Facebook

Suportahan natin ang panukalang ‘10k ayuda’ ni Cayetano

TATLONG taon sunod-sunod na ayudang 10K sa bawat pamilyang Filipino?

Why not, at sa tingin ng inyong lingkod, napapanahon ito upang matulungang makabangon ang maraming mahihirap na pamilyang Filipino na ginugupo na ng kahirapan, lalo pang ginigiyapis ng pandemyang COVID-19.

Libo-libo na ang namatayan ng kapamilya, gawa ng perwisyong virus, tapos wala nang kabuhayan, ikamamatay pa ang kawalan ng ayuda na saan pa ba dapat na asahang manggagaling kungdi sa gobyerno.

Kaya, pinupuri natin ang dumaraming kongresista at kaalyado ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa pursigidong pagtutulak ng panukalang ‘10K ayuda’ sa loob ng tatlong taon, lalo sa bawat mahihirap na pamilyang Filipino.

‘Wag daw sanayin sa ‘limos’ ang Filipino, sabi ng mga kontra, at ito raw panukalang ’10K ayuda’ ay magtuturo ng katamaran.

Mali ito, sa tingin natin.

Masisipag ang pamilyang Filipino, sabi ni Taguig Rep. Maria Laarni ‘Lani’ Lopez Cayetano na ginagawa ang lahat upang makatawid sa gutom at krisis ng pandemyang ito, pero kapos at kapos lagi, lalo na ang mahihirap.

Masyadong masakit na tawaging tamad ang maraming mahihirap, depensa ng maybahay ni dating Speaker Alan Peter.

Halos magkandakuba na ang mahihirap sa panay ang pagkayod, kakantiyawan pang tamad, sabi ni Rep. Lani na imbes na tulungan, inaalipusta pa.

Makatwiran at makatao ang ’10K ayuda’ ni Cayetano dahil dumaranas tayo ng kakaibang krisis ngayon.

Extra-ordinaryong panahon ang nagpapahirap sa ating bansa, lalo na ang mahihirap na pamilyang Filipino.

Kaya tama ang tingin ni dating Speaker Alan Peter – na sa ayudang 10K sa loob ng tatlong sunod na taon, ang mangyayari ay iikot ang pera sa bawat sulok ng Pilipinas.

At ano ang mangyayari: “… maka-recover ‘yung mga nangangailangan mag-recover. Parang 4Ps,” sabi ni Cayetano.

***

Sa krisis na nangyayari, maitutulad sa isang taong nalulunod ang kahirapang nangyayari sa karaniwang pamilyang Filipino.

Kung kayang lumangoy at sagipin ang isang nalulunod, makataong gawa iyon, pero kung hindi naman, kung magagawang maghagis ng salbabida o life vest o anomang makakapitan para masagip ang isang nalulunod, ito ay maka-Diyos na tungkulin.

Kaya, mali na tawaging limos at tamad ang maraming naghihirap sa mahihirap na pamilyang Filipino.

Dapat pa nga, sa tingin ni Cayetano, ,”‘yung plano dapat five years, pero itong ayuda na P10,000, hindi pwedeng one time at this year lang.”

Sana raw, matulungan siya, sabi ni Cayetano na kalampagin ang gobyerno at ang mga kapwa niya mambabatas sa Kongreso na suportahan ang kanyang panukala upang maisabatas na ang Sampung Libong Pag-asa program na may probisyong magbigay ng P10,000 cash aid sa loob ng taong 2021-2022-2023.

Lalo at matatagalan pa bago maging magbalik-normal ang buhay-Filipino na sa ulat ng DOH, umabot nitong Junyo 23 sa 1,372,232 ang COVID-19 cases at 23,928 na ang namatay sa virus.

May peligro pa ang Indian variant at Delta variant ng virus na kumalat sa bansa.

***

Hindi tumitigil si Cong. Cayetano at mga kaalyado sa pag-iisip kung paano matutulungan ang ordinaryong pamilyang Filipino at nakatutuwa na ang kanyang adbokasiya para sa economic recovery plan natin, tulad nga nitong ’10K ayudang cash.’

Kailangan natin talaga ng tulong na salapi na pambili ng ating mga pangunahing pangangailangan; malaking tulong ang ’10K ayuda’ sa pagbuhay ng maliliit na negosyong Filipino.

Sana ay suportahan ng maraming mambabatas ang “1-2-3 punch” na estratehiya ng gobyerno ang pamamahagi ng ayuda.

Tulad ng isinusulong ni Cayetano at iba pang kaalyado na panukalang Bayanihan 3 – na nakapaloob doon ang five-year economic plan ng gobyerno.

Ito, ayon sa kanya ay estratehiya at binubuo ng: 1) isang economic recovery plan tulad ng Bayanihan 3; 2) isang five-year economic at post-pandemic plan; at 3) ang 2022 budget laban sa COVID-19” na may probisyon sa pamamahagi ng P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Pilipino.

Bilyon-bilyong piso ang badyet na ito at para masigurado na maayos na maipamimigay, ang nais ni Cayetano ay mga opisyal na “neutral” at “non-partisan” at may malawak na kaalaman sa ekonomiya ang hahawak sa nasabing post-pandemic plan.

Kung laging magbabangayan at magpapatutsadahan at walang pagkakaisa ang lahat sa Kongreso at Senado, walang mangyayari sa atin, sabi ni Cayetano.

Ang maganda kay dating Speaker Cayetano, ang laging nasa isip niya ay makapagbigay ng maayos at tamang serbisyo sa bayan.

Kaya ang balita ko, nagpapanukala siya at mga kaalyado ng limang-taon economic stimulus plan.

Ibig sabihin, Balik sa Tamang Serbisyo o BTS ang nais niya sa Kongreso.

“Tinatrabaho na namin ito, ‘yung economic stimulus plan, [‘yung] five-year plan… and of course, [‘yung] 2022 budget,” sabi ni Cayetano.

Ganyan sana ang lahat ng mambabatas: masipag, matapat at mapagmalasakit sa bayan at mamamayang Filipino.

Isa ako sa sumasaludo sa magagandang panukala mo, Speaker Cayetano.

***

Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com .

The post Suportahan natin ang panukalang ‘10k ayuda’ ni Cayetano appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Suportahan natin ang panukalang ‘10k ayuda’ ni Cayetano Suportahan natin ang panukalang ‘10k ayuda’ ni Cayetano Reviewed by misfitgympal on Hunyo 23, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.