HINDI isinasara ni Senator Christopher “Bong” Go ang posibleng pagtakbong pangulo ng bansa sa 2022 national elections, katambal si Pangulong Duterte bilang bise-presidente, ngunit ito ay kung wala na talagang mapagpipiliang maisasabak ang kanyang mga kapartido.
“Kung talagang walang-wala na po tapos wala namang pares si Pangulong Duterte… kung mayroon naman siyang pares na makakapagpatuloy ng pagbabago at ang continuity ng ating gobyerno ay sila na ang unahin,” ang sabi ni Go sa isang ambush interview ng mga mamahayag sa Senado.
Ayon kay Go, kung mayroong mahanap na pares para kay PDigong ay unahin ito at ihuli na lang siya sa listahan sa pagsasabing hindi siya interesado para sa pinakamataas na posisyon sa bansa.
“Ang ibig ko sabihin, kung mayroon naman tayong makitang magaling at talagang may puso at nagmamahal sa kanyang kapwa Pilipino at makaka-tandem po ni Pangulong Duterte ay unahin na lang po natin kung sino man po ‘yon. Huli na lang po ako kung saka-sakali.
Gayunman, sinabi ng senador na mangyayari lamang ito kung magkakainteres pa si Pangulong Duterte na tumakbo sa pagkapangalawang pangulo ng bansa sa May 2022 elections.
Ginawa ni Go ang pahayag na ito kasunod ng ulat na may mga lider ng PDP-Laban na partido nila ni PDuterte na nagtutulak na isabak ang Chief Executive sa pangalawang pagkapangulo sa darating na halalan.
“‘Yan po ay kung interesado po si Pangulong Duterte na tumakbo. Kung hindi naman po siya interesado, eh di wala na po tayong pag-uusapan na ipapares po sa kanya,” ani Go.
Sinabi rin ng mambabatas na dati na niyang nasagot na hindi siya interesado sa posisyong pagkapangulo dahil alam niyang napakahirap ng trabahong ito.
“Alam ko po ‘yun dahil matagal po akong nasa tabi ng ating mahal na Pangulo. Alam ko po na napakahirap po ng trabaho ng pagiging Pangulo. Akala niyo po masarap? Hindi po, kung gusto mong maging Pangulo dapat willing ka pong magsakripisyo, ubusin mo po ‘yung oras mo, 24/7 sa paglilingkod sa mga kapatid nating Pilipino,” ayon kay Go.
Ngunit kung trabaho aniya ang pag-uusapan ay alam na alam niya kung paano magtrabaho ni Pangulong Duterte.
“Napakahirap. Knowing that, ako mismo ay discouraged po ako, na tumakbo bilang Pangulong dahil alam ko pong napakahirap po na maging isang Pangulong Duterte,” anang mambabatas.
Ani Go, may ilang buwan pang nalalabi para makapili ang kanilang partido at kung sino ang mapipili o napupusuan ay kanilang irerespeto.
“Ako mismo ay sabi ko nga, puwede niyo munang isantabi at kung maaari, kung maaari lang po kahit huli na po ako, huli na po ako sa lahat. Kung wala na ho kayong ibang mapili, kumbaga sa laban sa bakbakan, kung wala na po kayong ibang mapiling manok na ilaban — ako na po ang pinakahuli ninyong isalang diyan sa bakbakang ‘yan o sa derby na ‘yan,” ayon kay Go.
Agad ding nilinaw ni Go na hindi sila kumpetensiya o magiging magkalaban ni Senator Manny Pacquiao sa posisyong pagkapangulo o manok ng partidong PDP-Laban.
“Kami naman po ni Senator Manny Pacquiao, magkaibigan ho kami. And in fact nagkausap ho kami noong nakaraang linggo, personal, sa Senado. Sabi ko pare, kumpare kami niyan — Pare, sabi ko hindi ako sasali diyan sa national council meeting at ulitin ko, hindi po ako interesado maging Pangulo. So hindi po ako kumpitensya ni Senator Manny Pacquiao diyan sa pagiging standard bearer po ng PDP-Laban,” anang senador. (PFT Team)
The post ‘IHULI NA LANG AKO SA LISTAHAN’ — BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: