MISTULANG nasa tuktok ng mundo si Rodrigo Duterte sa unang tatlong taon sa poder. Walang habas ang patayan sa ilalim ng kanyang digmaan kontra ilegal ng droga. Walang makapigil sa kanyang mga pulis, alipures, at asset sa pagpatay kaninuman na pinaghinalaan – at hindi napatunayan – na may kaugnay sa droga. Pinapatay sila na parang mga manok at walang kalaban-laban. Walang asunto, o sakdal sa hukuman at tanging batayan ang hinala at sabi-sabi.
Dahil karurukan ng kanyang poder at kasagsagan ng mga patayan, pawang tumahimik ang mga mambabatas kahit alam nila na hindi na tama ang ginagawa ni Duterte. Tumutol si Leila de Lima, ngunit ikinukulong siya sa ilalim ng mga gawa-gawang asunto at testimony ng mga nakabilibid na mga drug lord. Hindi natinag si Sonny Trillanes at tinayuan niya ang walang kapararakan na pagyapak sa karapatang pantao ng maraming mamamayan na walang awang pinapatay dahil napagsuspetsahan (hindi napatunayan) na may kaugnayan sa droga.
Halos walang katapusan ang kalagiman ng Oplan Tokhang ni Duterte. Iniharap ni Trillanes sina Arthur Lascanas at Alex Matobato sa publiko upang magpatunay sa mga abuso ni Duterte sa karapatang pantao. Hindi nagtagal iniharap ni Sonnny Trillanes at Samahang Magdalo sa International Criminal Court (ICC) ang crimes against humanity kay Duterte at ilang tagasuporta ng mga patayan tulad Alan Peter Cayetano, Jose Calida, Bato dela Rosa, Dick Gordon, at iba pa.
Pinagtawanan si Sonny Trillanes nang magharap sila ng demanda sa ICC. Nilibak. Kinutya. Tinuya. Ininsulto. Suntok sa buwan, ayon sa maraming kakampi ni Duterte. Hindi papansiniin iyan, anila upang sirain ang loob ni Trillanes. Hindi maka-first base iyan, anila. Hindi nanluimo si Trillanes at ang kakampi – Gary Alejano. Itinuloy nila ang ang sakdal. Sumama ang National Union of Public Lawyers sa pangunguna ni Edre Olalia, presidente, at nagharap sila ng kanilang ebidensiya sa pandaigdigang hukuman.
Dahil binigyan daan ng Office of the Prosecutor ng ICC sa pamamamagitan ng nagretirong Fatou Bensouda, nagbaligtad ang mundo ni Duterte. Nawala ang yabang at postura. Nawala ang tulis ng dila at hindi ng diwa. Pawang mga nangupete sa isang sulok si Duterte at mga kakampi. Mistulang mga ibon na pinutulan ng bagwis at hindi makalipad.
***
SOBRANG bayo sa comba ang inabot ni Duterte at kakampi. Hindi nalayo sa mga sundalong nanginginig sa takot sa gitna ng digmaan. Marami sa kanila ang inalihan ng sobrang kaba. Nanginginig ang buong katawan, ulo, kamay, at paa dahil sa sobrang nerbiyos. Hindi makatulog, hindi makapagsalita ng maayos, at hindi nakakapag-isip at nakakapagdesisyon ng maayos.
Tanging ang pipitsugin na si Herminio Roque Jr. (ito ang tunay niyang pangalan) ang nagsalita para sa gobyerno ni Rodrigo Duterte. Walang ibang opisyales ang gustong tumulong kay Duterte na nawala na rin sa eksena. Hindi makikipagtulungan sa ICC ang gobyerno ng kanyang amo, aniya sa isang pahayag. Sa sumunod na araw, binanggit ng patapon na si Roque na soberanya ang isyu ng final report ng nagretirong si Fatou Bensouda.
Pawang usaping panloob ng Filipinas ang binanggit ni Bensouda, ani Roque. Hindi dapat nakikialam ang ICC sa usapin na panloob ng Filipinas, ayon sa baluktot na katwiran ni Roque.
Hindi pa tapos ang isyu. Noong Miyerkoes, pilit na iginigiit ni Herminio Roque Jr. na pawang haka-haka (hearsay) ang laman ng Bensouda Report. Tsismis ang nanlaban, ani Roque, isang abogado na wala halos nanalong kaso sa hukuman. Hindi maaalis sa kaibigan na si Mackoy Villaroman ang tumawa ng malakas dahil “collateral damage” lang ang mga madugong patayan sa ilalim ng giyera kontra droga ng gobyernong Duterte.
“Tsismis pero may collateral damage,” ani Mackoy na may himig panunuya.
May mga netizan ang nakapansin sa baluktot na katwiran ng gobyerno. Ignigiit nila ang matinding kakulangan ng masinop at maayos na pag-iisip sa usapin. Binabanggit ang soberanya sa isyu ng Bensouda Report, pero kahit minsan hindi nila binanggit ito sa pagpasok at pangangamkam ng Tsina sa ilang bahagi ng West Philippine Sea.
Hindi naiintindihan ni Herminio Roque Jr. na nagbago ang buong mundo. Hindi tinatanggap ang katwiran ng mga lider ang soberanya habang pinapatay nila ang sariling mga mamamayan sa iba’t-ibang paraan. Naiwan ng isang siglo ang pag-iisip ni Herminio Roque Jr. bagaman tinatakan ang kanyang sarili bilang isang manananggol ng karapatang pantao.
***
PINAGHANDAAN ni Bensouda at kasama ang asunto sa ICC. Sinabi niya sa kanyang pahayag nang nagretiro noong Miyerkoles na maraming ebidensiya ang nasa pangangalaga ng kanyang team kontra Duterte. Tanging ang pagsang-ayon, o approval ng Pre-Trial Chamber ng ICC ang kailangan. Sa sandaling bumaba ang approval, tuloy-tuloy na ang preliminary investigation.
Sino ang tatayo mananannggol ni Duterte? Hindi puede si Roque? Mahinang klase abogado si Roque at malamang na matalo lamang ang bugnutin na lider. Maraming abogadao na marunong sa international law, ngunit hindi natin alam kung tatanggapin nila. Hindi puedeng ipagwalang bahala ito ni Duterte.
May pahayag si Bong Go, ang alalay ni Duterte, na tuloy ang giyera kontra droga. Ang problema lamang ay wala na itong integridad. Ang ibig sabihin nito ay tuloy ang mga patayan at hindi ang paghuli sa mga drug lord at pagsugpo sa suliranin sa droga. Hindi siya pinapansin. Pampapalakas loob lamang ang sinasabi ni Bong Go sa publiko.
***
SAMANTALA, umangat ang bituin ni Trillanes dahil sa kanyang lakas ng loob na umpisahan ang pagsampa ng asunto ng crimes against humanity laban kay Duterte at kasama. Sa panahon na walang makagalaw kontra sa mga patayan, inilagay ni Trillanes ang sarili sa panganib at matinding galit ng tila nababaliw na si Duterte. Isang malaking sugal ang kanyang ginawa sa gitna ng kapahamakan.
Nawala ang ningning ng bituin ni Cayetano at Gordon, dalawang nagbabalak sumabak sa 2022. Masyado na silang defensive. Mahirap silang manalo dahil wala na ang mga naniniwala sa kanila. Sila ang sumuporta kay Duterte kahit alam nila na mali ang mga patayan. Pangulo si Gordon ng Philippine Red Cross, ang local na sangay ng International Red Cross na ang pangunahing misyon ay iligtas ang mga tao sa gitna ng sakuna at kalamidad.
Minsan siniraan ni Catetano ang Filipinas noong siya ang kalihim ng DFA. Sinabi niya sa isang pulong ng United Nations General Assembly noong 2017 na may pitong milyon adik ang Filipinas. Wala siyang basehan; wala siyang datos na iniharap. Basta sinabi niya upang bigyan ng katarungan ang walang awang patayan sa digmaan kontra droga.
The post Panlilibak appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: