Facebook

Pumoposisyon

KABI-KABILA ang pahayag ng mga nagnanais magpakilala bilang mga posibleng kandidato sa paparating na pambansang halalan sa susunod na taon. Nariyan ang mga tagapaghatid balita ng mga posibleng kandidato na kesyo selyado ang tambalan ng kung sino gayong walang tuwirang pahayag sa mga mismong tinutukoy. Ang maganda nito, kita kung sino ang may pera at interesado na dumami pa ang pera na gagawing negosyo ang darating na halalan. Ang makabati sa itinuturing na alas na kandidato ang tinutungo upang makapagbigay pugay at mabati sa kaarawan nito.

Gamit ang pribadong eroplano nagtungo sa lungsod ng Inferior Davao Group (IDG) upang ipakita na kakampi ito at nakahandang maging katambal sa darating na halalan. Subalit, nauna na ang sandok ng Ilocos at ang kapatid nitong tatlong beses natalo sa pagkabwisit president.

Silipin natin ang pagdalaw ng isang Bicolanong makapili sa lugar ng IDG na ipinamamalitang “done deal” ang tambalan ng kanyang “soulmates” na karay karay ang isang dating talunang pulitiko na ibig tulungan ang walang pahayag sa pagtakbo, na si Inday Sapak. Kung sabagay mas malakas ang dating ng porma kesa sa salita. Ang maganda rito nais pang maging bwisit president gayung walang tunog ang pangalan nito sa pulitika sa mahabang panahon. Ito ba ang negosyo sa halalan? Ayon sa makapiling taga Bicol “done deal” ang tambalan na nais ipagpatuloy ang pagpapahirap kay Mang Juan.

Eh mukhang walang ugong ang balitang ito at iilan ang kumagat sa pahayag na ito. Batid ni Mang Juan na mahirap samahan ang talunan lalo’t kasama ang bangag na kinatawan. Sorry you’re the weakest link, goodbye. Ang masama nito, ibinabalita ng makapiling ito na sa lokal na halalan tatakbo si Busy kahit na walang pahayag. Bistado kana ng Bicolandia.

Samantala, maagang nagpahayag ang isa pang balimbing ng Bicolandia na may napili na itong mamanukin sa darating na halalan pambansa. Tuwirang nagpahayag na nasa katangian ni Inday Sapak ang dapat mamuno ng bansa dahil sa magandang pananaw nito sa ekonomiya at kagalingan sa pagdadala ng kabuhayan sa siyudad na pinamumunuan. Galing ba sa Davaoeno ang datos o talagang sipsip lang ang bukbuking kinatawan?

At ang pinaka gusto ng Bicolanang ito este Bicolanong, ang pananapak ni Inday sa isang Sheriff na nagpapatupad ng isang lehitimong kautusan mula sa hukuman. Ang dahilan ng pananapak, ang hindi paghintay ng sheriff kay Inday Sapak bago maisakatuparan ang utos ng hukuman. Kawawang kawani, sumunod sa utos ng hukuman eh sapak ang inabot. Sa takot sa kaganapan, inilipat o lumipat ito ng ibang lugar upang makaiwas sa maaaring mangyari sa kanya at sa pamilya.

Subalit, para sa makapiling Bicolano, ito ang katangian ng dapat maging pangulo. Wow, ang hindi pagsunod sa batas tulad ng ama ang dapat na katangian ng isang lider ng bansa? Totoo ba itong pinagsasabi ng Bicolanong balimbing? O pumuposisyon na ito? Talagang walang kinis ang pahayag nito tulad ng mukhang maastad.

Sa kabilang banda may isang Yorme sa isang siyudad sa Metro Manila na nagpahayag na hindi nito iboboto ang kandidatong ibig lang magmana ng posisyon ng ama. Hindi tuwirang binabangit ang pangalan, malinaw na ito’y pahayag kontra sa kung sinong nakaupo sa kasalukuyan.

Malinaw ang postura ni Yorme, at ang laban na pahayag ang nagsasabi na handa ito sa ano mang kaganapan na magtataas sa kanyang kamay. Batid natin na kasama ito sa listahan ng isang grupo na nagtatasa ng mga posibleng kandidato ng oposisyon sa pagkapangulo at hayan pumuposisyon. Malakas ang porma ni Yorme na tila nalulula sa natatangap na mga publisidad at nagpapakitang gilas sa pagpapatakbo ng siyudad na pinamumunuan. O meron taga Binondo na handang magbigay puhunan para mapalakas ang tsamba sa pambansang upuan.

Basta’t hindi makakalimutan si Edi at Pati, tuloy ang ligaya at ginhawa sa buhay. Umaasta at umaasa na mapili kahit kulang ang kasanayan sa pambansang pwesto na masasabing mahusay na lingkod bayan. Ang paggamit ng mga salitang kalye na nakakagiliw sa tenga ng mga media personalities at outlet ang puhunan upang makilala ni Mang Juan. Eh sa totoo lang, walang binesa ito sa Mayor ng Pasig na payak sa pahayag pero garbo sa kilos, sayang wala sa tamang edad sa pambansang pwesto.

Sa mga pahayag na ito tuwiran o hindi, huwag ng magtaka na ito’y posturang nagsasaad ng pagnanasa sa pwesto. Magsuri at huwag maniwala na walang alam o basbas kung sino man ang gustong ipakalat ang pangalan upang makilala at maalala sa halalan. May hugis na ang postura ng mga politiko sa ’22 at ang bawat kampo lalo na ang masalapi o mapera ang siyang laging laman ng mga pahayagan, TV, radyo at social media. Hindi mapigilan ng COMELEC ang paglalabas ng mga gamit pakilala ng mga politiko dahil wala pa ang oras ng halalan, pero tunay na gumagalaw at pinag-uusapan na. Napaka sakit Kuya Edi.

Hindi lang ito, wala pang metro ang paggastos na masasabi ng pagtakbo sa halalan gayung batid na ng lahat ng galaw nito’y ginagastusan na ng todo. Sa kawalan ng pagsusumite ng SALN ang magsasabi ng totoong halaga ng kakandidato, ang tanong saan galing ang pera na ginagastos dito? Kay Mang Juan ba o Aling Marya na hindi pa nabakunahan dahil wala pang dumadating na donasyon bakuna. Gayung lumaki ang utang nito sa mga nagdaang panahon..

Ang mga maposturang politiko, eh kaliwa’t kanan na ang pagsasabi ng ayaw subalit tuloy ang ginagawang pagpapakilala sa buong bansa. Kaya Mang Juan, ang mga politikong mapostura at panay papogi’y huwag paniwalaan. Maging mapanuri sa kaganapang politika sa ngayon dahil ikaw, siya, ako, tayo at ang balana ang pinaka mahalaga sa mga politiko sa kasalukuyang panahon.

Huwag alisin sa isip ang laslasan ng leeg na naganap sa isang partidong PaDaPa na walang Laban na nais isulong ang sariling interes at hindi ng Bayan. Huwag papormahin ang sinu mang kumikiling sa pananatili ng Inferior Davao Group (IDG) na ang layon ang mapanatili ang sarili sa kapangyarihan. Imulat ang mata’t isipan at huwag magpabola, na isusulong ang pagbabago para sa lahat ng Pilipino. Kilatisin ang kandidato na uunahin ang kapakanan ng Bayan, hindi ang sarili at ang Tsekwang dayo..

Maraming Salamat po!!!

The post Pumoposisyon appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pumoposisyon Pumoposisyon Reviewed by misfitgympal on Hunyo 09, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.