Facebook

Payo natin sa 1Sambayan

NABABASA ba ng 1Sambayan at ng iba pang partido sa oposisyon ang posibleng mangyari sa eleksiyon sa Mayo 2022?

Kungdi sila makaiisip ng tamang estratehiya na kukumbinsi sa mamamayan na iboto ang kanilang mga kandidato, ayaw man nating sabihin, giba ang babangga sa matigas at matatag na pader ni Presidente Rodrigo Roa Duterte.

Aminin man at hindi ng kabilang barberya ng politika, kaya hindi makapagpasiya si VP Leni Robredo kung aarangkada siya sa karera dahil ito sa pagiging kulelat niya sa lahat ng survey, maliban sa isa, na halatang minapula ang resulta.

Maging ang numero unong kapural ng 1Sambayan na si dating Supreme Court Associate Justice Antonio Carpio ay matutulad sa kapalarang sinapit ng 8-deretso sa inodoro?

Batay sa pulso, peligroso na muling makabalik sa Senado sina Kiko Pangilinan at Risa Hontiveros, kung paniniwalaan ang pakakak ng Pulse Asia survey.

Hindi ba pumapasok sa kukote ng mga tulad ni Sonny Trillanes na walang epekto at hindi tumatalab sa “estupidong 16-milyong botante” ang walang prenong atake nila kay Presidente Duterte?

Imbes na humina ang pagkapanatiko nila kay Digong, lalo pang “nauulol” sa paghanga ang tinutuligsa nilang “bobotante ni Duterte.”

Habang tinatawag nilang diktador, mamamatay-tao, korap, manyak, ulol at tuta ng China si Duterte, lalong sumisirit paitaas ang approval rating nito na higit sa 95 porsiyento.

Kasabihan na nagiging ‘lameduck” ang isang Pangulong nasa huling taon sa puwesto, pero mas lumalakas pa ang panawagang sana ay mabago ang batas at payagang manatili si Duterte sa puwesto.

Malaki ang problema ng 1Sambayan at ng iba pang oposisyon kung paano pipigilan si Sara Duterte o si Bongbong Marcos na maupo sa Malakanyang sa Mayo 2022.

Wala kahit isang kandidato ang tropa ni Leni o ni Carpio para maibangga sa mga “kabayo” ni Duterte.

Wala ni isa sa kanila na matatawag na “winnable” at magagawa lamang nila, kung magbabago ng estratehiya at mag-ampon ng kandidatong sa tao ay mabango.

Puro kasi sila atake; utak-elitista kasi, utak-intelektwal daw sila at ang masa ay estupido at bobo.

Pero ang “bobotante” ang magpapanalo sa kanila para makabalik sa Malakanyang, hindi ba ito nauunawaan ni Kiko Pangilinan?

‘Wag kasing feeling disente at banal?

Nakalimutan ni Carpio, “politics is addition, not pure opposition.”

Mag-alok ng mahusay na alternatibo at palawakin ang pagtanggap sa nais kumampi; ‘wag maging matapobre!

Hanggang hindi nagbabago sa ugali at diskarteng sila lamang ang intelehente at beauty, sa kangkungan pupulitin o maaaring swak diretso sa inodoro ang 1Sambayan.

At ang inaasahang panalo ay magiging bangungot ng kamatayan ng ambisyong makaalis sa “kangkungan ng kasaysayan.”

Ito ang payo natin kung nais ng 1Sambayan na muling maangkin ang matamis na tagumpay sa susunod na halalan.
***
Lalong tumitindi ang korapsiyon, sa halip, na mabawasan ito.

Kaya ginagawa ang lahat ni Pres. Digong para makapag-iwan ito ng marka na ginawa niya ang kanyang makakaya para masugpo ang korapsiyon sa gobyerno.

Kung ano-anong task force ang nilikha ng Pangulo upang imbestigahan at usigin, sampahan ng mga kaso ang mga taong gobyerno na sangkot sa anomalya, korapsiyon at iba pang katiwalian, mga pag-abuso sa kapangyarihan at mapatutunayang nagkamal ng nakaw na yaman sa gobyerno.

Ika nga ng mga matatalino: “You can’t get rich in politics unless you’re a crook.”

Ibig sabihin, mahirap maging mayaman sa politika kung ikaw ay matino at matapat sa serbisyo publiko.

Anong sabi ng dating US President Harry Truman: “xxx an honest public servant can’t become rich in politics.”

Sa maluwag na translation, kung korap ang isang politiko, madali siyang yayaman, pero ang matatapat, tanging pagpuri at malinis na pangalan at kadakilaan ang magiging kayamanan sa serbisyo publiko.

Sa mga tiwali, sa paggawa ng korapsiyon, mabilis ang pagyaman.

May mga batas tayo laban sa korapsiyon; may mabibigat na parusa laban sa mga korap at may mga ahensiya ng gobyerno na itinatag para mausig, mahabol at maparusahan ang mga mandarambong.

Hindi ba ba sapat ang mga ito at sa halip na mabawasan, mapigil at mawala ang korapsiyon?

Wala na bang solusyon?

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.

The post Payo natin sa 1Sambayan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Payo natin sa 1Sambayan Payo natin sa 1Sambayan Reviewed by misfitgympal on Hunyo 16, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.