MARAMI paring bugok sa Philippine National Police (PNP) kahit na hinigpitan ang requirements sa recruitment nito at dinoble pa ang kanilang sueldo.
Anim na buwan palang ang nakalipas nang walang awang barilin ng Police Staff Sergeant na si Jonel Nuezca ang mag-ina sa harap mismo ng kanyang sariling anak at pa-milya ng mga biktima sa Paniqui, Tarlac dahil lamang sa maingay na “boga” at dating hidwaan narin ng magkabilang panig.
Kaagad nadismis sa serbisyo at nahatulan ng kulong habangbuhay ang double murderer na Nuezca.
Nitong Lunes ng gabi, naulit ang ganitong pangyayari. sa Greater Fairview, Quezon City. Ang may gawa naman ay isang Police Master Sergeant Hensie Zinampan. Pinutukan ng bugok na pulis na lango sa alak ang isang ginang na walang kalaban-laban sa harap ng anak at apo ng 52-anyos na biktima.
Katulad ng nangyari sa Tarlac, nakunan din ng video ng netizen ang ginawa nitong si Zinampan. Kaya kahit anong deny ng demonyong parak ay hindi ito pinakinggan ni PNP Chief, Gen. Guillermo Eleazar. Kasi nga kahit si Satanas ay mapapahiya sa ginawa ni Zinampan sa lola.
Ang bugok na Zinampan na ito ay may post pa noon sa Facebook ng pagkondena kay Nuezca. Na ang nagawa, aniya, ni Nuezca ay hindi dapat idamay silang “good cops” o matitinong pulis. Marami ang pumuri sa kanyang post na iyon. ‘Yun pala ay kaplastikan lang iyon, parang ‘yung “tatay” lang ng mga DDS.
Ang kumakalat na katanungan ngayon sa social media ay kung magtitiwala pa ba sa pulis pagkatapos ng sunod-sunod na pangyayaring ito ng pang-aabuso ng mga kagawad ng PNP?
Sabihin man nating “wala nang tiwala” ay wala rin naman tayong pagpipilian dahil sa pulis parin naman tayo lalapit kapag may nangyaring krimen. Sila ang itinalaga ng ating Konstitusyon na magproteksyon sa atin eh. Kung puede lang ba sa NPA magsumbong, bakit pa tayo lalapit sa pulis?
Ang maganda nalang nating gawin ay maging alerto sa paggamit ng celfone with camera. Na kapag may nangyayaring kaguluhan, kunan agad ng video at i-post sa social media para kaagad mabigyang-aksyon ng mga opisyal ng gobierno.
Oo! Dahil kung hindi nakunan ng video ang ginawa noon ni Nuezca at nitong si Zinampan ay baka absuelto pa sa kaso ang mga demonyong ito. Dahil puede nilang igiit na nang-agaw ng baril ang biktima at aksidenteng pumutok ang baril sa katawan nito. Tapos ang imbestigasyon!!!
Naniniwala naman ako rito sa liderato ni Gen. Eleazar na agad masisibak sa serbisyo at makulong habambuhay ang sinomang pulis na umaabuso sa kanyang kapangyarihan.
Again, mga pare’t mare maging alerto sa paggamit ng inyong celfone camera kapag may kaguluhan. Ang video ang matibay na ebidensiya para madiin ang salarin at makamit ng biktima ang hustisya. Mismo!
***
Aprub na sa mga kongresista ang P401 bilyong pondo para sa Bayanihan 3, mas kilala sa tawag na SAP 3 (Social Amileoration Program) para sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa at ayuda sa mga nawalan ng trabaho o kita sa higit isang taon nang pandemya ng Covid-19.
Nasa mga kamay na ngayon ng mga Senador ang pag-apruba sa naturang pondo. Hihimayin nila ito kung saan-saang programa mapupunta ang napakalaking halaga.
Sa SAP 1 at SAP 2 kasi hanggang ngayon ay may mga hina-hanap na pondong nawawala, missing!
Ang pagbibigay ng ayuda sa SAP 2 ay hindi pa natatapos ng DSWD. Wala na raw kasing pondo. Ngek! Paanong kinulang ang pondo eh bilang yun sa mga aayudahan?
Asahan nating susuriing mabuti ito nina Senador Frank Drilon, Sen. Risa Hontiveros at Sen. Ping Lacson. Subaybayan!
The post Marami parin bugok na pulis appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: