NABALOT ng tensiyon ang clearing operation nang gawin pangharang ng isang lolo ang kaniyang batang apo sa ilalim ng tow truck upang hindi madala ang kanilang motorsiklo na kinukumpiska sa Tondo, Maynila.
Sa ulat, makikita sa video na tumayo ang bata mula sa ilalim ng truck pero kinuha uli ng lolo at muling inilagay sa ilalim.
“Sa taranta ko para maibaba nila — hindi lang mapaandar ‘yung wrecker nila. Walang lolong naglagay na mamatay ‘yung bata para sa motor eh. Hindi ko na alam kung ano gagawin ko,” anang lolo na nagsisi sa kaniyang ginawa.
Napag-alaman na motorsiklo ng kaniyang manugang ang motorsiklo na kinumpiska ng mga nagsasagawa ng clearing operation dahil nakaharang sa kalsada.
Itinanggi ng lolo na nakahambalang ang motorsiklo na katutubos din lang daw ng kaniyang manugang.
Pero paliwanag ng pinuno ng clearing operation na si General George Jugo: “Wala siyang lisensya atsaka, ano siya, obstruction. Nakabalagbag. Okay lang sana kung ‘yung kaniyang motor ay nakagilid. Eh, nakabalagbag po. Atsaka maliit na ‘yung kalye. Paano kung nagkusunog.”
Sinabi naman ng tiyahin ng bata na nagwawala narin ang bata dahil batid nito na madadagdagan na naman ang problema ng ina.
“Sumisigaw na po ‘yung bata ng, ‘yung mama ko malaki problema. Maawa po kayo, dadagdag na naman sa problema ng mama ko ‘yan. Kasi nagwawala na ‘yung bata sa gigil ng bata, hindi na po alam kung anong gagawin,” paliwanag ng tiyahin.
Lumuhod din daw at nakiusap ang bata sa mga awtoridad na hindi raw ipinakita sa video.
Gayunman, nanindigan si Jugo sa kanilang isinasagawang operasyon at dapat umanong disiplinahin ang mga lumalabag sa patakaran at inilagay pa sa panganib ang bata.
“Kung hindi namin gagawin ‘yan, eh paulit-ulit lang ‘yung magiging trabaho namin at saka paulit-ulit lang na nandoon sila. Kaya kailangan bigyan natin sila ng disiplina,” anang opisyal.
Dahil narin sa sitwasyon ng pamilya, hindi na inaresto ang lalaki.
Nangako rin ang tiyahin at lolo na hindi na mauulit ang insidente para hindi ibigay ang bata sa kostudiya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
The post Iwas clearing ops: Lolo inilagay sa ilalim ng tow truck ang apo appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: