Facebook

Marami pa ring problema ang Pilipinas hanggang ngayon, Duterte pa rin?

MATATAPOS na ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na taon.
Ngunit, hindi naramdaman at lalong hindi nakita ng mamamayang Filipino ang ipinangako noon ni Duterte na “change is coming”.

Sa kasalukuyan, napakatalamak pa rin ang problema sa iligal na droga.

Kahit mahigit 6,000 katao na sangkot sa bentahan at paggamit ng iligal na droga ay araw-araw pa rin ang kumakalat na droga sa maraming panig sa bansa hanggang kasalukuyan.

Napakasahol pa rin ng katiwalian at korapsyon sa napakaraming yunit ng pamahalaan kahit na nagkaroon ng Presidential Anti – Corruption Commission (PACC) at Task Force Against Corruption (TFAC).

Pokaragat na ‘yan!

Umiiral pa rin ang red – tape sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Lalong lumawak at tumindi ang kahirapan.

Parami nang parami ang mga manggagawang nawawalan ng trabaho, o kaya ay lumiit ang kita, samantalang ang iilang bilyonaryo ay patuloy na nadadagdagan ang kayamanan.

Pokaragat na ‘yan!

Hindi rin pahuhuli ang mga iligal na sugal tulad ng tupada, jueteng at iba pa.

At napakarami pang mga problema ng 110 milyong Filipino.

Kung nagsisinungaling ako, itanong ninyo sa inyong mga kamag-anak, kabit-bahay, kaibigan at kakilala kung nagkaroon ng malaking pagbabago sa Pilipinas mula nang maging pangulo si Duterte.

Siyempre, huwag ninyong itatanong kina Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, Presidential Secretary Harry Roque Jr., Energy Secretary Alfonso Cusi at iba pa dahil pihadong ang sagot nila ay mayroong pagbabago sa termino ni Duterte.

Baka nga, sabihin pa nilang sobrang daming pagbabago.

Pokaragat na ‘yan!

Sa sobrang dami ay baka malunog kayo sa kanilang kuwento.

Sa kabila ng patuloy na pagsahol at paglawak ng napakaraming suliranin sa pamahalaan at bansa, napakalas ng loob at napakatapang ng sikmura ng ilang pangkat sa administrasyong Duterte na patakbuhin ang anak ni Pangulong Duterte na si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, o kaya si Bong Go, ang beteranong alalay ni Pangulong Duterte, sa pagkapangulo ng Pilipinas sa halalang 2022.

Ang nakababanas sa ginawa ng ilang opisyal ng Partido Demokratko Pilipino – Lakas ng Bayan (PDP – Laban) ay maglabas ng resolusyong humihimok kay Pangulong Duterte na tumakbo itong bise – presidente sa halalang 2022.

Pokaragat na ‘yan!

Tapos, mamili na si Duterte kung sino ang kanyang patatakbuhin sa pagkapangulo.

Sabi ni Presidential Legla Adviser Salvador Panelo, ‘mabango’ ang Duterte – Duterte.

Pokaragat na ‘yan!

Okey ba kayo sa Duterte – Duterte?

Okey ba sa inyo na Duterte ang presidente, tapos Duterte rin ang bise – presidente?

Sagot!

Sabi naman ng mga ‘sipsip’ kay Bong Go, mainam ang Go – Duterte – Go!

Okey ba kayong maging pangulo si Bong Go at pangalawang pangulo si Pangulong Duterte?

Sagot!

The post Marami pa ring problema ang Pilipinas hanggang ngayon, Duterte pa rin? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Marami pa ring problema ang Pilipinas hanggang ngayon, Duterte pa rin? Marami pa ring problema ang Pilipinas hanggang ngayon, Duterte pa rin? Reviewed by misfitgympal on Hunyo 03, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.