MAY kalaliman ang basa ni Frank Drilon noong Linggo tungkol sa epekto ng pagkamatay ni PNoy. Babaguhin nito ang balangkas ng pulitika sa bansa. Hindi basta mababale-wala ang pagkamatay ni PNoy, aniya.
Ngayon, binabasa namin na malulusaw ang naghaharing koalisyon. Maghihiwalay ang iba’t ibang lapian at grupong pulitikal na sumusuporta kay Rodrigo Duterte at magkakaroon ng tatlo o apat na kandidato na magkatunggali sa 2022.
Kapag tuluyang nalusaw at nahati ang naghaharing koalisyon, hindi sila mananalo sa 2022. Tama si Drilon na nagsabi na mag-iisip ang taongbayan sa 2022 dahil sa dusa at pagbagsak ng bayan sa ilalim ni Duterte. Itutulak sila ng pagkamatay nmi PNoy upang unawain ang kasalukuyang sitwasyon ng bayan.
Ang hindi maunawaan sa kasalukuyan ay ang papel na ginagampanan ng puwersang demokratiko ng bansa. Hindi maintindihan kung saan lulugar ang oposisyon sa kasalukuyang balangkas ng iba’t-ibang puwersa na lalahok sa halalan sa 2022.
Hindi katanggap-tanggap ang kasalukuyang sitwasyon kung saan nakabatay ang hinaharap ng oposisyon sa desisyon ni Leni Robredo kung tatakbo o hindi sa panguluhan sa 2022. Hindi makatarungan sa puwersang demokratiko na maghintay sa desisyon ni Leni. Paano kung hindi tatakbo? Saan na ang oposisyon?
Hindi kami sang-ayon sa eksaheradong pananaw ni Leni sa sariling kapasidad upang manguna sa laban. Hindi kami sang-ayon sa paniniwala na tanging ang Liberal Party ang maaaring manguna sa puwersang demokratiko ng bansa.
Mas maganda ang konsepto ng 1Sambayan na kumakatawan sa isang nagkakaisang hanay ng puwersang oposisyon na kabilang ang iba’t ibang lapian at grupong pulitikal. Magandang suportahan at pagyamanin ang 1Sambayan at sa proseso kinakatawan nito.
Hindi kami sang-ayon sa paanyaya sa dalawang basura ng pulitika sa bansa – Isko Moreno at Manny Pacquiao. Maaaring sabihin na sikat sila pero wala silang kakayahan na pamunuan ang bansa. Luluha lamang ang bayan kapag isa sa kanila ang nahalal.
***
MGA tatlong taon na ang nakalipas ng bilhin ko sa isang tindahan ng aklat ang “Twilight of Impunity” na isinulat ni Judith Armatta, isang Amerikanong manananggol na pumunta sa Belgrade, ang pangunahing siyudad ng Serbia, at nagmasid sa paglilitis ni Slobodan Milosevic, ang presidente ng Serbia na dinakip ng puwersa ng United Nations dahil siya ang nag-utos na patayin ang daan-daan libong Muslim sa dating Yugoslavia noong unang bahagi ng dekada ng 1990. Pinagtiyagaan kong basahin ang aklat na may kapal na 550 pahina.
Si Milosevic ang nag-utos ng “ethnic cleansing” upang mawala sa mundo ang mga Muslim sa dating Yugoslavia na nabiyak sa pitong bansa nang sumabog ito noong mga 1990: Serbia Slovenia, Croatia, Bosnia-Herzegovina, Montenegro, Macedonia, at Kosovo. Iniutos ni Milosevic ang pagpaslang sa mga Muslim upang lumaki ang Serbia at maaalis ang itinuturing niyang balakid sa pagpapalakas ng Serbia sa Balkan.
Nilitis siya sa ilalim ng International Criminal Tribunal for the former Yugoslavia (ICTY) na binuo ng United Nations upang panagutin siya sa salang war crimes at crimes against humanity. Binubuo pa nang mga panahon na iyon ang International Criminal Criminal Court (ICC), ang pandaigdigang hukuman na binuo sa ilalim ng tratadong Rome Statute upang litisin ang mga taong inakusahan ng crimes against humanity. Nag-umpisa ang paglilitis noong 2002 sa Belgrade at natapos noong 2006 nang atakihin sa puso si Milosevic at namatay.
Si Milosevic ang pangalawang pinuno ng bansa na nilitis ng isang pandaigdigang hukuman sa sakdal na crimes against humanity. Siya ang pangalawang presidente sa kasaysayan ng mundo na humarap sa santambak na saksi sa kanyang krimen. Nauna si Admiral Karl Doenitz na ninombrahan ni Adolf Hitler bilang kahalili matapos magpakamatay ang huli sa kanyang bunker sa Berlin, Alemanya.
Isa si Doenitz sa mahigit 20 lider ng Nazi Germany na humarap sa Nuremberg Trials noong 1945. Nahatulan mabilanggo ng 20 taon si Doenitz dahil isa siya sa mga nagpatupad ng pagdadala ng mga banyagang manggagawa sa Alemanya at nagpapatay sa anim na milyon na Hudyo sa kasagsagan ng Pangalawang Digmaan Pandaigdig.
Maraming aral sa paglilitis ni Milosevic, ayon kay Armatta, ang mag-akda ng aklat. Nag-iba na ang panahon at kailangan maunawaan ng buong mundo na pumaimbulog na ang international criminal law. May sariling dynamics ang sistema para sa pandaigdigang katarungan. Hindi na pwede sa ngayon na basta pumatay at umiwas sa anumang pananagutan.
Isang malaking aral sa paglilitis ang pagbibigay ng poder kay Milosevic na ipagtanggol ang sarili. Dahilan ito para bumagal ang proseso sa batas, aniya. Maraming pagkakataon na nangibabaw ang pagkatao si Milosevic at gawing circus ang proseso. Hindi dapat hinayaan ng hukuman na nangingibabaw si Milosevic sapagkat hindi na ito katarungan, aniya.
Maraming nagsulputan na saksi sa paglilitis ni Milosevic. Mga pinunong bayan sa nabuwag na Yugoslavia at mga pangkaraniwang tao na biktima ng ethnic cleansing at nagpamalas ng mga patayan na ginawa ng puwersa ni Milosevic. Idinetalye ng mga saksi ang kanilang karanasan at pinatunayan na hindi basta nalilimutan ng mga tao ang kahayupan at karumal-dumal na krimen na ginawa ng kampo ni Milosevic.
Ayon kay Armatta, hindi ordinaryo ang paglilitis sa ordinaryong proseso ng isang korte sa isang ordinaryong kaso ng murder dahil kailangan ang kasaysayan at konteksto sa paglalahad ng mga detalye sa malawakang patayan. Kung hindi namatay si Milosevic, may malaking posibilidad na managot siya sa mga patayan.
***
QUOTABLE QUOTES: “It really bothers me to be attacked with wrong grammar” – Kris Aquino
“Don’t wonder if no past and incumbent presidents went to PNoy’s wake. They were not needed there. They were not a good fit. The occasion was too decent for scoundrels.” – PL, netizen
“Somebody sees an emerging & snowballing Noynoymania in social media & other venues of public discourse. Why not? We’re in need of a sane and decent leader. There’s no way to play it down.” – PL, netizen
“PNoy’s legacy is defined by our arbitral victory, which the madman treats as garbage. PNoy brought the issue of China’s incursions into our territory and bullying to the right forum, which is the UNCLOS’s Permanent Arbitration Commission, and won. Correct strategy did it for him.” – PL, netizen
The post Malalim na salita appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: