Facebook

MTPB at SMART, nagpamalas ng galing

TUMANGGAP ng parangal kay Manila Mayor Isko Moreno si Marcos Anzurez, Jr., ang traffic enforcer ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) na sinaktan ng isang babaeng motorista na kanilang pinara dahil sa isang traffic violation sa Malate, Maynila, na kalaunan ay nabistong drug courier.

Bukod sa isang “plaque of appreciation” ay binigyan din ng cash award ni Mayor Moreno si Anzurez, kasama sina Vice Mayor Honey Lacuna at MTPB Director Dennis Viaje.

Kapuri-puri namang talaga ang haba ng pasensiyang ipinamalas ni Anzurez sa gitna ng pananakit na inabot niya sa lady driver na si Pauline Mae Altamirano, 26, diumano ay isang model.

Totoo naman din ang tinuran ni Mayor Moreno sa paggawad ng award na talagang napakalaki na ng ipinagbago ng MTPB sa ilalim ng magaling na pamumuno ng hepe nilang si Dennis Viaje.

Naging masama talaga ang imahe ng MTPB sa loob ng mahabang panahon bago maupo si Mayor Isko bilang alkalde ng lungsod, kaya naman talagang mapupuri mo si Director Viaje sa bagong-anyo ng MTPB ngayon.

Sa nag-viral na video, pinagsusuntok sa mukha, kinuwelyuhan, kinalmot at sinipa ni Altamirano si Anzurez nang tumanggi ang enforcer na ibalik ang dokumento ng Toyota Fortuner na minamaneho ng suspek, matapos na tumuloy ito sa red light at di nakapagpakita ng driver’s license.

Kinailangang ipa-tow ni Special Mayor’s Reaction Team (SMART) chief Lt. Col. Jhun Ibay ang sasakyan ni Altamirano dahil nagkulong ito doon. Pagdating sa City Hall, ipinalabas ni Lt.Col. Ibay ang laman ng bag nung babae at dun na tumambad ang mga iligal na droga.

Nung makita nilang may nagtatanong sa cellphone ni Altamirano kung nakita ang droga niya, inatasan siya ni Ibay na papuntahin ito para kunin ang bag.

Dun na nahuli si Rendor Sanchez na nginuso naman ang kanyang mga kasamang naghihintay sa kotse na sina Jason dela Cruz at Marlon de Guzman at sila ay nakuhanan din ng droga. Arestado silang tatlo pati na si Atamirano at lahat sila ay nagpositibo din sa drug test.

Binabati ko si Lt.Col. Ibay sa magandang trabahong ito at sana ay mahuli pa din ang supplier nung apat na courier kahit pa ‘nasunog’ ito dahil may naglabas ng video na hindi awtorisado at siyang nagbigay-daan para makapagtago ang supplier.

Nakarating pala ang isyu kay Presidente Duterte at maging siya ay nagpahayag ng paghanga sa ipinakitang pasensiya ni Anzurez na gusto nga daw sana niyang makilala.

Aniya, ang pagkakatimbog nina Lt. Col. Ibay sa mga drug courier ay isang malinaw na pruweba na andiyan pa din talaga ang iligal na droga.

Congratulations kay Anzurez, Viaje at Ibay at siyempre pa, kina Mayor Isko at Vice Mayor Honey sa magandang trabaho ninyo sa Maynila. Keep up the good job!!!

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.

The post MTPB at SMART, nagpamalas ng galing appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MTPB at SMART, nagpamalas ng galing MTPB at SMART, nagpamalas ng galing Reviewed by misfitgympal on Hunyo 03, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.