TATAKBO raw na Vice President si Rody Duterte pagkatapos ng kanyang termino bilang Presidente sa 2022.
Posible raw na maging Vice siya ni Bongbong Marcos o ng kanyang anak na si Inday Sara o ang longtime aide niya na si Senador Bong Go.
Sino man ang maging Presidente ni Duterte ay puede siyang running mate. Hindi ito ipinagbabawal ng ating Konstitusyon. Ang bawal ay ang mag-2nd term siya as Presidential candidate. Pero bilang Vice President puede siya maging Presidente uli bilang successor kapag nagbitiw o natigok ang Presidente.
Pero bago mangyari iyon, kailangan munang manalo kung sino man ang kanyang running mate at manalo rin siyang Bise.
Paano kung natalo ang running mate ni Duterte at na-nalo siya? At ang nanalong Presidente ay ang Vice President ngayon na si Leni Robredo? Tiyak magmumukhang basang sisiw si Duterte. Never siyang magkakaroon ng puwesto sa gabinete, tulad ng ginawa niya kay Leni. Baka lalo lang siya magkasakit sa tindi ng stress na aabutin niya lalo kung makabalik sa puwesto si Antonio Trillanes. Aray ko! Hehehe…
***
Sabi ni Inday Sara, hindi niya maintindihan kung bakit ang 1Sambayan at ang Palasyo ay naglalaro ng “slapping game” tungkol sa Duterte-Duterte tandem.
Aniya, sinabi na ng kanyang amang Presidente na hindi ito naniniwala na bagay o karapat-dapat siya maging Presidente dahil babae siya. “Period!”
Well, ang katotohanan ay walang kinalaman ang 1Sambayan ng pagpakalat ng Duterte-Duterte tandem 2022.
Ang nagpasabog ng Duterte-Duterte 2022 ay ang mga kaalyado din ng Dutertes na mga payaso na sina Salvador Panelo, Harry Roque, at mga opisyal ng kanyang partidong PDP Laban na sina Alfonso Cusi at Melvin Matibag na nag-etsapuera sa kanilang party President na si Sen. Manny Pacquiao.
Kaya kung nasunog man ang planong Duterte-Duterte, ang dapat dito sapakin ni Inday Sara ay ang mga nabanggit na opisyal sa Palasyo at partido. Mismo!
***
Sa Sabado, Hunyo 12, Araw ng Kalayaan, pakakawalan ng 1Sambayan ang kanilang nominees para sa 2022. Papangalanan nila ang mga pagpipilian ng taumbayan para sa pagtakbong Presidente, Bise Presidente at 12 Senador.
Ang pangalan ng mga nominee ay ipo-post sa isang app sa social media, kungsaan ang taumbayan ang pipili kung sino ang gusto nila. Ang makakukuha ng pinakamalaking boto sa survey ang magiging final lineup ng opposition para isagupa sa Duterte ticket sa 2022.
So far, ang pinakamatunog na nominees para Presidente at Bise Presidente ay sina VP Leni Robredo, Sen. Grace Poe, Sen. Nancy Binay, ex-Sen. Antonio Trillanes at Manila Mayor Isko Moreno.
Sa online surveys, nangunguna si Robredo; at sa running mate ay si Trillanes.
Malakas ang kutob ko na Robredo-Trillanes ang tandem ng opposition ticket.
At sa administrasyon naman ay Sara-Marcos.
Pero ang final answer ay sa Oktubre. Abangan!
The post Paano kung si Leni ang maging Presidente at si Du30 ang Vice sa 2022? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: