke ang mga ito.

Sa kasalukuyan ay nangunguna ang ang Maynila sa listahan ng mga siyudad at munisipalidad bilang pinakamabilis sa deployment ng bakuna.

Kapag marami ang supply ng bakuna ay inuutos ni Moreno na gawin ang bakunahan sa 18 vaccination sites nang sabay-sabay. Noong una nagsisimula ang operasyon mula 8 a.m. hanggang 5 a.m. hanggang iutos niyang muli na pahabain pa ito ng limang oras upang ang mga vaccinating teams na pinamumunuan ni Pangan ay magkapagsagawa ng pagbabakuna mula 6 a.m. hanggang 8 p.m.

Kapag nagsimula na ang pagbabakuna sa A4 category, sinabi ni Moreno na apat na malalaking shopping malls sa Maynila ang gagamitin para sa pagbabakuna bukod pa sa 18 vaccination sites. Bawat isang mall ay may kakayahang tumanggap ng 1,000 indibidwal sa loob ng isang araw. (ANDI GARCIA)

The post Hindi pag-aalok ng insentibo sa Maynila para magpabakuna, ikinatuwa ni Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Hindi pag-aalok ng insentibo sa Maynila para magpabakuna, ikinatuwa ni Isko Hindi pag-aalok ng insentibo sa Maynila para magpabakuna, ikinatuwa ni Isko Reviewed by misfitgympal on Hunyo 06, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.