IGINIIT ni Senator Christopher “Bong” Go sa pamahalaan, partikular sa mga local chief executives na puntahan na o sudsurin ang malalayo o liblib na lugar para mabakunahan ang mga hirap lumabas ng kanilang bahay, gaya ng senior citizens at persons with disabilities.
“Para walang masayang na bakuna, nakikiusap ako sa mga Local Chief Executive na siguraduhing makakatanggap ng oportunidad para makapagpabakuna ang mga kababayan nating nakatira sa malalayo at liblib na lugar at iyung mga hirap lumabas ng bahay, gaya ng senior citizens at persons with disabilities,” ani Go.
“Paigtingin pa natin ang vaccine rollout at suyurin natin ang mga pamamahay ng mga kababayan nating hindi makapunta sa vaccination sites upang masigurong mabigyan sila ng proteksyon laban sa sakit at walang maiiwan tungo sa muling pagbangon ng ating bansa,” ayon sa senador.
Hiniling din ni Go sa LGUs na tulungan maging ang mga kababayan nating walang access sa impormasyon sa pagsasabing, “Huwag natin pabayaan ‘yung mga wala masyadong access sa impormasyon, hindi alam kung ano ang bakunang ito, at ‘yung hirap na hirap na sa buhay dahil silang mga pinakamahihirap ang pinakanangangailangan ng proteksyon at tulong mula sa atin.”
“Iparating natin sa kanila na ang bakuna po ang pinakamabisang paraan upang malampasan ang pandemyang ito,” aniya.
Ayon kay Go, ang pagpapabakuna sa ngayon ay responsibilidad ng bawat Filipino upang makaiwas sa malalang karamdaman, lalo sa virus.
Kaya naman ipinaalala rin niya sa bawat isa na patuloy na sundin ang health protocols para maiwasan ang paglaganap ng COVID-19.
“Patuloy rin nating sundin ang mga panuntunan ng gobyerno, gaya ng pag-iwas sa paglabas ng bahay kung hindi naman kinakailangan, pag-obserba ng social distancing, pagsuot ng mask at face shield, paghugas ng kamay, at pagpapanatiling malinis at ligtas ang ating kapaligiran,” ani Go.
Muli ring umapela si Go, partikular sa mga nasa priority list ng national vaccination program na huwag nang magpatumpik-tumpik pa sa pagtungo sa mga vaccination sites upang mabigyan sila ng proteksyon laban sa virus.
“Habang patuloy ang ating paglaban sa COVID-19, gusto ko muling himukin ang mga kababayan nating kasali sa priority groups na magpabakuna na sa kanilang pinakamalapit na vaccination site upang makuha ang proteksyon na kailangan laban sa patuloy pa ring kumakalat na COVID-19 na sakit at iba’t ibang variants nito,” ayon sa senador.
Sa kabila aniya na hirap makakuha ng bakuna, ginagawa ng gobyerno ang kakayahan nito para matiyak na ang bansa ay magkaroon ng ligtas at epektibong COVID-19 vaccines para sa bawat Filipino.
“Hindi lingid sa ating kaalaman na mahirap makabili ng bakuna dahil nag-aagawan ang mga bansa dito. Gayunpaman, patuloy na ginagawa ng gobyerno ang lahat para magarantiya na mayroon tayong sapat, ligtas, epektibo, at libreng bakuna na maipapamahagi sa mga Pilipino,” paniniyak ni Go.
Nabatid na higit sa 14.2 million vaccines ang nai-deliver na sa bansa sa kasalukuyan at may karagdagang 4 million doses pa ang nakatakdang dumating ngayong buwan.
Target ng pamahalaan na magkaroon ang bansa ng 149 million doses mula sa iba’t ibang sources bago matapos ang taon.
Ibinalita ni Go na ang bansa ang ikalawa sa Southeast Asian region sa may mataas na doses nang naituturok sa kasalukuyan matapos marating ang 8 million mark.
“Nalampasan na rin natin ang eight-million mark at pumapangalawa na ang Pilipinas sa Southeast Asian region para sa kabuuang bilang ng mga bakunang naiturok,” sabi ng mambabatas.
The post ‘MGA LIBLIB, SUDSURIN SA BAKUNA’ — BONG GO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: