
TINIYAK ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng magreretirong empleyado ng Manila City Hall na matatanggap nila ang kanilang mga benepisyo mula sa Government Service Insurance System (GSIS), ito ay matapos na maresolba ng lokal na pamahalaan ang problemang iniwan ng nakaraang administrasyon.
“Nagulantang ako na ang pera ninyong pinaghirapan, nakalawit ng ibang tao. That is not acceptable to me…You dedicated your life to be of service…may utang pala ang City Hall sa GSIS. Kung kami ay di nagre-remit ng share sa GSIS, ang epekto nito, kawawa ang empleyado ng gobyerno lalo na yung mga magre-retiro kaya’t pilit nating itinama ang pagkakamali,” pahayag ni Moreno.
“Wag kayong kabahan dahil bayad na ang GSIS ng mga retiring bagamat di ako ang me gawa (ng problema),” dagdag Moreno.
Pinasalamatan ng alkalde si city treasurer Jasmin Talegon, na laging nagbibigay proteksyon sa interes at benepisyo ng mga empleyado ng lungsod.
Si Moreno, kabilang sina city administrator Felix Espiritu at city personnel office head Jo Quintos, ay nanguna sa pagkilala ng mga ginawaran ng loyalty awards sa inner court ng City Hall na kinabibilangan ng mga empleyado na nakapagsilbi nang may 30 – 40 taon at mahigit pa.
Pinasalamatan ng alkalde ang GSIS dahil bukod sa pumayag ito na magbigay ng diskwento, ay pumayag din ito na magbayad ang pamahalaang lokal sa paraang staggered o utay-utay. Sinigurado rin ng GSIS na ang mga magreretiro ay tatanggap ng benepisyo kahit hindi pa bayad ng buo ang lungsod.
Matatandaan na nang manungkulan si Moreno bilang alkalde noong July 2019 , ay nadiskubre na ang lungsod ay may pagkakautang na P195M sa GSIS.
Nobyembre noong isang taon, nang sina Quintos at Talegon ay pumasok sa isang memorandum of agreement kung saan ang pamahalaang lungsod ay nakaipon ng halagang P68.4 matapos na pumayag na bawasan ng GSIS ang halaga ng utang ng Maynila mula P195M ay naging P126M na lamang ito.
Sinabi pa ng alkalde na ito ang pinakamaliit nilang magagawa sa pamahalaang lungsod sa mga empleyado, na ayon sa kanya ay may karapatang tumanggap ng bunga ng kanilang pinagpaguran matapos nilang magserbisyo sa loob ng 20 hanggang 30 taon o mahigit pa sa pamahalaan.
Sa kanyang mensahe, hiniling ng alkalde sa mga matitirang empleyado na ipagpatuloy ang pagtulong sa pamahalaang lungsod na makabalik sa dating maunlad at magandang kalagayan at pagsumikapan pang umulad sa napili nilang larangan.
“There was a time when this city was so great… in the 60s.. that everyone wanted to go here. Napag-iwanan tayo ng mga sitio pero me habol pa ang Maynila. Di pa tapos ang laban at ‘yan ang obligasyon nating lahat.. na itaguyod muli ang bandila ng siyudad ng Maynila,” pahayag ni Moreno.
Umapela din ang alkalde sa mga empleyado na ibigay ang kanilang mahusay na serbisyo sa publiko upang pagdating ng araw ay maikwekwento nila sa kanilang mga kaapu-apuhan na naging bahagi sila at nagsilbi sa Manila City Hall.
Hiniling din ni Moreno sa mga empleyado na mag-alay ng dasal sa kanilang mga kapuwa empleyado na nasawi dahil sa coronavirus at ituring ang kanilang sarili na mapalad dahil sa kabila ng pandemya ay mayroon pa silang trabaho at patuloy na tumatanggap ng sahod.
Sa kanyang bahagi, pinuri ni Quintos ang lahat ng mga nagsisilbi sa pamahalaang lokal sa kabilang ng pandemya lalo na ang alkalde na ang mga hakbangin ay nagdala sa Maynila sa magandang kalagayan.
Sinabi pa ni Quintos na ang mga naglingkod nang ilang dekada sa pamahalaan ng Maynila ay dapat na kilalanin at dapat na ituring bilang magandang ehemplo sa mga maiiwang empleyado at sa mga bagong empleyado upang maging mahusay na mga public servant.
Ayon kay Quintos, ang mga awardees ay binubuo ng 93 empleyado na nakapagsilbi ng 30 years at tatanggap ng P8,000 bawat isa, 44 empleyado na nakapagsilbi ng 35 years at tatanggap ng P9,000 bawat isa, 20 empleyado na nakapagsilbi ng 40 years at tatanggap ng P10,000 bawat isa at tatlong empleyado na nakapagsilbi ng mahigit years at tatanggap ng P10,000 bawat isa. (ANDI GARCIA)
The post Retiring employees ng City Hall, tiyak na matatanggap ang GSIS benefits — Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: