
Patay ang dalawang pulis at isa ang sugatan nang magkaroon ng palitan ng putok sa loob ng Manila Police District (MPD) headquarters sa UN Avenua, Biyernes ng gabi.
Dead on arrival sa pagamutan ang salarin na si PEMS Reynante Dipasupil, 46, nakatalaga sa District Police Intelligence Operations Unit (DPIOU) ng MPD at residente ng 1712 5th St., Punta, Sta. Ana, Manila.
Samantala, patay rin ang biktima na si PEMS Romeo Cantal, ng District Headquarters Support Unit (DHSU) nang barilin ng salarin habang tinatangkang arestuhin ito. At sugatan si PMSg Reynaldo Cordova, na nakatalaga sa District Drug Enforcement Unit (DDEU), 50, at residente ng 1514 Alcalde St., Tondo, Manila.
Sa ulat, 11:30 ng gabi ng Biyernes nang maganap ang krimen sa loob mismo ng MPD headquarters sa United Nations (UN) Avenue sa Ermita.
Sa report, dumating ang salarin sa MPD headquarters na lasing at kaagad na pumasok sa tanggapan ng DPIOU.
Sinabihan ng salarin si PSSg Michael Datur na siyang duty desk na huwag makialam sa kanyang problema at nagtungo sa cabinet sa kanilang tanggapan at kumuha ng isang M-16 rifle.
Gayunman, nag-jammed ang baril kaya’t kumuha itong ng Galil 5.56mm Rifle at pitong ulit na nagpaputok sa kisame.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Special Weapons and Tactics (SWAT) sa pamumuno ni PLTCOL Dionelle Brannon, na siyang duty CDO, kaya’t nagkaroon ng palitan ng putok ng baril.
Dito umano nabaril ni Dipasupil si PMSg Cordova, na naging dahilan nang pagkasugat nito.
Dumaan si Dipasupil sa koridor ng D3 at inatasan ang nakasalubong na si PCpl Salvador Nepomuceno na bumalik sa loob ng tanggapan.
Pagsapit sa ikalawang palapag ng tanggapan, nagtungo ito sa tanggapan ng District Director na si PBGen Leo Francisco at nagpaulan ng bala doon.
Wala naman sa kanyang tanggapan si PBGen Francisco nang maganap ang pangyayari.
Nagawa namang makapagkubli ni PCpl Jomar Dela Paz na siyang duty desk kaya’t hindi tinamaan ng bala, habang gumanti naman ng putok sina PSSg Aaron Urbano, PSSg German Roque Jr. at PSSg Allen Camangon, na siyang duty security ng tanggapan ni Francisco.
Naubusan naman ng bala si Dipasupil kaya’t iniwanan na ang baril at bumaba ulit sa west-wing habang narekober naman ni PSSg Camangon ang Galil Rifle.
Dumiretso si Dipasupil sa Gate 4 ng MPD headquarters upang tumakas na sana ngunit nakasalubong nito si PEMS Cantal at PSSg Ferdinand Francia kaya’t inatasan si Dipasupil na sumuko na.
Sa halip na sumuko nakipagpalitan pa umano ng putok si Dipasupil sa mga pulis, sanhi upang tamaan ng bala si PEMS Cantal at maging si Dipasupil.
Kaagad namang isinugod si Dipasupil at mga biktima sa magkahiwalay na pagamutan ngunit idineklarang patay si Dipasupil 3:00 ng madaling araw sa Manila Doctors’ Hospital habang binawian rin ng buhay si Cantal 3:10 ng madaling araw sa Manila Medical Center.
Nasa ligtas namang kalagayan si PSSg Cordova sa Manila Medical Center kung saan siya nilalapatan ng lunas.
Masusi nang pinaiimbestigahan ni PBGen Francisco ang insidente habang ang security deployment sa loob ng MPD headquarters, ini-upgrade na sa full alert status habang nagpapatuloy ang pagsisiyasat sa pangyayari.
Napag-alaman na na-relieved sa tungkulin si si Cantal na posible umanong motibo nang pagwawala nito. (Jocelyn Domenden/Andi Garcia)
The post Pulis-Maynila nag-amok: 2 patay, 1 sugatan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: