Facebook

Karanasan sa karahasan

SA 110 milyong Pilipino, tila iilang pamilya ang pinagpala. Habang ang natitira’y umaasa ng biyayang manggagaling sa mga pinagpalang ito. Malinaw na hindi pantay ang kabuhayan ng mga Pilipino kung ang kinakain at isinusubo ang basehan. Ang masaklap nito, ang mga taong nanggaling sa gitnang uri na pinalad na nakaupo sa pamahalaan upang maging lider ang nakakalimot sa kanilang pangako at ngayong umaastang kasing yaman ng mga pamilyang kilala sa dami ng pera.

Nariyan na ginagamit ang mekanismo ng gobyerno upang sikilin ang ilang pamilya dahil sa maraming paglabag kuno, ngunit ang totoo, nais nitong mapansin o mabigyan ng pabor upang masiguro ang kabuhayan kung wala na sa pwesto. Nariyan na ang sinasabi’y kabaligtaran sa ginagawa. Balewala sa kanila ang kagalingan ng bayan o buhay ni Mang Juan, ang mahalaga’y hindi mawawala ang naipundar na kabuhayan magpakailanman.

Sadya bang ganito ang buhay, kailangan makipagbakahan upang ang isusubo’y galing sa malinis na paraan. Habang nasa malamig na lugar ang kainan, nariyan ang anak ni Mang Juan na nakikipagpatintero sa mga sasakyan sa lansangan upang may maiuwi sa tahanan. Ito ang karaniwang tanawin sa mundo ng kanilang mga anak na umaasa sa palad ng kalakaran sa maghapong paghahanap buhay.

Ang konting kita sa paghahanap buhay madalas na nababawasan maipagpatuloy lang ang maghapong pananatili sa kakalsadahan. Nariyan ang iba’t ibang tagapagpairal ng batas gayong wala namang kaayusan sa lansangan. At kung hindi sumunod, kalaboso ang abot na may kasamang dagok. Kung malas na malas sa maghapon nariyan ang meryendang kulata para sa enforcer na meryenda ang habol. Ito ang realidad ng buhay na kinakaharap ng mga anak ni Mang Juan upang manatiling buhay sa mundo. Ito na ba ang karanasan sa karahasan?

Hindi sapat na sabihing ito ang karanasan sa karahasan, nariyan ang mga ninuno na hinarap ang karahasan sa kasaysayan mula ng panahon ng mananakop. Hindi ito masakit para sa mga ninuno ni Mang Juan, ang masakit, sa mismong kababayan dinanas ang pagtataksil at hirap sa buhay. Mula sa Bagong Lipunan na binandera ng dating diktador, ang walang habas na pagpatay at pagkawala ng mga kamag-anak na hindi na nakita hanggang sa kasalukuyan.

Nariyan ang mga pahirap sa mga taong dinampot dahil sa ibang tindig at paniniwala. Nariyan ang pahirap na hindi masikmura ng mga political detainees. Ang pagtutol o pagpuna sa pamunuan ng bansa’y pagpapabagsak ba sa pamahalaang nasa kapangyarihan? Ang pagsasabi ng katotohanan ang sukli’t kamatayan o pagkawala. Ito ang iba’t-ibang karanasan sa karahasan ng mga Pilipinong mapagmahal sa kalayaan.

Sa pag-ulit ng kasaysayan, ang mapait na karanasan ang nauulit sa kasalukuyan. Kaliwa’t kanang tumbahan ng ating mga kababayan, mula kanayunan hanggang sa kalunsuran. Maging ang mga opisina ng pamahalaan lalo’t hindi ka kakampi, tiyak na babagsak sa leeg mo ang balaraw ng karahasan, ano masasabi mo CJ Sereno, Sen. D5 at marami pang iba. Sa pag-upo ni Totoy Kulambo puro karahasan ang namutawi sa bibig nito.

Karahasang sumikil sa bayan upang sumunod kahit nakapikit sa mga nais nito. Karahasang nakatago sa mga paglaban tulad ng laban sa droga, laban sa mga komunista, laban sa korapsyon, laban sa oligarkiya at marami pang laban na tinatakluban ang karahasan. Asal diktador ang asta at galaw ganung kulang sa pambansang karanasan.

Kakambal ba ni Mang Juan ang sakit na dinaranas simula ng ito’y magkaisip at maunawaan ang kapaligiran. O talagang malas dahil hindi makakapili ng tamang lider na magdadala sa tamang kinatatayuan na namamalas ang kapayapaan. Kapayapaan para sa buhay at hindi yung humayo na sa kabilang buhay. Madalas na hindi nag-iisip si Mang Juan sa dalas ng pagkakamali tuwing halalan.

Ang mahuhusay na mga lider ng bansa’y karamihang taga-ayos lamang ng mga pagkakamali ng mga sinaunang pamunuan. Inuuna ang paglilinis ng bahay at bayad sa mga pagkakautang na walang pakinabang ang bayan. Kung mapatakbo ang mga maayos na programa, eh halos patapos na ang termino’t hindi ipinagpatuloy ng sumunod na pamunuan.

At ang masaklap binago na regla, inuna ang kabalastugan na nakamaskara para sa bayan. Laban kuno sa lahat ng kasamaan, subalit sa totoo lang laban ito sa kalaban upang manaig ang pansariling interes at hindi ng bayan. Ang laban sa kriminalidad na ang kriminal ang nagpapatakbo’y tunay na purong karahasan ang kinalabasan. Walang makakilos upang ilantad ang karahasan, at mananatiling karanasan ni Mang Juan sa lipunan na puro karahasan.

Salamat sa ginawang pagsasampa ng kaso sa ICC na nagresulta ng pansamantalang pagkatulala ni Totoy Kulambo. Hindi makakilos upang madagdagan ang bilang ng karahasan kontra sa buhay ng mamamayan. Mayroon mga pangyayari na bunga ng alitan na kamatayan ang kinalabasan. Maraming pulis ang sangkot dito, marahil nanaig sa kaisipan ang karahasan na ipinamukha ni TK. Patayin kung lumaban, kung ayaw, palabanin… yan ang karanasan ng karahasan na karaniwan sa pamayanan ni Mang Juan.

Ang kalagayang ito ang dapat pagtuunan pansin ng mga politiko na ipinapangako ang langit at hindi ang lupa kada halalan. Ang mabawasan ang sakit, umayos ang kabuhayan, manatiling buo ang teritoryo ni Mang Juan ang inaasahan sa darating na halalan. Maraming naging mahuhusay na lider kuno ng bansa, ngunit bakit lumubog ang kabuhayan. Ang kahirapa’y dama mula Marawi hanggang sa kaMaynilaan, gayong may pamilya na labis-labis ang makakain. Ang laban sa kahirapan, ang tunay na laban sa karahasan.

Ang may makakain ang mga anak ni Mang Juan sa kanilang hapag ang kailangan at hindi ang kamatayan sa tumututol sa pamahalaan. Ipadama kay Mang Juan ang lipunan na sagana at may kapayapaan. Wakasan ang karanasan sa karahasan. Ang hustisyang ibibigay ng ICC sa mga pumanaw na mga anak ni Mang Juan ang nais ng bayan. Huwag kalimutan na kung ano ang itinanim siyang aanihin..

Maraming Salamat po!!!

The post Karanasan sa karahasan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Karanasan sa karahasan Karanasan sa karahasan Reviewed by misfitgympal on Hunyo 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.