“I know pagod na kayo… ‘wag kayong bibigay dahil kailangan tayo ng taumbayan.”
Ito ang mensahe ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng frontliners ngayong pandemya makaraang pangunahan niya ang mga Manileño sa paggunita ng ika-123 taong anibersaryo ng kalayaan ng bansa.
Sa patuloy na pakikipaglaban ng lungsod sa COVID-19 ay hinikayat niya ang mga Manileño na bigyang pagkilala ang mga nasa harapan nang labang ito sa pandemya lalong lalo na ang mga health care workers na isinasapalaran ang sariling buhay makapagligtas lamang ng ibang buhay.
Inihalintulad ng alkalde ang mga health frontliners sa mga bayani ng bansa dahil sa kanilang tapang na harapin ang laban sa pandemya alang-alang sa kanilang mga kababayan.
Sinabi pa ng alkalde na sa loob ng 23-taon niya sa serbisyo publiko ay ngayon lamang siya nakadama ng pagmamalaki sa sarili at ito ay dahil sa mga sakripisyo ng mga nasa frontline ng digmaan kontra COVID-19.
Partikular na pinuri at pinasalamatan ni Moreno ang mga tao sa likod ng operasyon ng anim na pinatatakbong ospital ng lungsod, quarantine facilities, food security program at iba pang mahahalagang tanggapan tulad ng city engineering office sa ilalim ni City Engr. Armand Andres, department of public services sa ilalim ni Kenneth Amurao, Manila Traffic and Parking Bureau sa ilalim ni Dennis Viaje at Manila Disaster Risk Reduction Management Office na pinamumunuan ni Arnel Angeles bilang direktor.
Pinuri din at pinasalamatan ni Moreno ang kanyang Vice Mayor Honey Lacuna at ang mga miyembro ng Manila City Council sa pangunguna ni majority floorleader Atty. Joel Chua dahil sa kanyang patuloy na suporta sa pagpasa ng mga enabling ordinances para sa administration-backed measures.
Hindi rin kinalimutan ng alkalde ang mga miyembro ng vaccinating teams, sa pangunguna ni Lacuna at Manila Health Department chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, dahil sa kanilang dedikasyon sa layuning mabakunahan ang bawat isa sa lungsod ng Maynila.
Sa loob ng 14-oras ay nagtatrabaho ang vaccinating teams kapag may sapat na supply ng bakuna, kung saan dahil dito ay nakapagtala ang lokal na pamahalaang lungsod ng Maynila ng record bilang may pinakamaraming nabakunahan sa isang araw, may pinakamaraming na-deploy na vaccine at may pinakamabilis na pagde-deploy ng bakuna sa National Capital Region o NCR. (ANDI GARCIA)
The post “‘Wag kayo bibigay dahil kailangan tayo ng taumbayan” appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: