KUNG kayo’y sawang sawa na sa apilyedo ng mga politiko/kandidato, naghahangad ng pagbabago, umpisahan natin sa 2022.
Oo! Ibasura na natin ang political dynasty, pamilya ng politiko na nagpapayaman lang sa puwesto. Umpisahan natin ito sa PRESIDENTE pababa sa MAYOR.
Tayong mga BOTANTE lang ang makakabuwag sa political dynasty. Dahil hindi naman ito isusulong o papasa KONGRESO dahil karamihan sa ating mga mambabatas ay miyembro ng political dynasty.
Tayong mga botante ang naglagay sa kanila sa kapangyarihan. Kaya tayo rin ang makapagpapatalsik sa kanila sa puwesto. Ibalik natin sila sa pagiging basang-sisiw!
Kaya kung gaano kayo kaingay ngayon laban sa political dynasty, ibuhos ang ngitngit na ito sa Mayo 2022. Ibasura ang pamilya ng mga kandidatong trapo. Buwagin ang political dynasty, ‘wag lagyan ng shade ang bilog sa tapat ng kanilang pangalan/apilyedo sa balota.
Huwag nang maniwala sa pambobola ng mga trapo. Kung totoo ang mga sinasabi nila tuwing kampanya, dili sana’y ginawa na nila ito nung nasa termino nila. Ilang dekada na ba sila dyan at hanggang ngayon ay nangangako parin?
Tandaan: Ang pamilya ng politiko na nagpapalitan lang sa puwesto, ayaw bitawan ang puwesto, yan ay may kababalaghang ginagawa, nangungulimbat! Tama ba ako, Mayor?, Gob., Cong., lalo na sayo Mr. President? Aminin…
Tandaan: Wala tayong utang na loob sa mga politiko. Sila ang may utang na loob sa atin dahil inilagay natin sila sa puwesto, binigyan ng kapangyarihan dahil sa akalang totoo sila sa kanilang mga pangako nung kampanyahan. Eh joke lang pala iyon ni Presidente!
Tandaan: Mandato ng mga nanalong kandidato na serbisyuhan tayo dahil unang una, sinusuwelduhan natin sila. Ibinoto natin sila kapalit ng kanilang magangandang pangakong serbisyo publiko.
At ‘wag na ‘wag kalimutan: Ang anumang bagay o halaga na iniaabot sa atin ng mga politiko, yan ay galing din sa ating taxpayers. Pinagkakitaan pa nga nila ito. Mismo!
Ang mga programa o project nina Mayor, Congressman sa inyong bayan/lungsod, ‘yan ay taxpayers money. Pinagkakitaan pa nga nila ang mga programa/project na ito, kinomisyunan ng hanggang 30 porsiyento kaya substandard ang pagkagawa. Mismo!
Kaya nga ayaw na ayaw nilang bumitaw sa puwesto ay dahil easy money ang pagpayaman nila. Kita nyo naman kahit silang nasa puwesto ay nauna pang mangampanya ‘pag malapit uli ang eleksyon, dahil sila mismo ay ‘di bilib sa naging performance nila. Takot sila matalo. Kaya gagawin nila ang lahat para manatili sa kapangyarihan, maipagpatuloy ang pagpayaman at pang-aabuso. Bibilhin nila ang iyong boto, ang iyong dangal at pagkatao, mabalik lang sila sa puwesto.
Dearest voters, laging tandaan: Ang kandidatong namimili ng boto, korap ‘yan. Sila ang trapo, political dynasty. Lason sila sa lipunan.
Kita nyo… karamihan ng lalawigan, bayan/lungsod na may political dynasty ay marami ang mahihirap. Ang mayayaman lang ay ang mga kamag-anak o mga nakasuso sa trapo. Pero ang naghalal sa kanila, nganga, isang kahig isang tuka parin. Mismo!
Again, kung “putang ina” na sa para inyo ang political dynasty, wakasan nyo na sa2022. Umpisahan nyo sa PRESIDENTE pababa sa MAYOR.
Buwagin ang political dynasty sa 2022. Tandaan!
The post Wakasan na ang ‘political dynasty’ sa 2022 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: