TUMAYO ang aking balahibo ng malaman na pumanaw ang dating pangulong Benigno Simeon Aquino, III. Hindi ako makakilos at parang binuhusan ako ng malamig na tubig sa natanggap na balita. Kaagad na tumawag ako sa isang kaibigan upang kumpirmahin ang balita hinggil sa pagpanaw ng mahusay na pangulo.
OO ang aking nakuhang tugon. Kasunod ang panlulumo na para bang nawalan ako ng isang malapit na kamag-anak na dinamdam ang pagkawala. Ang kasabihan na ang mabait na tao’y hindi na pinatatagal sa mundo at naroon na ang lugar na titigilan iginuhit na sa langit. Salamat PNoy sa mahusay mong pagdadala sa bansang ito ng ika’y maging pangulo ng Pilipinas. Salamat PNoy!
Maraming malungkot na balita sa panahon na ito, maraming kakilala na malapit sa atin ang bigla na lang na maririnig na yumao o sumakabilang buhay na. Naging madamdamin ang ating tugon sa mga balitang natatanggap hinggil sa paglisan ng mga kaibigan o maging ng mga kamag-anak. Subalit hindi ko mailarawan ang nadama nang makuha ang balita ng pagpanaw ng isang tao na kilala lang sa pangalan at sa larawan. Walang tuwirang pakikipag-ugnayan sa taong ito, kundi sa mga balita sa media.
Hindi nga dapat na malungkot dahil ang ahensya ng gobyerno na aking pinapasukan ay nabuwag sa panahon ng pamahalaan nito. Oo nagdamdam pero hindi magawang magalit dahil batid na umakto ang opisina ng pangulo ng naaayon sa sitwasyon ng panahon na iyon. Marahil nakita ng pamahalaan noong panahon na iyon ang dapat at tamang gawin. May kahinaan ang paglalahad ng pagkabuwag, at hindi sumunod ang taga pagpaganap ng utos ayon sa kautusan.
Sa kaganapan ng pagbuwag sa aming ahensya, ‘di man tangap ang pangyayari, nauunawaan naman ang dahilan sapagkat ang paglilinis ng pamahalaan ang una at ito’y sa kagalingan pambansa kaya kahit masakit, buong puso ang pagtangap dahil bayan muna bago ang sarili. Tuwiran ang epekto sa pansariling pangangailangan subalit batid na sa pangmatagalan at pambalana magiging maayos ang lahat. At sa pagharap ng hamon, nakita na talagang maganda ang naging epekto ng pamamahala ng dating pangulo.
Nariyan na maririnig na nakapagpautang ang Pilipinas sa unang pagkakataon. Isang magandang balita para kay Mang Juan at taas noo ang pagtangap sa balita. At sa katunayan, ito ang pamahalaan na mababa ang nahiram na halaga at mataas ang naibayad sa mga utang sa local at international creditors. Ito ang panahon na ang credit rating ng bansa’y tumaas at syempre tumaas ang tiwala ng mga nagpapautang sa kakayahan ng bansa na mabayaran ang mga utang. Sa magandang resultang nabangit, dapat pa bang magtampo?
Mali mang ikumpara ang nakaraan sa kasalukuyan, hindi mapigil na bigyan papuri ang nakaraan sa ginawa nito para sa bayan. Walang magarbong mga pahayag, hindi matabil ang dila at higit sa lahat may pagmamahal sa Pilipino. Ipinaglaban ang tama, tumayo para sa mga Pilipino at ipinaglaban at napagwagihan ang teritoryong sa atin. Walang mga mabulaklak na pananalita, tuwiran ang paghahayag at ang kagandahan dama ng bayan ang asensong hinahanap.
Lahat ng ito’y ang kabaliktaran ng kasalukuyan na hindi malaman ni Mang Juan saan pupunta at kukuha ng makakain. Nariyan na maraming mamumuhunan o negosyante ang napilitang lumikas ng ibang bansa upang ipagpatuloy ang bumabagsak na negosyo. At syempre, dumami ang anak ni Mang Juan na nawalan ng hanap buhay.
Sa pagpanaw ng isa sa pinaka mahusay na puno ng bansa, halos hindi matipa ang mga letrang narito sa kolum na ito. Dama ang lungkot sa puso at isip na bakit pa ang mabuti ang inuunang kunin samantalang may mga matatanda na dapat ng bumigay ang nariyan pa’t naghahamon ng mga walang basehang punto laban sa mga kritiko. Ngunit na tameme sa ICC na uusisa sa mga krimen nagawa ng pamahalaan na pinamumunuan.
Hindi malaman kung ano ang sasabihin at paano lalabanan ang darating na hamon sa buhay. Hindi inaasam ang masamang kaganapan, subalit, talagang dapat ipataw ang tamang husga sa mga krimen na ginawa sa mga anak ni Mang Juan na nakita na lang at nakahandusay sa mga lansangan. Ang balitang nakaririmarim ang dinig sa kasalukuyan na taliwas sa nakaraan. Kaya hindi mapigilan na sabihin na ang lugar mo sa langit o’ PNOY ang pinaka malapit sa sanlumikha.
Taos puso ang dalangin ni Mang Juan na ang iyong paglalagakan sa huli mong hantungan kasama ng Nanay at Tatay mong mapagmahal sa Bayan. Ang bigla mong pagpanaw ay dama ng Sambayanan, PAALAM MAHAL NA PANGULO…
Maraming Salamat Pangulong Noynoy Aquino, hanggang sa muli!!!
The post Paalam appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: