Facebook

Paglilinis sa bakuran ng Korte Suprema

WALANG tigil ang ginagawang paglilinis ng Korte Suprema sa sarili nitong bakuran.

Ito’y makaraang sibakin ng Mataas na Hukuman ang storekeeper na si Louie Mark De Guzman ng Property Division dahil daw paggamit ng marijuana.

Base sa desisyon, napatunayang guilty sa kasong grave misconduct si De Guzman.

Kaya naman, inatasan ng mahistrado ang medical division ng Supreme Court na ipasok si De Guzman sa isang drug rehabilitation facility.

Sinasabing kinumpirma ng National Bureau of Investigation (NBI) sa isinagawa nitong laboratory analysis na nagpositibo sa active component ng marijuana ang urine sample ni De Guzman.

Nakakatanggap na raw ng report noon pa ang Property Division ukol sa paggamit ng ipinagbabawal na droga ng nasabing empleyado.

Minsan daw ay nakakaalamoy pa ng hindi maganda sa loob ng opisina ang mga katrabaho ni De Guzman.

Amoy ipot kasi ang damo kaya hindi talaga ito maitatago ng isang drug user.

Inamin daw mismo ni De Guzman na gumagamit siya ng marijuana kaya sibak tuloy siya.

Natuklasan na bukod sa pagkakatanggal sa trabaho, aba’y inalisan din ng mga benepisyo si De Guzman, maliban sa mga nalabi niyang leave credits.

Naku, perpetually disqualified na rin o hindi na maaaring pumasok sa anumang ahensya o tanggapan ng gobyerno si De Guzman.

Magsilbing aral sana sa mga durugista o drug users na nasa gobyerno ang kaso ng nasabing empleyado.

Aba’y kumalas na sa masamang bisyo at magbagong-buhay na.

Maliban sa paglilinis sa kanilang hanay, tuloy-tuloy din ang pagbabakuna ng Kataas-taasang Hukuman sa mga empleyado ng hudikatura.

Ayon sa Supreme Court Public Information Office (PIO), wala ring patid ang operasyon ng kanilang Emergency Care Unit (ECU) na matatagpuan sa SC Compound sa Maynila.

Dinadala sa naturang pasilidad at pansamantalang pinatutuloy ang mga empleyado o opisyal ng Korte Suprema na tinatamaan ng Covid-19 bago dalhin ang mga ito sa ospital kung kinakailangan.

Umarangkada na rin nitong Martes ang vaccination drive para sa mga empleyado o kawani nitong kasama sa A4 priority group o “essential workers.”

Ang pagbabakuna sa mga empleyado ng hudikatura ang isa raw sa mga short-term plans ni Chief Justice Alexander Gesmundo.

Maganda ang ginagawa ngayon ni Gesmundo.

Fully-vaccinated na rin daw pala ang lahat ng mga mahistrado ng SC na pawang mga senior citizens.

Nawa’y magtuloy-tuloy at magtagumpay si Gesmundo sa mga isinusulong niyang reporma hanggang sa kanyang pagreretiro.

Mabuhay po kayo at God bless!

* * *

AT para naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!

The post Paglilinis sa bakuran ng Korte Suprema appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Paglilinis sa bakuran ng Korte Suprema Paglilinis sa bakuran ng Korte Suprema Reviewed by misfitgympal on Hunyo 17, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.