UMIIYAK na humingi ng tawad ang isang lalaki nang arestuhin ng pulisya dahil sa pag-aalok ng pera kapalit ng malalaswang larawan ng mga babaeng menor de edad na nakikilala sa social media.
Kinilala ang dinakip na si Froilan Estolano, 39 anyos.
Sa ulat, naaresto si Estolano sa entrapment operation na inilatag ng mga awtoridad sa isang fastfood restaurant sa Tagaytay.
Kasama pa ni Estolano ang target niyang 14-anyos na babae na hinikayat niyang makipagkita sa kaniya.
Ayon sa NBI Cavite District Office, nagpakilala si Estolano sa biktima na nakilala niya sa Facebook na 25 anyos lang siya.
Inalok daw ni Estolano ng pera ang biktima kapalit ng ipadadalang maseselang mga larawan.
Kalaunan, inaya na ni Estolano ang kaniyang biktima na makipagkita sa isang motel para doon niya ibibigay ang pera.
Ngunit nadiskubre ang plano ni Estolano nang makigamit ng cellphone ang biktima sa kaniyang nanay at nabasa ng magulang ang palitan ng mensahe.
“Ito ‘yung type na subject ng mga [online] predator na by random nagse-send sila ng friend requests sa mga kursunada nilang victims. [Mag-aalok na] ‘Bibigyan kita ng allowance, bibilhan kita ng cellphone.’ Nandoon sa conversation nila lahat ‘yon,” ayon kay Jonathan Contreras, Executive Officer ng NBI-CAVIDO.
Hindi na itinanggi ni Estolano ang kaniyang ginawa.
“Hindi ko rin siya masyadong kilala eh kaya hindi ko rin inilabas ang identity ko. ‘Hi, hello, you wanna be a sugar baby?’ Tinanong niya kung ano ang kapalit, sabi ko P5,000,” ani Estolano.
Nahaharap si Estolano sa kasong paglabag sa RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act, RA 9208 o Anti-Trafficking in Persons Act, RA 7610 o child abuse at Cybercrime Prevention Act.
The post Lalaking nag-aalok ng pera kapalit ng malalaswang larawan ng menor de edad, timbog appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: