Facebook

Pakulo ni Dominguez

NOONG ika-6 ng Hulyo, 2018, halos tatlong taon ang nakalipas, nagdaos ng isang special press conference si Sonny Dominguez, kalihim ng pananalapi, kung saan dumalo ang sangkatutak na mamamahayag mula sa iba’t ibang media organization. Nakagulat ang kanyang mga salita: May natuklasang malaking “scam” sa isang tanggapan sa DoF; at bumuo ng isang task force upang habulin ang mga salarin, papanagutin, ipaaresto, at ipakulong.

Ibinatay ni Dominguez ang nakakagulantang na pahayag sa natuklasan umano ng Commission on Audit (CoA) sa isang special audit ng One Stop Shop Interagency Tax Credit and Duty Drawback Center, o OSS-Center, isang maliit na sangay ng Department of Finance na ang pangunahing trabaho ay mag-isyu ng tax credit certificate sa mga export firm.

Ayon kay Dominguez, sinabi ng CoA na nag-isyu aumano ng OSS-Center ng 3,231 tax credit certificates (TCCs) na taliwas sa itinatakda ng Omnibus Investment Law of 1987. Nawalan umano ang gobyerno ng P8.85 bilyon sa ginawa ng OSS-Center. Bukod diyan, P2.34 bilyon ang naibigay sa mga kumpanya na lampas sa takdang panahon na tumanggap ng insentibo mula sa gobyerno. Hahabulin umano ng task force ang nawalang P11.18 bilyon.

Lumipas ang halos tatlong taon, walang ginawa ang task force. Wala itong naisalyang kasong administratibo o kriminal. Walang nasuspinde. Wala itong naipakulong o nadala sa hukuman. Walang “recovery” sa “nawalang” P11.18 bilyon sa kaban ng bayan. Sa maikli, walang ginawa ang task force sa loob ng tatlong taon. Pakulo ni Sonny Domguez ang lahat.

Samantala, dumagsa sa nakalipas na tatlong taon ang santambak na Notice of Disallowance (NdS) ng CoA sa OSS-Center. Inoobliga ng CoA ang OSS-Center na isauli sa gobyerno ang halaga na naibigay sa mga kumpanya. Umabot sa 578 NDs sa mga TCC na may kabuuang halaga na umabot sa P2.2 bilyon ang dumating sa OSS-Center.

Umugat ang mga akusasyon ni Dominguez sa 2018 press conference sa special audit ng Special Audit Office ng CoA sa lahat ng transakyon na ginawa ng OSS-Center mula 2008 hanggang 2014. Tumagal ng tatlong taon ang special audit, isang bagay na ikinagugulat at ipinagtataka ng mga nakakaintindi sapagkat walang pandemya noong mga panahon na iyon.

Nag-iba ang ihip ng hangin noong ika-3 ng Mayo ng taong ito. Nagpetisyon sa Korte Suprema ang 21 kawani ng OSS-Center at humingi sila ng certiorari at prohibition para itigil ng CoA ang walang habas na pag-iisyu ng mga NDs. Maraming isiniwalat ang mga kawani na mukhang nagpapakulo ng dugo sa mga nasa poder.

Isa sa mga isinawalat ng mga kawani ang kabiguan ng CoA Special Audit Office na tasahin ang paglilipat at paggamit ng mga TCC na may kabuang halaga ng P8.65 bilyon sa walong kumpanya na kasama ang kumpanya ni Dennis Uy’ – ang Phoenix Petroleum, Phils. Ayon sa petisyon, pinalusot ng CoA ang kumpanya ni Dennis Uy, ang mangangalaskal na naiulat na labis na malapit kay Rodrigo Duterte. Pinakamalaki ang kumpanya ni Dennis Uy sa mga naipalusot ng CoA. Umabot sa kabuuan na P2.87 bilyon.

Sa kanilang petisyon, sinabi ng mga kawani ng OSS-Center na ibinigay nila ang lahat ng file at folder sa CoA Special Audit Office ang paglipat at paggamit ngPhoenix Petroleum sa mga TCC na ibinigay ng OSS-Center. Kasama ng Phoenix Petroleum ang pitong ibang kumpanya ngunit sa hindi naipaliwanag na dahilan, hindi ginalaw ng CoA ang kanilang usapin. Walang audit na nangyari, anila. Bagkus, ipinakita ng CoA ang “pagkamuhi at galit” sa mga nagpetsyon na kawani ng OSS-Center.

Mukhang laglagan na ang nangyari sa hindi pagganap ng CoA sa kanilang tungkulin. Nag-isyu ang COA Office Order 2015 – 067 kung saan itinalaga ang isang special audit team upang tasahin lahat –lahat ng transakyon sa OSS-Center mula ika-1 ng Enero, 2008 hanggang ika-30 ng Disyembre, 2014. Walang hindi sasakupin ang audit.

Ang Phoenix Petroleum ang may pinakamalaking transakyon sa TCC sa halagang P2.87 bilyon, sumunod ang Therma Luzon, isang subsidiary ng Aboitiz Power,sa halagang P2.339 bilyon, at Steel Asia Manufacturing , P1.98 bilyon. Kasama ang Scandinavian Motors, P556.89 millyon, at Therma South, isa pang subsidiary ng Aboitiz Power, P467.09 milyon.

Naguguluhan ang mga kawani ng OSS-Center sapagkat habang mainit sa kanila ang CoA, napakalamig nito sa ibang kumpanya. Maaaring gumalaw ang CoA ngunit pinalampas ang kumpanya ni Dennis Uy at iba pa, anila. Sa kanilang pananaw, walang plano na kasama ang mga kumpanya kaya pinalusot na lamang.

***

MAY kahirapan unawain ang mekanismo ng tax credit certificate. Masyadong itong teknikal at hindi ito para sa mga ordinaryong tao. Nagsisilbi ang TCC bilang refund ng gobyerno sa mga buwis at gastusin ng mga export firm. Nais ng gobyerno na pasiglahin ang sektor ng nagluluwas o export sector. Hindi ito ibinibigay ng cash; ibinabalik ito sa anyo ng tax credit certificate. Maaring gamitin ang mga TCC sa pagbabayad ng buwis at utang. Good as cash ang TCC.

Isa sa mga constitutional office ang CoA. Inatasan ito ng Saligang Batas upang tasahin (audit) kung tama o mali ang paggasta ng salapi ng bayan at kung maayos ang paggamit ng poder. Itinitigil ng CoA ang walang katwiran na paggasta sa salapi ng bayan. Inilalagay sa wastong pang-unawa ng mga umuugit ng pamahalaan ang kanilang mga poder ayon sa prinsipyo ng pangingibabaw ng batas (rule of law).

Walang amor si Dominguez sa OSS-Center. Hindi naniniwala si Dominguez sa export bilang istratehiya sa pag-unlad ng bansa. Mas naniniwala siya sa import substitution, o ang istratehiya na bawasan ang pag-aangkat ng kalakal (import) at palitan ng mga gawa dito ang inaaangkat.

Hindi lubos ang tiwala at suporta ni Dominguez sa OSS-Center. Hindi trabaho ng opisinang ito ang magdala ng kita sa gobyerno. Palabas ang pera, hindi papasok. Sa kanyang limitadong pananaw, ano ang mahihita sa isang opisina na hindi nakakatulong sa kanyang trabaho – ang maghanap ng kita para sa gobyerno na nahihirapan dahil sa matinding hagupit ng pandemya?

Pinaghihinalaan ng DoF ang OSS-Center bilang pugad ng korapsyon. Malaki ang problema sapagkat wala silang katibayan. Hanggang ngayon, hanggang hinala sa OSS-Center sina Dominguez at mga kasama. May basehan ang hinala. Minsan nalugmok ang OSS-Center sa korapsyon sa panahon ng administrasyon ni Fidel Ramos at si Bobby de Ocampo ang kalihim ng pananalapi.

Nasa P8 bilyon ang nawala sa gobyerno dahil sa “tax credit scam.” Naayos ang sistema noong 1998 nang ipag-utos ni Edgardo Espiritu, ang kalihim ng pananalapi, ang balasahan, pagbuwag sa lumang sistema, at pagtatayo ng bagong sistema. Hindi na naulit ang malakihang nakawan.

***

Emai:bootsfra@yahoo.com

The post Pakulo ni Dominguez appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pakulo ni Dominguez Pakulo ni Dominguez Reviewed by misfitgympal on Hunyo 03, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.