Facebook

“Pag natiyempuhan ko kayo… we’ll see” — Isko

ITO ang babala ni Manila Mayor Isko Moreno, matapos na maisalba ng pinagsanib na puwersa ng Manila Police District sa pangunguna ni Director Gen. Leo Francisco, special mayor’s reaction team (SMART) sa ilalim ni Lt. Col. Jhun Ibay at ng social welfare department sa ilalim ng pinuno nitong si Re Fugoso, ang may 280 Badjaos na pinaniniwalaang biktima ng human trafficking nang ang mga ito ay dumating sa Pier area sa Tondo. Apat sa mga ito ay napag-alamang positibo sa COVID-19.

Sinabi ni Moreno na ang mga kawawang Badjao mula sa Mindanao ay sinasamantala ng mga sindikato na pumunta sa Maynila, kapalit ng pangakong magandang buhay, pero ang totoo ay mamamalimos lamang sila sa kalye ay mamumuhay bilang mga squatter.

“Nagtataka mga taga-Maynila, despite na kinukuha natin ang mga homeless magi-isang taon na, bakit ang dami pa ring umiikot, homeless at namamalimos sa kalsada?,” pahayag ng alkalde.

Simula nang pandemya noong isang taon, ang pamahalaang lungsod sa pamamagitan ng tanggapan ni Fugoso, ay patuloy na nagkukupkop ng mga walang matirahan at dinadala sa mga pasilidad ng lungsod upang sila ay may masilungan at may makain. Sila, lalo na ang mga bata ay binibigyan ng monthly check-ups at free entertainment via film showing.

Ang dahilan sa pagkupkop ng mga nasabing indibidwal ay upang maiiwas sila sa panganib at maiwasang mahawa ng coronavirus disease.

Habang ikinagagalak naman ng pamahalaang lungsod ang makatulong, labis naman ang kalungkutan ni Moreno na may mga sindikatong nagsasamantala sa paghihirap na dinaranas ng mga Badjao.

Isang tip ang natanggap ng pamahalaang lungsod ayon kay Moreno na may paparating na mga Badjao, at napatunayang totoo nga ang tip.

Pansamantalang inihabilin ang nasabing bilang ng mga Badjao kay Fugoso upang alagaan ang mga ito habang inaayos pa ng mga opisyal ng pamahalaan kung paano sila maibalik sa kanilang pinanggalingan.

Ayon kay Moreno, mayroon ng pagkakakilanlan ang mga nasa likod ng sindikato na may kaugnayan sa human trafficking at oras na lang ang binibilang para maipakulong ang mga ito.

“Out of 280 na Badjao na may mga dalang sanggol, me apat nag-positive sa test. Imagine, magkakasama sila may mga dalang sanggol.. nakakalungkot talagang me mga walanghiya pa din na walang pakundangan, para bang hindi takot sa COVID,” sabi ni Moreno.

“Sa aming pagsisiyasat, alam na namin. Pag confirmed na, kakalawitin natin ang mga talipandas at tolongges na ýan,” pangako ng alkakde. (ANDI GARCIA)

The post “Pag natiyempuhan ko kayo… we’ll see” — Isko appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“Pag natiyempuhan ko kayo… we’ll see” — Isko “Pag natiyempuhan ko kayo… we’ll see” — Isko Reviewed by misfitgympal on Hunyo 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.