Facebook

Malalimang imbestigasyon

NAIBAHAGI ko nitong nakaraang linggo sa ating mga kabaro sa pamamahayag na ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ay patuloy na nakatutok at hindi tinutulugan ang mga kaso ng pagpatay sa mga miyembro ng media.

Tulad na lamang ng kaso ng pagpaslang kay Dumaguete broadcaster Cornelio Pepino, kilala din bilang Rex Cornelio, na pinatay isang taon na ang nakalilipas. Mayo 5, 2020 ang eksaktong petsa ng pamamaslang, dalawang araw matapos ipagdiwang ang World Press Freedom Day.

Katatapos lamang na makapag-programa ang biktima sa istasyong Original Energy FM 93.7. nang ito ay pagbabarilin habang sakay ng kanyang motorsiklo angkas pa ang kanyang asawa sa kanilang paguwi sa Villa Amada, North Road ng Barangay Daro, Dumaguete City bandang alas-nuwebe ng gabi nang tambangan ng mga salaring nakasakay din sa motorsiklo.

Agad tumalima ang PTFoMS sa pagtutok sa kaso at dahil sa isang witness ang nakapagturo sa isa sa mga suspek at pagkakarekober ng baril na ginamit sa pagpaslang, ang akala ng marami ay tapos at sarado na ang kaso.

Hindi po. Bumigat pa nga ito dahil ang natukoy na salarin ay pinatay din. Parang sa mga pelikula ang pangyayari. Marahil ayaw talagang mabunyag kung sino ang may utos ng pamamaslang.

Pero hindi tayo tumigil sa pagiimbestiga at ating pinalakas pa ang koordinasyon sa pulisya para matukoy kalaunan ang mga nasa likuran ng krimen na ito.

Ang saksi na nakapagturo sa salarin ay pinabigyan na rin ng proteksiyon at maging ang biyuda ni Pepino na hanggang sa ngayon ay walang maalala sa mga hitsura ng mga pumaslang sa kanyang asawa.

Lalaliman pa natin ang imbestigasyon dito at pasasaan ba ay matutukoy din ang mga taong nasa likuran ng pagpaslang na ito.

The post Malalimang imbestigasyon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Malalimang imbestigasyon Malalimang imbestigasyon Reviewed by misfitgympal on Hunyo 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.