NASAWI ang tatlong batang babae nang malunod sa ilog, habang isa pa nilang kasama ang nakaligtas nang tumaob ang kanilang sinasakyang kahoy na ginawang bangka sa Barangay Natapian East, Solana, Cagayan noong Martes, Hunyo 29.
Kinilala ni Police Captain Samuel Lopez, hepe ng Solana Police, ang mga nalunod na sina Alexa Nicole Siringan, 11 anyos; Daniella Malillin, 11; at Mae Shan Garcia, 9; habang mapalad na nakaligtas Jaymar, 9; pawang residente ng nasabing lugar.
Nakita ng isang Joaquin Gabona ang naanod na bangkay ng isang batang babae habang naglalaba ito sa ilog ng Purok 5 sa nabanggit na lugar 1:30 ng hapon.
Mabilis na isinugod sa Cagayan Valley Medical Center ang bata subali’t idineklarang dead-on-arrival, na kalaunan nakilalang si Alexa Nicole.
Sinabi ni Lopez na 3:15 ng hapon nitong Miyerkules nang matagpuan ng mga rescue team ang bangkay ni Garcia matapos ang mahigit 24 oras na paghahanap.
Sa imbestigasyon ng Solana Police, nabatid na pumunta sa Cagayan River ang mga biktima para maligo. Sumakay ang mga ito sa isang kahoy na ginawang bangka nang biglang tumaob habang nasa malalim na bahagi ng tubig na naging dahilan para matangay ng agos at malunod.
The post 3 bata nalunod sa ilog nang gawing bangka ang kahoy appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: