
BIGLANG natigilan ang mabagsik na mga tauhan sa puno ng Balete sa Malacanan ng malaman na pumasok sa ikalawang bahagi ang pag-iimbestiga ng International Criminal Court (ICC) sa isinampang kaso ni dating Sen. Sonny Trillanes laban kay Totoy Kulambo at sampu pang mga tauhan nito. Isinasangkot ang mga ito sa malawakang patayan sa bansa mula ng maupo bilang pangulo Hulyo 2016 hanggang 2019.
Tila nabusalan ang bibig ng matabil na pinuno ng magsabi ang ICC na papalalimin pa ang pag-uusisa sa isinampang kaso na kinakitaan na maaaring may katotohanan ang sakdal laban kay Totoy Kulambo at sa sampung kasama nito. Nawalan ng kibo ang mga inaakusahan at ang walang alam na si Haring Shokey siyang kumuha ng poder bilang tagapagsalita. Libre na namang exposure at patuloy na nakikilala ang nag-aambisyon sa senado na tagapagsalita, kahit wala itong gaanong kinalaman sa usaping ito.
Ang kaalaman bilang abogado sa International Law ang ginagamit sa paglalahad na binabangit na hindi sakop ng ICC ang bansang Pilipinas dahil bumitaw na ito sa pagiging bahagi ng grupong ito. Ngunit nangungusap ang katawan nito na talagang hirap magsalita’t magpaliwanag sa tayo’ ng mga inaakusahan. Ang tindig na hindi makikiisa ang bansa sa mga pag-uusisa’y isa lamang paghahayag subalit batid ni Haring Shokey na hindi mapipigilan ang pagpapalalim ng pag-iimbestiga ng mga taga-usisa at tagausig upang malaman ang katotohanan sa patayang naganap sa bansa. Kung walang tinatago bakit hindi mabuksan at hayaan mag imbestiga? Meron ba o wala?
Mahusay ang pamahalaang ito sa mga pagtatakip sa mga kabulastugan, subalit hindi mapipigil na lumabas ang katotohanan na may basehan ang pagiimbestiga ng ICC sa malawakang patayan na naganap at nagaganap. Maraming pahayag si Totoy Kulambo hingil sa pagnanasa nito na pigilan ang pagdami ng droga at tahasang binabanggit na patayin ang mga lumalaban o palabanin upang may dahilan. Siya (Totoy Kulambo) ang bahala sa mga usaping legal na kahaharapin ng mga pulis o sundalong sumunod sa kanyang mga utos.
Nakayanan nito ang usaping legal sa loob ng bansa. Walang magawa ang Commission on Human Rights (CHR) sa mga pahayag ni TK at ito pa ang lumabas na kumikiling sa mga biktima ng estado. Hindi ito natapos sa panghahamak sa CHR at ilang mga nag-imbestiga sa mga krimen laban sa biktima ng estado. Nariyan na ibig bawasan ang pondo ng ahensiya upang hindi makagawa ng mga imbestigasyon.
Ang masakit maraming mga tao ang nagkusa at nagdokumento ng mga maling gawa ng estado upang sa tamang panahon at lugar maaring gamitin ito laban kay TK. At sa pag-usad nga ng usapin sa ICC na kinakitaan ng probable cause upang palalimin pa ang nasimulang usapin, ang maling utos at gawa na nagbunga ng kapahamakan sa kapwa sa kinabukasan ipinunla ang naging multo sa kasalukuyan.
Ngayon, totoo ang kasabihan na hindi matatakbuhan ang malawak at mahabang kamay ng hustisya. Ito ngayon ang kinahaharap ng nasa pamahalaan na ginagawa ang lahat upang maiwasan ang pag-uusisang ginagawa o gagawin ng ICC. Napatagal man nila ang usapin sa bansa kontra sa mga paglabag sa karapantan pantao, hindi nila maiiwasan ang ginagawa at gagawin ng ICC na pag iimbistiga at pagsampa ng kaso sa mga ito. Talagang bilog ang bola.
Sa ngayon, hindi matawaran ang kaba ng mga sangkot sa usaping ito na lumabas ang katotohanan hingil sa kaso na isinampa laban sa kanila sa ICC. Wala silang magagawa dito at hindi nila mababago kung ano ang kalalabasan nito. Hindi mawari kung paano maitatama ang mga maling utos at pahayag na ginawa ni TK na nakasulat na sa mga pader ang mga ebidensya. Ang pagbabayad sa maling pagpatay sa isang batang napagkamalan sa isang police operation ay isa ng mabigat na dahilan upang isampa ang kaso sa hukuman kontra sa estado.
At sa maigsing panahon magiging ganap na kaso ang usapin ng mga pagpatay, at ang paglalabas ng utos na dakpin ang mga akusado’y hindi malayong maganap.
Sa pagtangi ni Totoy Kulambo na makiisa sa usaping ito, hindi mawala sa isip ni Mang Juan na may dahilan ang ICC na ipagpatuloy ang imbestigasyon at may batayang isalang ito sa ICC. Ang tanong may magagawa ba ang ICC kung ayaw ni TK na humarap sa paglililitis? Hindi man makiisa sa pag-uusisa ang mga akusado malinaw na pwedeng ituloy ng ICC ang ginagawang imbestigasyon.
Ang pakikipag-usap sa mga biktima at mga pamilya ng mga ito’y maaring basehan ng tamang husga kahit sa isang banda na ‘di pakikiisa ng mga nasasakdal. Ang pagtanggi ng mga akusado sa imbestigasyo’y hindi mag-aabswelto sa kanila sa halip maari itong tignan na pag-iwas upang hindi matanong sa mga detalye hingil sa krimen. Batid natin ang mga tuwirang utos ay maaring di ginawa ngunit ang mga polisiya’y tuwirang binabangit na nakatala sa mga pahayagan at nakunan pa ng camera. Ito ang nagpapatibay na galing kay TK ang mga kautusan.
Sa isang taong malinis ang konsensiya, anumang akusasyon ang di pagdadalawang isip na harapin sino man o anu mang akusasyon ang ibinabato dito. Batid na hindi matatabunanan ng bilyong kasinungaligan ang isang katotohanan. OO na malalait ka sa dami ng puna at putik na binabato ngunit kung haharapin ito na taas noo’y makikita na ang inaakusaha’y malinis at walang bahid. Walang nadaramang takot.
At kung may kasalanan, hindi kayang takpan kahit sinong mahusay na tagapagsalita’t tagapagtangol sa kalauna’y lalabas din ang katotohanan. Ang ang katotohanan ang sa iyo’y magpapalaya. Sa ngayon, kung ikaw Totoy Kulambo’y walang sala, harapin ang usapin ng ICC at bilang abogado alam mo ang dapat mong tayuan. Huwag maghunos dili, linisin ang iyong pangalan at bigyan karangalan ang iyong pangalan.
Ang pagsisisi’y laging nasa hulihan, nagsisi ka na o na ICC dahil sa kamalian. Huwag mag-atubili, kung ika’y mali ang pagbaba sa pwesto’y ang postura ng tunay na lalaki na magbibigay karangalan sa iyo. Pabulaanan ang akusasyon harapin. At kung totoo, aminin ang pagkakamali bilang ng isang tunay na lalaki. Huwag mag-atubili, magCC ka na at ipasa ang panguluhan sa Busy Presidente…
Maraming Salamat po!!!!
The post NAGsICC BA? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: